Sa pinahayag ng lalake ay agad na nangilabot si Kariah sa katotohanang bilang na lang ang oras niya, kung kaya't mabilis siyang bumangon at napatayo at saka minentina ang kaniyang balanse sa loob ng umaalog na sasakyan. Mabilis niyang tinungo ang pintuan ng container van at walang pagdadalawang-isip niya itong binubunggo gamit ang braso kaliwang, bawat hampas niya sa sariling katawan ay nagdudulot ito ng malakas na dagundong kalakip ang malakas niyang daing sa sakit. Ininda lamang niya ang tindi nito at taimtim na umaasang bibigay na rin ang pinto; ibinunton niya ang nag-uumapaw ng galit sa pagbangga nito kahit parang dinudurog ang kaniyang buto.
"Tulungan m-mo 'ko Tob!"
"Mas makapal ang nakaharang na bakal sa labas 'Riah, hindi mo 'yan mabibiyak."
"Kaya tulungan mo nga ako—." Sigaw niya na naputol nang magimbal siya sa lakas ng pagyanig ng loob ng container van.
At namalayan na lang niya ang malakas na puwersa ng grabidad na tumangay sa kaniya; nahampas siya sa metal na dingding at para siyang nabingi at nahilo sa lakas ng pagkakatama, nalalasahan na rin niya ang sariling dugo sa bibig matapos pumutok ang sariling labi. Parang bumagal ang takbo ng oras at sunod niyang namalayan ay ang pagbaba ng kisame ng van at natangay rin siya patungo rito, doon lang niya napagtantong gumugulong na pala ang sasakyan na batid niyang sumalpok o binangga ng ibang mas malaki pang sasakyan. Mabilis siyang napatingin kay Tobias at kagaya niya'y paulit-ulit at kung saan-saan na lang sila nahahampas; sigaw sila nang sigaw hanggang sa bumagsak sila sa nakatagilid na container van.
Biglang bumukas ang pintuan at binati sila ng sari-saring liwanag, bago pa man sila makakilos at maaninagan kung sino-sino ang mga ito ay isang lata ang hinagis papasok at gumulong sa sahig ng van na biglang nagpakawala ng putting usok. Dahil sa hilong-hilo pa rin sila at hindi makagalaw sa sakit ay 'di na nila maiwasan ang makapal na usok; nakalanghap sila nito at nagulantang na lang sila nang makaramdam ng pagkahilo kalaunan; biglang bumigat ang kaniya-kaniyang talukap at nanlalaban na ang dilim at liwanag sa harap ng kanilang paningin, hanggang sa hindi nagtagal ay agad silang nawalan ng malay-tao.
Mula sa labas ay nagsipasok naman ang mga kalalakihang nakasuot ng purong itim at armado. Agad naman nilang pinagtulungan ang dalawang katawan na walang kamalay-malay, binuhat nila ang nanlalantang katawan ng lalake't babae at binuhat ito na parang sako ng bigas, saka ito'y dinala sa labas. Habang wala pa ang mga otoridad ay dali-dali nila itong ipinasok sa loob ng nakaabang na kotseng itim, pinahiga nila ang dalawa sa backseat at saka tinangay ito papalayo ng nagmamaneho. Agad namang sumunod ang iba pang kalalakihan na pawang nakasakay sa kaniya-kaniyang motor at iniwanan lang nila ang nataob na container van sa gitna ng kalsada.
ISANG MALAMIG NA TUBIG ANG gumulat kay Kariah at agad siyang napadilat na hilong-hilo, habang nanlalabo pa ang kaniyang paningin at pinoproseso ang mga kaganapan ay naririnig niya ang mga tawanan ng mga kalalakihang hindi niya magawang kilalanin. Ilang saglit pa ay nagsimula na siyang makaramdam at nagiging malinaw na rin ang lahat, doon ay laking-gimbal niya nang matagpuan ang sarili na nakabitin sa isang sulok at hinang-hina; nakataas at nakatali ang kaniyang mga kamay sa isang mahabang tubo, tuyong-tuyo rin ang kaniyang lalamunan at hindi siya halos makapagsalita, purong daing lang ang nagagawa niya nang tiisin niya ang pananakit ng sariling ulo.
Tanging mga daliri lamang niya sa paa ang nakaapak at marahan siyang gumagalaw na hindi niya magawang kontrolin. Ramdam niya rin ang makapal na panyong nakabusal sa kaniyang bibig na medyo mahapdi rin para sa kaniyang labi na parang napupunit na. Napatingin siya sa kaniyang kasalukuyang kalagayan at nakita niyang nakapanloob pa rin siya, ngunit mababakas naman ang mangilan-ngilang pasa at dugong nanuyo. Bigla na lang siya't nanlamig at nanginig sa takot, sa 'di inaasahang pagkakataon ay sunod-sunod na nagsibaha ang kaniyang mga memorya bago ito.
Nang dumako ang tingin niya sa kaliwa ay naroon si Tobias na nakita nakabitin din; may busal din ito sa bibig, gano'n pa rin ang suot nito, maraming pasa, at walang kamalay-malay. Ngunit nalipat naman ang kaniyang tingin nang makita ang mga kalalakihang nasa harap niya at nakapaligid sa isang maliit at parisukat na mesa at pawang humihithit ng sigarilyo, at ang mas nakakagimbal pa ay namumukhaan niya ang mga ito. Ngunit ang mas kapansin-pansin ay ang lalakeng may hawak ng balde ang nakangiting nakatingin sa kaniya, ito ay si Patrix na ang gumising sa kaniya, at base sa reaksyon ng mukha nito ay may masama talaga itong binabalak sa kaniya.
"Kariah," sambit nito.
Hindi siya makasagot, sa halip ay napaungol na lang siya sa galit, marahas din siyang nagpumiglas sa kagustuhang sugurin ito, ngunit, hindi pa rin siya nagtatagal nang makaramdam ng matinding pananakit sa kaniyang kili-kili at braso na nagpapahina sa kaniya. Hinihingal na lang siyang napapatingin sa lalake at pinanlilisikan ito ng mata buhat ng matindi niyang galit sa lalake sa ginawa nito sa kaniyang pamilya. Sa kabila nito ay agad naman siyang nangilabot nang makitang napatayo na rin ang ibang mga kalalakihan at nakakalokong napapatingin sa kaniyang lantad na katawan, sa mga titig nito ay hindi siya mapakali at mas lalong nanginig dahil sa gano'n na gano'n ang naaalala niyang titig ng mga lalakeng gumahasa sa kaniya noon.
"Alam mo bang wala akong problema sa pagpatay mo sa 'king kapatid kasi kasalanan din naman niya ang pagkabuhay mo; kung sana maayos ka niyang inilibing ay 'di ka sana nakabitin dito ngayon." Pahayag nito at binitawan ang timba na hango sa metal, nagdulot ito ng matinis na tunog at gumulong naman ito papalayo ngunit nanatiling nakapako ang tingin nito sa kaniya, "Kaso pinatay mo ang iba pa naming kasamahan, inisa-isa mo sila; Jansen, Emil, Joshua, Clark, Wilbert, at iba pa. Hindi mo ba alam kung ano ang epekto nito mula sa nakakataas? Galit na galit sila sa 'yo, nakuha mo talaga ang atensyon nila." Paliwanag ng lalake na hindi niya alam kung ano ang pinupunto.
"Pare, pansin mo ba na mas lalong gumanda ang katawan niya no'ng huli natin siyang nakitang hubad?" tanong ng lalakeng kakaakyat lang palapag nila at nakilala niyang si Luke, pero base sa pinahayag nito ay lubusan siyang nagimbal at nagsimula nang maging balisa.
"Oo nga, kung wala lang 'yang mga pasa at sugat niya sa katawan ay maganda nga."
"Ano na boss? Titikman ba ulit natin 'to?" tanong ng lalakeng kumportableng nakaupo at nakataas pa ang magkabilang paa sa mesa.
Sa 'di maipaliwanag na dahilan ay bigla siyang naluha nang sumikip ang kaniyang dibdib, nanlabo rin ang kaniyang paningin nang mistulang tamaan ng kidlat sa takot. Hindi na siya mapakali at nanghina ang kaniyang buong katawan, gusto niyang humandusay sa sahig upang indahin ang paninikip at pananakit ng kaniyang dibdib.
"Puwede naman, basta't sisiguruhin lang natin na maipaghihiganti ang kamatayan ng ating mga nasawing kasamahan." Pahayag ni Patrix, "Sa ngayon ay susundin na natin ang kagustuhan ng mas nakakataas upang 'di na ito babangon mula sa hukay."