webnovel

Kabanata 4

TILA lumiwanag ang mukha ni Franki sa huling tinuran ng kaibigan. "Tama. Mamamasukan akong kasambahay."

"Ano'ng sinabi mo?" hindi makapaniwala na reaksyon ng kaibigan. Napatayo ito mula sa kama na kinauupuan. "Hindi ka lang siguro nasisiraan ng ulo, 'no? Nababaliw ka na. Desperada lang, 'te?"

Hinatak niya ang mga kamay nito at muling pinaupo sa gilid ng kama. "Kapag namasukan ako bilang kasambahay, ibig sabihin ay lagi akong nasa bahay. Imposibleng mahanap pa ako ni Dad!"

"Hay naku, Franki! Graduate ka nga ng college, pero kung mag-isip ga-munggo naman!" prangkang sabi ng kaibigan. Hindi naman siya nainis sa sinabi nito. "Gusto mong maging kasambahay, samantalang ikaw ang pinagsisilbihan ng mga kasambahay sa pamamahay n'yo. Ano naman ang alam mo sa pagiging kasambahay, aber?"

"Marunong naman ako magluto at alam mo 'yan," pagyayabang pa niyang sagot. Isang mabilis na irap ang binigay sa kanya ng kaibigan. "Ang paglilinis madali lang naman, walis-walis dito, walis-walis doon. Punas dito, punas doon."

"Akala mo siguro madali lang ang trabaho ng mga kasambahay. Saka sa itsura mo na 'yan, tingin mo ba may tatanggap sa 'yo? Baka nga magmukhang ikaw ang amo sa bahay na paglilingkuran mo." Sinipat siya nito mula ulo, hanggang paa.

"Sobra ka. Hindi ba ako katanggap-tanggap?" malungkot niyang tanong dito.

"Hindi naman sa gano'n. Pero sa ganda mong 'yan at kutis na mala-porcelana, tingin mo ba may maniniwala sa 'yo na kasambahay ang aaplayan mo?" anitong tinapik-tapik ang kaliwang pisngi niya. "Akala mo ba hindi ka matutunton ni Tito Frederico kapag pinakalat niya ang iyong mga pictures na may nakasulat, missing person. Name, Franki Avella. Blah! Blah! Blah!"

"Hmm…paano kaya kung mag-disguise ako?"

"Tsk! Kapag kalokohan talaga napaka-brilliant mo mag-isip!" disgusto pa rin sa plano niya si Angela.

Sabay silang napalingon sa saradong pinto ng kwarto nang makarinig ng katok.

"Angie?" Boses ng kuya ni Angela ang narinig nila.

Nagkatinginan sila. Natataranta sila pareho. Una niyang naisip ay magtago sa closet ng kaibigan. Ngunit nang buksan niya ito, magulong mga damit ang tumambad sa paningin niya.

"Parang dinaanan ng signal number three ang closet mo," aniyang natatawa nang lingunin ito.

"Gaga! 'Wag mo nang pansinin 'yan" pabulong nitong sabi at hinila ang kamay niya. "Under my bed."

"Ayo–" hindi natapos ni Franki ang sasabihin, dahil mabilis na tinakpan ni Angela ang bibig niya gamit ang kamay nito.

"Malinis ang ilalim ng kama ko. Sige na, magtago ka na. Akala ko ba ayaw mong makita ka ni Kuya Arth?" muling bulong nito sa kanya.

"Fine!" napipilitan niyang sagot. Dumapa siya at gumapang. Saktong nakapasok siya sa ilalim ng higaan, biglang bumukas ang pinto ng kwarto ni Angela.

Tumatahip ang dibdib ni Franki. Kinakabahan siya na baka makita ng kuya ni Angela. Nangangamba rin siya na baka may makitang insekto. Lalo na kung ipis o kaya butiki, takot siya sa mga ito. Isipin pa nga lang niya, kinikilabutan na siya.

Samantalang si Angela, nagkunwari naman na nag-aayos ng kama.

"Kanina pa ako kumakatok sa labas ng pinto. Hindi mo ba naririnig?"

"Good evening, kuya!" kunwa'y masiglang bati ni Angela sa kapatid.

"Bakit hindi mo ako pinagbubuksan ng pinto?" bungad kay Angela ng bagong dating na si Arth. "Parang narinig kong may kausap ka rito sa loob ng kwarto mo. May tinatago ka ba?" seryoso ang mukhang sabi ng binata, nakapamulsa ito.

"Ako, may tinatago?" ani Angela, sinabayan ng pekeng tawa. "May kausap nga ako kanina, pero sa cellphone lang kami nag-usap. Nakita mo naman mag-isa lang ako rito." Minuwestra pa ng dalaga ang loob ng kwarto.

Pagak na tumawa si Arth. Nagpalakad-lakad ito sa loob ng kwarto ng kapatid, malikot ang mga mata.

"Sigurado ka?" dudang tanong nito sa kapatid.

"Oo naman!" mabilis na sagot ni Angela. Humakbang siya palapit sa kanyang kama at naupo kung saan ay nakadapang nagtatago sa ilalim nito si Franki. Nakita niyang may dinukot sa bulsa sa suot nitong black pants ang kapatid.

"May kausap ka sa cellphone, ano itong hawak ko?" Ipinakita ni Arth ang hawak na cellphone, pagmamay-ari ito ng nakababatang kapatid. Nakuha nito iyon sa kusina, nakapatong sa ibabaw ng lamesa ng dumaan doon para uminom ng malamig na tubig.

Napangiwi si Angela, mabilis na nag-isip ng dahilan. "Nakalimutan ko nga palang mag-update sa 'yo, Kuya Arth. Dalawa na ang cellphone ko. O, 'di ba, sosyal ang sister mo?"

Mula sa pinagtataguan ni Franki, nakita niya ang kuya ng kaibigan at papalapit ito sa kamang pinagtataguan niya.

"Naku, patay na!" pikit-matang usal niya. Mukhang mabibisto pa yata sila ng lalaki.

"Hep! Hep! Hep!" pigil ni Angela sa kanyang kuya, "sandali! Bakit ka ba naparito, may kailangan ka ba?" nakapamewang na tanong niya rito.

"Ibibigay ko lang sa iyo ang cellphone mo," sagot ng binata sabay abot ng cellphone sa kapatid.

"Itong cellphone ko lang pala ang dahilan kaya ka naparito. Salamat, Kuya Arth. Sige na, makakalabas ka na!" pagtataboy niya sa kapatid.

"May sasabihin pa ako sa iyo."

"Ano 'yon? Bilisan mo na't matutulog na ako." Nagkunwaring humikab si Angela.

"Tanungin mo bukas ang mga kasambahay," ani Arth.

"Tanungin tungkol saan?" nagulumihanang tanong ni Angela.

"Baka may kilala silang pwedeng magtrabaho bilang kasambahay. Urgent lang. Doon sa bahay ng kaibigan ko," mahabang sabi ni Arth. Malikot ang mga mata, napapansin kasi nitong parang may itinatago ang kapatid.

"Kasambahay?" ulit ni Angela. Naalala niya si Franki.

Mataman na nakikinig naman sa ilalim ng kama si Franki. Natuwa ang dalaga sa kanyang narinig. Mukhang hindi niya na kailangan pang maglakad-lakad sa kalsada para isa-isahin ang mga kung saan may karatulang nakasabit sa labas ng gate at may nakasulat na 'Wanted Kasambahay.'

"Yes! Kasambahay, katulong or maid. Umuwi raw kasi sa probinsya ang kasambahay ng kaibigan ko, may sakit daw ang tatay. Mukhang matatagalan pa ang balik, kaya kailangan niya ng bagong kasambahay."

"Eh, bakit ikaw ang naghahanap para sa kaibigan mo?" usisa ni Angela.

Echosera naman itong friend ko, bulong ni Franki sa sarili, nakikinig kasi siya sa usapan ng magkapatid.

"Kaibigan ko nga 'di ba? Tumutulong lang," sagot ng binata. "Bukas mismo, maaari na siyang mag-start."

Next chapter