webnovel

Kabanata Sampu [2]: Katapusan

Sa hapdi ng pinaggagawa ng babae ay hilong-hilo na si Luke nang makitang napakarami na ng dugong tumatagas palabas, idagdag pa ang paghugot ng patalim paalis ng babae ay mas lalo siyang naghirap nang mahirapan na siya sa paghinga at pinaparalisa na rin ng sakit ang kaniyang buong katawan. Gusto na niyang makawala at takpan ang malaki at malalim na butas sa kaniyang tiyan upang pigilan ang pagdurugo pero napakahipit ng talaga ng tali at hawak-hawak pa siya ni Tobias.

Wala siyang magawa kung hindi ang pigilan ang sariling paghinga dahil sa tuwing sumisinghap o bumubuga siya ng hangin ay bumubuluwak palabas ang kaniyang dugo kalakip ang kirot na 'di niya mawari. Dahil dito'y naisip niya na sana'y pinatay na lang siya kaagad upang 'di maghirap ng ganito; hindi na niya kakayanin pa at nais niyang humingi ng saklolo mula sa kaniyang mga kasamahan na hindi niya alam kung nasaan na ngayon. Alam niyang hindi na rin siya magtatagal pa at babawian na rin siya ng buhay, pero sadyang kailangan pa niyang maghirap ng lubusan bago marating ito.

"T-Tangina m-mo!" bulong nito kay Kariah habang walang-tigil sa pagtagas ang dugo mula sa bibig nito at gano'n na rin sa sikmura.

"Glaiza Centinales." Asik ni Kariah at muling sinaksak ang lalake sa kabilang tagiliran, ang mga mata nito ay nakatitig sa mata ng lalake at binabasa ang pinapahiwatig nito, "Ang pangalan niya ay Glaiza Centinales."

Dilat na dilat ang mga mata ni Luke at naiwang nakaawang kaniyang bibig sa sakit, hindi na 'to makapagsalita pa ay ramdam ng lalake ang pagbagal ng tibok ng sariling puso at ang paghina ng kaniyang paghinga. Nanlalabo na rin ang kaniyang tingin kalakip ang pag-alingawngaw ng mga pamilyar na boses sa kaniyang tainga kahit na wala ito sa paligid; kinakausap siya nito at pinapayapa ang kaniyang isipan sa kabila ng pagdurusang nakamtan.

"Pinatay mo ang papa ko!" at hinugot niya ang duguang kutsilto at saka muling sinaksak sa puson ang lalake, "Pinatay mo si Criston Centinales!" muli niyang bulyaw rito, "At pinaslang mo ang bunsong kapatid kong si Mikael!" iyak niya nang hugutin ang patalim, bumuwelo na rin siya at saka diretsong ibinaon ang patalim sa ilong nito na agad-agarang kumitil sa buhay ng lalake.

Humahangos na napatitig si Kariah sa katawan ng lalakeng walang kabuhay-buhay habang walang-tigil sa pagbuhos ang kaniyang luha kasabay ang paghikbi nito. Agad namang naramdaman ng babae ang yakap ni Tobias at napayakap na rin siya pabalik, naramdaman niya ang marahang paghagod nito sa kaniyang likod upang pagaanin ang kaniyang mabigat na loob at ang mumunting halik ng lalake sa kaniyang ulo. Hindi ito nagsalita, hinayaan lamang siya nito na maiyak sa sariling dibdib upang ilabas lahat ng hinanakit na pasan-pasan niya.

"Isa akong mamamatay-tao Tobias, wala akong pinagkaiba sa kanila."

"Tahan na, h'wag ka munang mag-isip ng ganiyan. Narito lang ako---."

At naputol sila sa kanilang pag-uusap nang sa 'di inaasahang pagkakataon ay sunod-sunod na sasakyan ang pumarada sa harap ng bahay at nasundan ito ng kaguluhan mula sa mga kalalakihang nag-uusap. Agad silang bumuwag sa pagkakayakap nang magimbal sa katotohanang natunton na sila at narito na ang suporta ni Luke, saglit lamang silang nagkatitignan at nagkaniya-kaniya na; mabilis namang hinugot ni Kariah ang patalim sa leeg ni Luke at dali-daling tinakbo ang switch ng nag-iisang ilaw ng palapag, samantalang si Tobias ay mabilis na inakyat ang pangalawang palapag at doon naghanap ng bintanang puwedeng gawing lagusan o kuwartong pagtaguan.

At saktong pagbukas ng pintuan ay napatay kaagad ni Kariah ang liwanag at nasira na rin niya ang switch, nilukob na ng kadiliman ang buong palapag at lahat ng kalalakihan ay narinig niyang naalarma. Habang nakakubli siya sa loob ng kusina ay nasilip niyang biglang nagkalat ang mga kalalakihan na halatang susuyurin ang paligid, nagimbal naman siya rito kung kaya't agad siyang nangapa sa paligid nang unti-unti pa siyang nasasanay sa dilim. Nagtago siya sa likod ng pintuan na may sapat na espasyo upang pasukan at hindi rin naman nagtagal ay napansin niya ang mabilis galaw mula sa siwang ng pinto na nagbigay sa kaniya ng babala na may pumasok na nga.

Mahigpit niyang hinawakan ang sariling patalim habang pinapakinggan ang kaguluhan sa salas nang madiskubrehan nila ang katawan ni Luke. Pero isinantabi niya lang ito at mas lalong pinagtuonan ng pansin ang lalakeng nasa loob na ng kusina, saglit niyang sinilip ito at abala pa rin ito sa pagtingin sa kasulok-sulukang bahagi ng kusina. Marahan naman niyang pinahid sa kaniyang damit ang patalim upang alisin ang dugong kumakapit, gano'n  na rin ang kaniyang kamay nang sa gayon ay 'di madulas hawakan ang patalim.

At habang nakatalikod pa sa kaniya ang lalake ay dahan-dahan siyang lumabas upang 'di makagawa ng ingay at saka diretsong sinugod ito; mahigpit niyang hinawakan ang buhok nito at puwersahang hinila patingala, bago pa man ito makalingon o makalabit ang baril na hawak ay ay mariin niyang ipinaraan ang patalim sa leeg na nakatambad ng lalake. Isang hiwa lang ay bumuluwak ang dugo nito pababa sa dibdib at nabitawan naman ng lalake ang sariling armas at napahawak sa sariling leeg upang pigilan ang pagdurugo nito.

"Tyson anong status mo?" narinig niyang tanong ng isa pang lalakeng nasa kabilang linya gamit ang radyo ng lalake.

Dahil sa hindi na nga ito makakasagot pa ay dahan-dahan niyang ibinaba ang katawan ng lalake sa sahig upang 'di makagawa ng ingay, at sa kadiliman ay naaninagan naman niya ang bintana sa tulong ng mga liwanag sa kalapit na poste sa labas. Inagaw niya ang radyo at baril nitong may silencer na nakakabit sa dulo at saka inilagay kaagad sa bakanteng holster sa kaliwang hita, bago pa man siya maabutan ng mga rerespondeng kasama nito ay mabilis niyang tinungo ang bintana saka inangat niya ito pabukas. Dali-dali naman siyang sumampa rito at saka tumalon sa damuhan, agad siyang kumilos at nakayukong tinakbo ang daan patungo sa pintuan ng bahay. At sa tulong ng radyo ay napag-alaman niya ang mga kaganapan ng kabilang grupo na naghahanap sa kanila, nais man niyang umalis kaagad upang takasan ang lahat ng ito pero hindi niya magawa dahil sa hindi pa niya nakikita si Tobias---hindi siya aalis kung wala ito.

"May isang nalagas na sa 'tin, pag-igihan n'yo ang paghahanap, hindi pa yun nakakalayo."

"Negative rito."

At sa isang iglap ay narinig niya ang mumunting kalabog mula sa ikalawang palapag na paniguradong dulot ng putukan ng baril nilang may silencer, kung kaya't lubusan siyang nag-aalala para kaligtasan ni Tobias ngayong alam niyang nasa pangalawang palapag pa rin ito. Saglit siyang tumingala sa itaas at nakita niya ang anino ng lalakeng armado na papalapit sa bintana, sa takot niya ay agad siyang tumakbo at sumiksik sa mga makakapal na halaman sa gilid ng bahay upang kumubli. Ilang saglit pa, nang marinig niyang sumara ang bintana ay agad niyang isiniksik sa kaluban na nasa kaniyang military boots ang duguang patalim at saka hinugot ang baril bilang pamalit, lumabas na rin siya sa pinagtataguan at saka tinungo na ang nakabukas pa ring pintuan sa unahan.

Pero bago pa man niya marating ito ay napatigil siya nang makitang may mga lalakeng nag-aabang sa labas at nakasandal sa kotse at nagbabantay sa paligid. Natunugan naman kaagad siya nito kung kaya't bago pa man siya maunahan ay agad niyang inasinta at pinagbabaril ang tatlong lalake, sapul ito  sa kaniya-kaniyang dibdib at ulo at diretso itong bumulagta sa tabing-kalsada.

Saglit niyang inobserbahan ang paligid at wala namang nakapansin dito, kung kaya't dali-dali niyang tinungo ang sasakyan at tinignan ang loob ng kotse upang maghanap ng bagay na puwede niyang gamitin laban sa mga armadong kalalakihan at ihanda na rin itong sasakyan sa kanilang pagtakas ni Tobias. Ngunit, nang saktong nakalapit na siya sa kotse ay bigla siyang namutla nang mabasag ang mga salamin ng bintana nito at umalingawngaw rin ang tunog ng balang tumatama sa bakal na katawan ng sasakyan. Sa takot na matamaan na nito ay dali-dali siyang dumapa at napasandal sa kabilang bahagi at ginamit ang buong kotse bilang proteksyon sa umuulang bala.

"Nasa labas ang babae!" narinig niyang anunsyo ng lalake sa mga kasama nito sa radyo.

Next chapter