webnovel

Chapter 5

Ibinuhos ulit ni Keira ang Stallion Shampoo and Conditioner sa kamay at kuntodo sa pagsa-shampoo. Di niya alam kung ilang beses na siyang nag-shampoo o kung gaano na siya katagal sa banyo dahil ilang beses na siyang nagsabon. Basta di siya mag-amoy pawis, mag-amoy araw at mag-amoy kabayo paglabas sa banyo. Ayaw na niyang mailang kay Eiji kung lalapit man ulit ito sa kanya.

Napapikit siya at inisip kung gaano kalapit ang mukha ni Eiji sa kanya. She could clearly see his eyes and his tempting sensual mouth.

Kinatok siya ni Aling Pining. "Keira, lumabas ka na diyan at baka mainip na ang bisita mo. Nakakahiya naman."

"Opo. Lalabas na po ako."

Naka-bathrobe siyang lumabas ng banyo. Inaayos ni Aling Pining ang damit niya sa kama. Parang nanay na niya ito. Sila lang ang babae sa ranch house kaya malapit sila sa isa't isa. Di na nga daw ito nakapag-asawa sa paglilingkod sa mga Averin. "Aba'y baka natalop na ang balat mo sa sobrang ligo. Halos isang oras ka nang nagbabad."

Napaurong siya nang makitang naka-make up ito. Pulang-pula ang pisngi nito at labi. Maputi din ang mukha nito sa sobrang kapl ng foundation. Maitim si Aling Pining kaya malayo ang kulay ng mukha nito sa balat.

"Ngii! Bakit po ganyan ang itsura ninyo?"

Hinawakan nito ang sariling pisngi. "Maganda, hindi ba? Hindi nga maalis ni Eiji ang tingin sa akin. Gandang-ganda tiyak siya sa akin."

Nailing na lang siya. "Si Aling Pining talaga."

"Gusto mo lagyan din kita ng make up para magkasingganda na tayo."

"Huwag na po." Tiyak na magtatatakbo si Eiji palayo oras na lagyan siya ng make up ni Aling Pining. Malayo pa ang Halloween. Pumunta siya sa cabinet at pumili sa mga T-shirt at polo kung ano ang pwede niyang isuot.

"Itong blouse na pinili ko ang isuot mo."

Nanghaba ang nguso niya nang makita iyon. "Pink?"

Regalo iyon sa kanya ni Monica noong birthday niya tatlong taon na ang nakakaraan. Di niya alam kung iniinis lang siya ng pinsan dahil ayaw niya sa style ng blouse na iyon. At lalong ayaw niya sa kulay pink.

"Bagay na bagay ito sa iyo," sabi nito at inilapat ang damit sa kanya.

"Ayoko po niyan. Magmumukha akong babae diyan."

"O, e anong masama? Babae ka naman."

"Gusto ninyong pagtawanan ako ng mga trabahador? Sabihin pa ng mga iyon pinipilit kong magmukhang babae."

"Nakita mo ba iyong bisita mo sa baba? Sikat at guwapo. Tapos hindi ka man lang magpapaganda. Isang oras na na rin lang namang naligo, mag-ayos ka na rin."

Sinulyapan niya ang pink na blouse. Matagal na niyang hindi naisip na mag-ayos bilang babae mula nang mamatay ang mga magulang niya. She knew she had to be tough. Kailangan niyang mabuhay sa mundo ng mga lalaki.

Pero sa pagdating ni Eiji sa buhay niya, kailangan ba talagang may magbago?

Napabuntong-hininga siya. "Sige na nga po. Isusuot ko ang blouse pero huwag na ninyo akong pilitan na mag-make up."

"O siya, siya." Inabot ulit nito ang blouse. "Isuot mo na."

Pikit-mata niyang isinuot ang blouse. Matapos isuot ay di na siya nag-abala pang tingnan ang sarili sa salamin. She knew that she would look outrageous. Ihahanda na niya ang sarili na ulanin ng kantiyaw mamaya.

Nagche-chess ang dalawa sa terrace nang lapitan niya. "Uncle…"

Natulala ang dalawa paglingon sa kanya. "O! Hindi ka namin nakilala," wika ni Felipe at napangiti na parang nanunukso. Di na niya alam ang itsura niya. Pati kasi ang buhok niya na laging nakapusod ay nakalugay dahil basa pa.

And Eiji was staring at her as if she was a creature from another planet. Di nga yata bagay sa kanya ang suot niya,

Tumalikod siya. "Magpapalit lang po ako ng damit."

Mabilis siyang pinigilan ni Eiji sa braso. "O! Huwag ka nang magpalit."

"Pangit nga ang suot ko. Saka itatali ko pa ang buhok ko," katwiran niya.

"Huwag! Okay naman ang suot mo, ah! Tapos papalitan mo pa."

"Ipasyal mo na si Eiji dito sa rancho. Kanina pa naghihintay ang batang iyan. Ilang beses na akong na-checkmate sa sobrang tagal mo," pagtataboy ni Felipe.

Nakaalalay sa braso niya si Eiji kahit nang naglalakad na sila papunta sa horse pool. Hindi siya sanay nang inaalalayan siya. Parang mahina siya. Pero di siya makatutol. Pakiramdam kasi niya ay iniingatan siya ni Eiji.

"Nagsusuot ka rin pala ng kulay pink," tukso nito.

Iniikot niya ang mga mata. "No! Pinilit lang ako ni Aling Pining. It is too feminine."

"But it looks good on you. And I also like your hair." Hinaplos nito ang buhok niya. "Mas mukha kang approachable kapag nakalugay."

"Basa lang iyan pero ipo-pony ko rin mamaya."

"Huwag! Mas maganda sa iyo ang nakalugay."

"Maiinitan ako sa pagtatrabaho. Di ko kailangang magpaganda dahil puro mga kabayo ang kasama ko."

Nakatitig pa rin ito sa kanya at may kakaibang ngiti sa labi. Hindi niya magawang salubungin ang tingin nito dahil baka siya naman ang matunaw. "Iniisip ko lang kung ano ang itsura mo kapag naka-dress ka o naka-skirt."

"Don't wish on it. Ang sabi nga nila Tigor, tiyak na magugunaw na ang mundo."

"Kahit pa magunaw ang mundo, okay lang. At least nakita ko kung gaano ka kaganda sa araw na iyon."

Namaywang siya. "Itu-tour ba kita dito sa rancho o bobolahin mo ako?"

Hinaplos nito ang batok nito. "You don't really take me seriously."

"Should I?" He was a classic male bolero. Kung sasanayin niya ang sarili niya sa mga pambobola nito ay baka maniwala na siya.

Hinawakan nito ang baba niya at bahagyang itinaas. "Pupunta ba ako dito at magbibiyahe ng malayo para lang bolahin ka?"

Magkalapat na ang tingin nila ngayon. Pilit pa rin niyang iniiwas ang tingin dito kahit na mahirap. "Hindi ko nga alam kung bakit ka dumadalaw dito."

Binitiwan siya nito at bahagyang lumungkot ang mga mata. "I just want to see you before I leave. May competition sa Tokyo at dalawang buwan akong mawawala. Gusto nga sana kitang yayain na sumamang manood sa akin. Ako ang bahala sa lahat ng expenses. I want you to cheer for me."

"Marami namang magchi-cheer na babae sa iyo." Tinapik niya ang balikat nito. "Good luck sa laban mo at ipagdadasal kita."

Ginagap nito ang kamay niya. "Gusto kitang tawagan habang nasa Japan ako."

"Sa dami ng fans mo, bakit ako pa ang tatawagan mo?"

"Because its your voice that I want to hear."

Parang may naghahabulang daga sa dibdib niya. Bakit ba nag-aaksaya pa ito ng panahon sa kanya? "O sige, tumawag ka. Basta huwag sa oras ng trabaho. Busy ako," pasuplada niyang sabi at bahagyang umingos. Baka hindi siya makapag-concentrate sa trabaho kapag narinig ang boses nito.

Hinila nito ang kamay niya at inilapat sa dibdib nito. Wala nang pagitan ang mga katawan nila sa pagkakataong iyon. "At isasama rin kita sa riding club pag-uwi ko." There was his sensual voice again. Nagsasabi na di niya ito pwedeng tanggihan.

Binasa niya ang labi. Hindi pwede ang mga nangyayaring ito. He was trying to control her. Kailangan niyang mag-isip. "S-Si Monica ba hindi mo yayayain? I am sure hindi siya tatanggi kapag niyaya mo."

Inilapit nito ang mukha sa kanya. "Ikaw ang niyaya ko, di ba?"

Hindi siya makagalaw habang palapit nang palapit ang mukha sa kanya. Nakaligo na siya, nag-toothbrush, hindi na siya amoy kabayo, araw o pawis. Kahit pa siguro anong gawing lapit nito sa kanya, di ba siya maiilang.

Ipipikit sana niya ang mata niya para tanggapin ang unang halik niya nang mag-ring ang cellphone niya. "Bosing, nagwawala si Aries. Iyong kabayo na nasa horse pool. Ayaw nang umahon," sumbong sa kanya ni Taboy.

"O, sige. Pupunta ako diyan."

"Trouble?" tanong ni Eiji sa kanya.

"Kailangan kong pumunta sa horse pool. Pasensiya na kung mapuputol man ang kwentuhan natin. Importante lang kasi."

Ngumiti ito. "Hindi bale. May next time pa naman."

HIndi ang kwentuhan nila ang tinutukoy nito. It was definitely something else. Sa susunod na pagkakataon, titiyakin din niyang matutuloy iyon.

Next chapter