webnovel

Kabanata Siyam [3]: Dugo Para sa Dugo

Nang maproseso niya ang kaganapan ay dali-dali siyang tumakbo at tinungo ang kinalulugaran ng babae, walang mapag-lalagyan ang tuwa niya nang makitang buhay pa ito na siya ring nagligtas sa kaniyang buhay. Nang tuluyang nakalapit ay sinalubong kaagad siya ng yakap ng babae at niyakap din niya ito ng mahigpit pabalik, pero agad namang itong nabuwag nang tapikin ng babae ang kaniyang likod bilang senyas.

"A-Akala ko nasama ka sa pagsabog…" nag-aalala niyang tanong at marahang hinawakan ang magkabilang pisngi nito.

"Nakalabas k-kaagad ako bago pa malamon ng apoy." Sagot nito, "Pero mamaya na tayong mag-usap, kailangan nating tignan ang sasakyan nila at baka may makukuha tayong impormasyon kay Luke, siya na lang ang natitira sa 'king listahan." Saad ng babae at saglit na sinulyapan nito ang kotse.

Dali-dali naman nilang dinaluhan ito ang binuksan ang sasakyan nagkabutas-butas matapos tadtadrin niya ng bala, hindi na sila nag-abala pang alisin ang katawan nina Marvin at Johan, sa halip ay hinayaan lang nila ito sa kaniya-kaniyang kinalulugaran at kinapa na lang ni Kariah ang bulsa ni Marvin na nasa driver's seat. Maingat niyang hinugot palabas ang laman ng bulsa nito at saka binuhay kaagad ang iPhone na kaniyang nakuha, samantalang si Tobias ay todo-bantay sa paligid sa mga bantang hindi aasaahan.

Isang pindot lang ng power button ay unang bumungad sa kanilang paningin ang lockscreen ng iPhone na mukha ng isang babaeng sa tingin nila'y jowa ng lalake, pero nang pindutin niya ang home button nito ay biglang lumitaw ang mga numero na pumipigil sa kaniya, kung kaya't muli siyang pumasok sa loob ng kotse at kinuha ang kamay ng may-ari saka marahang idinampi ang hinlalaki nito sa home button. Sa isang lapat lang nito ay agad na bumukas ang iPhone at tuluyang tumambad sa kaniyang paningin ang messaging app nito na tadtad ng mensaheng hindi pa nababasa, pero imbes na buksan ito ay napatigil kaagad siya nang marinig ang alingawngaw na sirena ng mga pulis.

"Tara na Tobias," aya ni Kariah at sabay nilang tinakbo ang daan papalayo nito.

Sa kanilang pagtakbo ay 'di mapigilan ni Kariah maisip ang kamatayan ng dalawang lalake dahil sa binaril lamang niya ito; pinalya niya ang sarili sa pinaplanong pahihirapan ang mga taong pumatay sa kaniyang pamilya at lubos siyang nadismaya sa katotohanang pinatay niya lang ito kaagad. Oo nga't wala na ang mga ito, pero hindi pa rin sapat ang kaniyang hinihinging hustisya laban sa mga lalake dahil sa gusto niyang ibunton lahat ng kaniyang galit dito; gusto niya ring ibulong sa mga tainga nito ang kaniyang poot sa puntong naghihingalo na ito, nais niyang ito ang magiging huling salita na babaunin ng mga lalake sa kanilang hukay. Pero sadyang napakahigpit ng kaganapan at tanging yun na lang ang natitirang tsansa para sa kaniya, hindi niya alam kung kailan ulit siya makakatagpo ng gano'ng pagkakataon kung kaya't ginamit kaagad na lang niya yun kanina.

ILANG MINUTO ANG NAKALIPAS ay tuluyan na rin silang nakalayo at natagpuan nila ang mga sarili na humahangos sa loob ng pampublikong palengke; madilim sa loob at sapat na ito upang ikubli sila kung sakaling may dadaan, at kung may papasok man ay madali lang ding makakapagtago sa ilalim ng sementadong mga mesa. Hindi na alintana pa para sa dalawa ang ang lansa ng isdang natitira sa paligid na nalalanghap nila sa tuwing sumisinghap ng hangin, nagtuloy-tuloy lamang sila sa pagsinghap upang ikalma ang kanilang dumadagundong na pusong kumakabog ng malakas at mabilis. Natuon na lamang si Kariah sa iPhone ni Marvin na kanina pa niya pinipindot upang manatiling nakabukas, samantalang si Tobias naman ay tahimik lang na nanonood sa kaniya at wala ring masabi dahil sa hinihingal pa rin ito.

Pinindot kaagad ni Kariah ang messaging app na tadtad ng mga mensaheng 'di pa nababasa, nagmula ito mula sa iba't ibang tao ngunit ang may pinakamaraming mensahe para sa kay Marvin ay si Luke, ang natitirang lalake na kailangan niyang patayin na panay sa pagtanong kung nailigpit na ba ng dalawa ang babae---si Kariah. May inutos rin si Luke sa mensahe nito na pababalikin kaagad sila sa kanilang bahay dahil sa utos 'di umano ng kanilang amo at kinakailangan itong trabahuin kaagad.

Dahil dito ay agad niyang binuksan ang Google Maps sa pagbabasakali ng kaniyang iniisip, nang tignan niya ang timeline nito ay nanlamig na lang siya sa tuwa nang makita at malaman ang ruta patungo sa maaaring kinalulugaran ng lalake, ni Luke na gusto niyang makaharap ngayon at pagbuntungan ng galit. Kung kaya't binalikan niya ang messaging na application at pinadalhan ng mensahe si Luke batay sa estilo ng pagmemensahe ni Marvin.

"Tara na Tob, 'di na 'to puwedeng ipagbukas pa. Matatapos ang lahat ngayong gabi." Aya niya sa lalake matapos makuha ang kumpirmasyon kay Luke.

"Saan tayo?" tanong ng lalake na agad na humabol at sumunod sa kaniya.

"Arellano street, naroon si Luke ngayon." Sagot nito at saglit na tinapunan ng tingin ang lalakeng katabi, "Marunong ka bang mang-hotwire ng sasakayan?" tanong niya rito at natuon ang tingin sa sasakyang nakaparada sa labas ng palengke.

"Marunong,"

▪▪▪

KAHIT ANONG SINGHAP niya ng hangin ay 'di niya talagawa magawang ikontamina ang nag-uumapaw na pakiramdam nang makatayo siya sa bungad ng bahay na tinutuluyan ni Luke at ng iba pa niyang kasamahan; parang sasabog na siya rito at nagkagulo na rin ang kaniyang isipan sa rami ng iniisip. Saglit niyang tinignan si Tobias at nakita niyang napatango lang ito bilang hudyat, kung kaya't muli siyang suminghap ng hangin at saka nanginginig na kinatok ang pintuan ng bahay. Narinig naman kaagad niya ang mahinang tunog mula sa loob at mga yabag na papalapit sa gawi ng pinto, hanggang sa sunod-sunod na tumunog ang mga kandadong nakakabit sa pintuan

"Ba't ang ta---."

Hindi na natapos pa ng lalake ang nais na sasabihin nang salubungin niya ito ng isang hampas sa mukha ng hawak-hawak na baril, sapul ito sa ilong at hilong-hilo na napaatras habang sapo-sapo ang ilong na biglang nagdurugo.

Agad naman silang pumasok at mabilis na sinuyod ang paligid sa iba pang panauhin, pero nag-iisa lang talaga si Luke. Akmang gaganti na rin sana ito at itinutok kay Kariah ang baril, pero naunahan siya ni Tobias at itinutok din nito ang hawak-hawak na baril kay Luke na agad namang nasundan ni Kariah na tumutok din pabalik.

"Ibaba mo 'yan Luke, kahit isa lang ang babarilin mo sa 'ming dalawa; babarilin ka pa rin ng isa." Babala ni Tobias sa lalake na 'di pa rin ibinababa ang baril at nanginginig na nakatutok kay Kariah.

Next chapter