"GOOD morning, Stallion Club! Good morning, world!" sigaw ni Quincy pagkabukas niya ng bintana. It was a great day for her. Pakiramdam kasi niya ay nasa ibang mundo siya at may bagong buhay.
Lumabas siya ng staff house. She was wearing a black sporty blouse and black shorts. She was like a new person. Walang kinatatakutan kung ano ang dapat isuot. O kung may Yuan na magagalit sa kanya. Dahil sa mundong iyon, kaya niyang maging siya at walang makakapigil sa kanya.
"Good morning, Quincy!" bati sa kanya ni Jhunnica.
"Good morning, Ma'am!" Ito ang manager ng Rider's Verandah, isang restaurant sa Stallion Riding Club. Ito na rin ang boss niya mula sa araw na iyon.
"Magdya-jogging ka ba?"
"Yes, Ma'am. It is a wonderful morning! Gusto po ninyo akong samahan?"
"I'd love to but I have work to do. Well, just come back soon. May orientation pa kayong dalawa ni Miles. Saka parating na rin iyon." Si Miles ay isa rin sa mga bagong pasok sa Rider's Verandah at makaka-share niya sa staff's house.
"Babalik din po ako agad, Ma'am. See you later."
Kumaway siya at saka nagsimulang baybayin ang kalsada ng club na papunta sa forest trail. Stallion Riding Club was an enclave for bachelors and their horses. Nang pasundan niya ang galaw ni Yuan, natuklasan niya ang tungkol sa riding club. Doon daw madalas ang binata.
Ayon pa sa source niya, mahigpit daw ang riding club. Walang press na nakakapasok. Kung anuman ang nangyayari sa loob ng club, kung sinumang babae na kasama ng mga members ay hindi nakakalabas. Off-limits din iyon sa mga reporters. Pinangangalagaan ng club ang privacy ng mga members. With its expensive membership fee, it was a place where members could relax. It was their world after all.
Ayon pa sa report, may sariling villa si Yuan sa loob ng club. Maybe it was where he did his affairs, away from the prying eyes of the press. So, she did her best to enter the club without Yuan's knowledge. Siya mismo ang kukuha ng ebidensiya laban dito para tuluyan nang hindi matuloy ang kasal nila.
Nagkataon na may opening para sa service crew sa Rider's Verandah. She applied online and was called for an interview. She processed papers and documents under the name of Quincy Montoya. "Quincy" was the name given by Friza when they were in college. She was the "Queen of C." Pulos letter C raw kasi ang pangalan niya.
Pinalabas niya kay Yuan na nagpunta siya sa Europe kasama si Friza. Si Friza lang ang natuloy kasama ang nobyo nito. Pagkatapos ay saka siya lumipad papunta sa Pilipinas. For Yuan and her grandfather, she was a very honest girl. Ang alam ng mga ito ay isa siyang santa na sunud-sunuran at hindi kayang manlamang ng kapwa.
Naiba na rin ang personality niya pagpasok niya sa riding club. She would be the real Quincy, hindi ang Quincy na binuo ng lolo niya at ni Yuan. It was the perfect disguise. At habang naroon, magagawa niya ang lahat ng gusto niya.
"This will be my world, too! Yahoo!" sigaw niya habang takbo siya nang takbo sa sidewalk. For the first time, she was able to breathe fresh air. Dahil magagawa na niya ang lahat ng gusto niya. "Kaunting panahon na lang, magiging malaya na rin ako. Just wait and see, Yuan. I'll get rid of you soon."
"Wow! Ang ganda ng bahay!" usal niyang hindi mapigilan ang paghanga. It was a country house flanked by two glassed-in porches. Nasa likuran pa ng bahay ang mga pine forest. Parang napakapresko at elegante ng bahay.
"Kay Mr. Zheng po iyan," sabi ng street sweeper. "Halos lahat po ng bahay rito, kanya-kanya ng ganda. Pero bahay niya ang paborito ko."
"Zheng? Yuan Zheng?" tanong niya.
"Ay, opo! Si Sir Yuan nga! Iyong guwapong tsinito."
Si Yuan nga iyon! Wala nang iba! Hahaha! Ito pala ang lungga mo, Yuan.
Kaya naman pala wiling-wili ang kumag dahil maganda ang lugar. It was like a paradise indeed. Napaka-relaxing kasi dahil maganda ang view. Puro berde.
"Madalas ba dito si Yuan Zheng, Manang?" tanong niya sa tagawalis.
"Oo naman. Halos linggu-linggo nandito siya. Iyong ibang members kasi dito na halos tumitira. May Internet na raw kasi ngayon. Hi-tech na. Kayang magtrabaho rito kahit malayo sa opisina. Saka ang alam ko, dito rin dinadala ni Sir Yuan ang mga ka-business deal niya at dito rin niya ginaganap ang mga business conference niya. Parang interesado yata kayo sa kanya."
Ngumiti siya. "Kaunti lang po. Kasi crush na crush ko iyan. Kaya lang sa magazine at sa TV ko lang siya nakikita," palusot niya. Crush na crush ko siyang i-crush. Ika-crush ko ang pangarap niya para sa aming dalawa.
"Naku! Mapapansin kayo tiyak niyon. Di-hamak na mas maganda naman kayo kaysa sa mga babaeng nagkakagusto sa kanya."