Umigting ang panga ni Luke sa galit, nang matimbang nito ang sinasabi ni Tobias ay ibinaba kaagad ng lalake ang baril; hinulog nito sa sahig at saka malakas na sinipa papalayo kasabay ng pag-angat ng magkabilang kamay nito bilang pagsuko. Pero sa kabila ng pinapakitang kilos ng lalake ay nakikita pa rin ni Kariah ang hesitasyon sa mga mata nito animo'y may binabalak laban sa kanila, kung kaya't 'di niya basta-basta ibinaba ang depensa at seryosong binabantayan ang kilos ng lalake.
"Ako na ang bahala rito Tobias, kumuha ka muna ng puwedeng pantali." Utos ng babae na hindi ito tinatapunan ng tingin.
Hindi inaalis ni Kariah ang tingin kay Luke at sa sakop ng kaniyang paningin ay nahagip o nakita niyang umalis palabas si Tobias upang humanap ng pantali, samantalang siya naman ay mariin na nakahawak sa baril kahit na nanginginig ang kanyang kamay, at nakahanda naman ang kaniyang daliri sa pagkalabit ng gatilyo kung sakaling gagawa ng masama ang lalake laban sa kanila. Pawisan na siya't malakas pa rin ang kabog ng kaniyang puso, hindi talaga siya mapalagay ngayong kaharap na niya ang huling lalake na nanloob sa kanilang bahay; gusto niyang ibunton ang lahat ng kaniyang galit sa lalake na naipon sa nakalipas na mga buwan, at gusto niya ring ipatikim dito ang poot niyang nandidilim at nag-uumapaw.
"Gusto mo na akong patayin ano? Gawin mo na, nahahalata ko 'yan sa kilos mo." natatawang pahayag ng lalake na sinusubok at hinihikayat siyang gawin ito, "Alam ko ang pakiramdam ng matinding galit na 'yan babae, kaya kung ako sa 'yo, ilabas mo na lang 'yan at baka ikaw pa ang sasabog nito sa huli." dagdag pa nito na halatang hindi alintana ang banta niya.
"Pahihirapan muna kita," tiim-bagang niyang saad.
"Pero kahit na gawin mo pa ang gusto mo ay 'di mo na maibabalik pa ang buhay nila; kahit durugin mo pa ako o balatan ng buhay, hindi na sila mabubuhay!" asik ng lalake na lalong nagpasidhi ng kaniyang galit, "Tapos papahirapan mo pa ako? Ang hina nga ng hampas mo sa 'kin kanina." panunuya nito na may malaking ngiti sa labing may-bakas pa ng dugong natuyo.
"Oo, hindi na nga. Pero mabibigyan ko sila ng hustisya." giit niya at saka walang pag-aalinlangang binaril ang lalake sa binti.
Agad itong napaluhod at napasigaw sa sakit nang tamaan ito sa kaliwang bahagi; nawalan kaagad ito ng lakas at dumadaing sa tindi ng sakit ng balang naiwan pa rin sa loob, mariin itong napahawak sa sugat at luhaang pinipigilan ang walang-tigil na pagbuluwak ng dugo sa sahig. Sa ginawa niya ay hindi pa rin gumagaan ang kaniyang loob, sa halip ay kating-kati na siyang tapusin ang buhay nito dahil sa bawat segundong lumilipas ay mas lalong kumukulo ang kaniyang dugo; marami siyang naiisip na ideya kung paano niya maipaparama sa lalake ang tindi ng kaniyang galit at hangad niyang marinig ang pagmamakaawa nito.
"Bwisit kang babae ka, tangina mo! Patayin mo na ako! Gawin mo na!" paulit-ulit na mura nito sa kaniya na hindi pa rin makakilos sa kinauupuan, "Kung 'di mo 'yan gagawin tandaan mo puta ka, ako ang papatay sa 'yo mismo!"
"Mamaya na 'pag magmamakaawa ka na sa 'kin na patayin kita."
"Gusto mo bang marinig ang pagmamakaawang sinabi ng magulang mo bago sila binaril ni Marvin?"
Hindi siya makasagot, nanigas na lang siya sa kaniyang kinatatayuan at mariin na napakagat-labi sa panggigigil ng pinahayag nito; maya't maya siyang napapatingin sa kisame at paulit-ulit na napakurap upang pigilan ang nagbabadyang luha, panay rin siya sa pagtikhim nang manuyo ang kaniyang lalamunan animo'y may bumibikig dito. Pero sa kabila ng bumibigay niyang kalooban ay pinilit niyang magmatigas sa harap ng lalake at pinanatiling nakatutok ang baril sa mukha nito, kahit na nangangalay na ang kaniyang braso.
"Pagababayaran mo ang apat na buhay na kinitil n'yo."
"Tatlo lang---."
"Kasama na ako ro'n Luke at sisiguruhin kong pagmamakaawa ang huli mong uusalin bago ka malalagutan ng hininga."
"Nakakalungkot naman 'yang istorya mo, gawin mo na lang kasi, h'wag mo nang patagain pa!"
"O sadyang natatakot ka lang sa pinaplano ko?" ganti niya at binigyan ng mapait na ngiti ang lalake.
"Kariah? Anong nangyari?" dumating kaagad si Tobias mula sa labas at may bitbit na itong tali, bakas ang pag-aalala sa mukha nito na bigla namang naglaho nang mapako ang tingin nito sa lalakeng iniinda ang tamang natamo.
"Binaril ko siya,"
"Saglit lang,"
Mabilis namang umaksyon si Tobias at dinaluhan si Luke, buong-lakas niya itong hinila at kinaladkad patungo sa kalapit na upuan habang si Kariah naman ay nakasunod lang at nakatutok ng diretso ang baril nito sa ulo ng lalakeng pilit na nanlalaban. Ilang saglit pa ay nakadladkad din ito paupo sa kahoy na upuan at saka mabilis itong itinali ng lalake gamit ang lubid na nakuha niya mula sa sasakyang ninakaw; mahigpit niyang ipinulupot ito sa katawan at saka pinagbuhol-buhol. Hindi na sila nag-abala pang lagyan ito ng busal at hinayaan itong dumaing nang dumaing sa sakit ng sugat, isa pa ay gusto ring marinig ng babae ang pagmamakaawa nito sa puntong babalatan na niya ang lalake.
"Alam mo bang nagsaya talaga kami no'ng tikman ka namin, lalo na no'ng nasa paligid lang ang bangkay ng magulang m---."
At isang suntok sa mukha ang natanggap ni Luke nang magalit si Tobias sa kaniyang pahayag, samantalang si Kariah naman ay nanlilisik na ang tingin dito habang pilit na pinipigilan ang luha niyang babagsak na talaga. Hindi maipaliwanag ng babae ang nadarama, parang bibigay na siya sa pinagsasabi ng lalake, kahit gusto niyang magtapang-tapangan ay nanlulumo talaga siya sa presensya nito.
"Yun lang ang kaya mo Tobias? Ang hina mo p're." panunuya nito at saka dinura sa tabi ang laway nagdurugo.
"Gusto mo pang makatikim ng sapak sa mukha?" nanggigigil na tanong nito at kinuwelyuhan ang lalake.
"Ako na Tob'," sabi ni Kariah at umatras naman kaagad ito para sa kaniya.
Sa galit ng babae ay hinayaan lamang niyang bumuhos ang patak ng mga luhang namumuo sa kaniyang mata at mariing sinabunutan si Luke, itinutok niya sa ilalim ng ulo nito ang bukana ng baril at saka nanlilisik na tinitigan ang lalake. Napakalapit na ng kanilang mukha at nakakainis para sa babae na makitang hindi man lang natitinag ang lalake sa galit na ipinapakita niya; parang wala na talaga itong emosyon at napakademonyo na talaga nito.
"Anong gusto mong marinig Kariah?" nakangiting tanong nito.
"B-Bakit mo yun g-ginawa? Ano bang atraso ng p-pamilya ko sa inyo at pinatay m---."
"May atraso ang ama mo," sagot nito na ikinatigil niya.