Sa utos ng lalake ay agad niyang ibinaba ang patalim sa takot na totohanin nito ang banta, pero hindi niya ito binitawan at ipinakita lang na wala siyang binabalak, bagkus ay nanatili lamang siya sa kinatatayuan at saka masusing inobserbahan ang galaw ng lalake. Humahangos pa rin siya at napakabilis ng tibok ng kaniyang puso, pero nawala na naman siya sa kaniyang sarili, natulala naman siya, animo'y isang bago at ibang babae siya na kaharap ng dalawang lalake.
"Anong gusto mo?" tanong niya sa lalake na nakatutok pa rin ang baril kay Tobias ngunit ang mata naman nito at napako sa kaniyang dibdib na nakalantad pa rin.
"Itali mo ulit ang sarili mo ro'n at itapon mo 'yang kutsilyo sa malayo." utos nito patungko sa kadenang pinagmulan niya.
"Sige," pero hindi siya sumagot, sa halip ay nagtagpo ang kanilang tingin ni Tobias na nanlalanta ngunit piniling manigas ngayong may isang baril na nakatutok sa ulo nito.
Sa isang titignan lang nakuha kaagad ng lalake ang nais niya at isang tango lang ay buong-puwersa na tinuhod ni Tobias ang gitnang bahagi ng lalake sa tabi, kung kaya't malakas itong napadaing at namilipit sa sakit. Sa kaunting tsansa na mayroon siya ay agad niyang inasinta ang lalake, sa isang buwelo at malakas na hagis lang ay tuluyang kumawala ang hawak niyang patalim. At isang kurap lang ay agad na bumaon ang patalim sa kanang kamay ng lalake at nabitawan nito ang hawak-hawak na baril, umalingawngaw na lang ang nakakahindik na palahaw ng lalake nang makitang tumagos sa pulupulsuhan nito ang patalim. Agad namang sumugod si Kariah at malakas na tinadyakan ang lalake sa mukha, sa lakas nito ay bumulagta kaagad ang lalake na hilong-hilo at umunngol sa sakit, at habang may tsansa pa siya ay dali-dali niyang hinila ang kamay nito at puwersahang ibinaon an dulong matulis sa dibdib ng lalake.
Nang masiguro niyang hindi na makakakilos pa ang lalake ay mabilis niyang inagaw ang duguang baril sa kamay nito at saka binaril ang kadenang nakapulupot sa kamay ni Tobias. Isang hila lang niya ng gatilyo ay agad na bumagsak ang lalake sa sahig na namimilipit pa rin sa sakit, ngunit kahit na gusto niya itong tulungan at daluhan ay hindi niya magawa sapagkat sunod-sunod niyang narinig ang alingawngaw nang nagsipasok ang mga kalalakihan sa kanilang kinalulugaran. Kung kaya't mabilis siyang kumilos at nakayukong tinungo ang mesang nakapuwesto sa tabi ng railings, saglit siyang dumungaw sa baba at laking-gimbal niya nang makitang napakaraming kalalakihan na nagsipasok at bitbit ang kaniya-kaniyang baril.
Lalo siyang nangamba rito lalo na't alam niyang nasa pangalawang palapag sila at wala siyang ibang nakikitang lagusan palapabas, napagtanto niyang kailangan pa nilang suongin ang 'di mabilang na mga kalalakihang papalapit na sa kanilang puwesto. Hanggang sa napako ang kaniyang tingin sa isang bahagi sa baba, sa may bungad ng hagdanang paakyat kung saan nakalagay ang bagay na puwede niyang gamitin. At bago pa man siya maubusan ng oras, nang saktong papaakyat na ang mga lalake ay pinaulanan niya ng bala ang tangke ng oxygen na taimtim niyang pinagdarasal na may laman pa.
Tatlong putok lang ay natamaan kaagad niya ito at sa isang kurap ay niyanig ang buong paligid ng malakas na pagsabog, sa tindi ng puwersa ay napaatras na lang si Kariah at dali-daling tinungo si Tobias nang sunod-sunod na sumabog ang iba pang tangke, bagay na 'di niya inaasahan Sa pagbaha ng makapal na apoy sa paligid ay muli niyang naramdaman ang init nito sa kaniyang katawan, pero tiniis niya lang ito at saka niyakap ng mahigpit ang lalakeng dumadaing pa rin sa sakit. Nabasag din ang mga salamin at narinig din niya ang pagbagsakan ng mga bubog sa sahig, nadamay rin ang mga ilaw at binalot ng kadiliman ang paligid.
Nang malusaw ang apoy at napalitan ito ng makapal na usok na tumatakas sa mga nabasag na bintana, ito na ang naging hudyat para sa kaniya at mabilis na inakay at sinuportahan ang lalake patayo; isinablay niya ang braso nito sa kaniyang balikat at saka binuhat ang bigat ng lalake papalayo, kahit paika-ika man ito ay nagtulungan pa rin sila at dali-daling tinungo ang hagdanan pababa, dahil sa paglipas ng sandali ay unti-unti nang napupuno ng usok sa loob at kaunting apoy na lang ang nasa paligid na nagbibigay sa kanila ng mumunting liwanag. Bumaba kaagad sila at ginamit ang hagdanang gawa sa bakal na medyo mainit, pa hangga't makakaya ay pinilit ni Kariah na ayusin ang sariling balanse lalo na't napakabigat ni Tobias na paggewang-gewang ang galaw at ayaw niya ring mahulog silang dalawa sa baba.
Hanggang sa ilang saglit pa ay nakababa na rin sila, kahit nakapaa lang ay tinahak pa rin nilang dalawa ang kadiliman sa loob ng factory at sinuong ang bahaging maraming apoy kung saan kaunti lang ang usok na nakapaligid at may sapat din silang liwanag upang baybayin ang paligid. Malalaki ang kanilang hakbang at ininda lang ang sakit na nasa kaniya-kaniyang katawan, lalong-lalo na sa paa nila na nakakaapak ng mga matutulis na bagay. Mabuti na lang at nangibabaw rin ang takot nila sa puntong ito kung kaya't gano'n na lang ang pagbalot ng adrenaline rush sa kanilang sistema; mabibilis ang kanilang hakbang at pigil-hiningang nilakad ang mausok na factory. Sa gabay ng kaunting apoy ay may napulot si Kariah na mahabang baril mula sa lalakeng nasunog at naghihingalo na, dinala niya ito bilang proteksyon lalo pa't malapit na sila sa may bungad. Nang saktong nakarating na rin sila ay dahan-dahan niyang ibinaba at hiniga si Tobias sa bahaging may apoy na hindi gaanoong mausok upang ito ay makahinga pa rin.
Bumulong siya sa lalake na maghintay muna saglit at tumango naman ito, habang hawak-hawak ang baril ay saglit siyang sumilip sa labas at naaninagan niya ang apat na anino ng mga lalakeng nag-uusap patungkol sa paghingi ng backup. Malalim siyang suminghap ng hangin at saka ikinasa ang baril na hawak-hawak, nang maging handa ay sumabay kaagad siya sa makapal na usok na lumalabas at saka isa-isang pinagbabaril ang mga kalalakihan. Nang tuluyan siyang nakalabas ay nakita na lang niya ang duguang katawan ng mga kalalakihang miyembro ng Black Triangle, agad naman naman niya itong dinaluhan upang siguruhing patay na ang mga ito. Dahil sa nakalantad pa rin ang hubad niyang dibdib ay dali-dali niyang kinalas at hinubad ang jacket ng isang bangkay ng lalake, hindi alintana sa kaniya ang dugong kumakapit nito at sinuot na lang kaagad.
At sa hubad na katawan ng lalake ay nakita niya sa dibdib nito ang tattoo na sumisimbolo ng kanilang grupo, sa galit na hindi na niya makontamina pa ay walang pag-aalinlangan niyang hinugot ang patalim sa tagiliran nito at saka binalatan ang dibdib ng lalake; nilaslas niya paalis ang tattoo nito kalakip ang kaunting laman na nasama. Gano'n na rin sa tatlo pang lalake na wala nang kabuhay-buhay pa, binalatan niya rin ang mga ito at kinuha ang tattoo nila bilang simbolo ng pagputol na rin sa kasamaan ng grupo, at saka ang apat na tattoo ay isinilid niya lamang sa bulsa ng ninakaw jacket.
Binalikan naman niya si Tobias sa loob na naghihintay sa kaniya at saka inakay ito palabas, gaya niya ay kinunan niya rin ito ng jacket na masusuot bilang panlaban sa lamig. At bago pa man sila maabutan ng mga rerespondeng pulis o ibang miyembro ng Black Triangle ay tinangay nilang dalawa ang sasakyan na nakaparada sa tabi, sa tulong ni Tobias ay ito na nagmaneho at pinaharurot papalayo ang sasakyan.