"Ssh," senyas ng lalakeng yumakap mula sa likod niya, "Ako 'to si Steve. H'wag kang maingay." Bulong nito at itinuro ang direksyon kung saan nagsilabasan mula sa bahay ang anim na mga kalalakihan.
Sa nakita ay biglang kumalma si Nevada nang mapagtantong kakilala pala niya itong mabilis na sumagip sa buhay niya, sobrang lapit ng kanilang mukha at kahit napakadilim ay naaaninag talaga niya ang mga mata nitong hindi niya alam kung anong pinapahiwatig. Dahan-dahan naman siyang binitawan ni Steve at marahan din siyang umatras, at saka umusal siya ng pasasalamat sa pagsagip ng buhay nito. Malalim siyang napabuntong-hininga at ibinaling ang tingin sa labas ng bahay ni Johan, wala na siyang magawa pa kung hindi ang panoorin ang grupo ng kalalakihang paalis, patungo sa nakaabang na kotse, at sa tulong ng liwanag mula sa kalapit na bahay at ng kotse ay nakilala niya kaagad ang dalawa nito.
"Kung sana alam kong nasa loob pala sila ng bahay, pinasabog ko na lang sana ito." Saad niya na lubusang nanghihinayang sa nasayang pagkakataon.
"H'wag kang mag-alala, sina Marvin at Patrix lang ang lumabas. Ibig sabihin, nasa loob pa si Johan at may sakit nga. Halatang binisita ito ng dalawa bago pumunta sa lamay. Malaki ang tsansa natin ngayon, tara sasamahan kita." saad nito na ikinagaan ng loob niya't muli rin siyang nabuhayan ng pag-asa.
"Teka, paano mo 'ko nasundan? Paano mo natunton na bahay ito ni Johan?" tanong niya rito.
"Malakas din ang kapit ko Nevada, madali ka lang hanapin, at saka lalong napakadali ring hanapin ng bahay ni Johan dahil isang beses ay nakapunta na ako rito no'ng naimbitahan ako sa birthday party ng kapatid niya."
"K-Kung gano'n, malapit lang kayo sa isa't isa?"
"Hindi, magkakilala lang. Yung barkada ko at siya ang mas malapit, nasama lang ako no'ng inimbitahan nila yung barkada ko." rason nito ulit, "Tara na at baka biglang gagaling 'yang si Johan, masasayang lang ang tsansa mo." aya nito nang magsialisan na ang mga kotse.
"Sige," pagsang-ayon niya at kinasa ang hawak-hawak na baril.
Sabay silang nagsitayuan at dahan-dahang lumabas sa pinagtataguan, naglabas din ng baril si Steve at ikinasa ito bilang paghahanda. Maingat silang humahakbang habang masusing inoobserbahan ang paligid, iniiwasan nilang gumawa ng ingay at saka mahigpit na nakahawak sa kaniya-kaniyang baril; nakahanda na ang kanilang daliri na kalabitin ang gatilyo at lalong handa na rin siya sa kung anong kaguluhang mangyayari. Nagtuloy-tuloy lamang sila hanggang sa makalapit sa bahay, saglit naman silang tumigil sa gilid nito kung saan hindi pa gaanong sakop ng liwanag at saka mabilis na sumilip si Steve sa bintana upang sipatin ang kaganapan sa loob, samantalang si Nevada naman ay nag-obserba sa kasulok-sulukan ng paligid sa nakatagong surveillance cameras.
"Walang tao," sabi nito at mabilis na tinulak paitaas ang bintana upang bumukas, "Mauna ka na."
"Wala ring surveillance cameras." Pahayag niya at isinilid ang baril sa kaniyang holster na nasa kaliwang hita.
Sa gabay ni Steve ay agad na umakyat siya at isinampa ang sarili sa puwedeng pagkapitan, mula sa baba ay todo-suporta naman ang lalake at tinulak ang puwet niya upang makpasok, wala naman itong malisya para sa kaniya sapagkat mas lalong nangibabaw ang pinaghalong takot sa kaniyang sistema na baka mahuli at sabik naman sa pagkakataong mapapatay na rin niya ang isa sa mga pumaslang sa pamilya niya. Isa pang tulak mula kay Steve at hila naman sa bintana ay tuluyan na rin siyang nakapasok, nang saktong bumagsak siya papasok ay gumulong kaagad siya upang 'di gaanong makakagawa ng ingay ang paglapag niya. Mabilis din niyang hinugot ang baril mahigpit itong hinawakan habang maiging binabantayan ang paligid.
Hindi niya makontamina ang lakas ng kabog ng sariling puso ngayong nasa loob na siya ng bahay, sa 'di inaasahang pagkakataon ay muli niyang naalala ang gabing yun, kung saan dumaan din siya sa bintana ng kanilang kusina hanggang sa nagimbal siya sa nadatnan. Naramdaman na lang niya ang biglaang paninikip ng dibdib kasabay ang kakapusan ng hanging hinihinga, malalim siyang sumisinghap ng hangin habang hindi naman niya makontrol ang magkabilang kamay sa panginginig.
Mistulang niyanig din ang kaniyang mundo nang mahilo siya at namanhid ang buong katawan, parang sasabog ang puso niya sa kaloob-looban, at kalaunan ay naramdaman na lang niya ang pagbagsak ng kaniyang butil-butil na luha. Kahit pilit niyang iwinawaksi sa sariling isipan ay 'di talaga nawawala, muli niyang naalala ang masalimuot na nakaraan kung kailan siya walang-tigil na sinaktan at binaboy ng mga lalake ang katawan niya.
"Nevada!" nagimbal ang lalake nang maabutang nakabulagta na ito sa sahig habang hirap na hirap sa paghinga, kung kaya't dali-dali siyang sumugod at dinaluhan ito saka mahigpit na niyakap, "Sabayan mo 'ko sa paghinga, Nevada. Making ka sa 'kin, inhale…exhale…inhale" gabay niya rito na pilit namang sinasabayan ng babae.
"S-Steve…p-pinatay nila…." nauutal na iyak nito habang diretsong nakatitig sa blangkong kisame.
"Sshh, Nevada huminga ka ng maayos; pakiusap sabayan mo 'ko. Inhale…exhale…inhale…exhale. Nandito lang ako, 'di kita iiwanan. Pangako yun, 'di ka na mag-iisa pa, mananatili ako sa tabi mo." aniya rito na marahang sinusunod ng babae, "Inhale…exhale…inhale…exhale. Nevada kumalma ka na pakiusap. Narito lang ako, tahan na. Mahal kita at ayokong makita kang ganiyan." buong-tapang na bunyag niya na naiiyak na rin.
Habang mahigpit na nakayakap ang babae ay nakita niyang dahan-dahang nagbalik sa normal ang ritmo ng paghinga nito, napalagay na rin siya at parang nabunutan ng tinik nang maging maayos ito. Ilang saglit pa ay nakita niyang napatingin din si Nevada sa kaniya at nagkatitigan sila nito, humihikbi man ito at luhaan pero alam niyang tapos na ang pagpa-panic attack nito. Kung kaya't mas hinigpitan pa niya ang pagkakayakap sa babae habang tahimik na binabantayan ang paligid at yumakap din ito pabalik sa kaniya na walang sinasabing kung anong salita.
"S-Salamat Steve." Basag ng babae sa katahimikan makalipas ang ilang minuto, nang makaramdam na siya ng pangangalay sa likod, "Pasensya na."
"W-Wala yun, tara na. Hindi tayo puwedeng magtagal dito."
At nagsitayuan naman sila, maingat na inalalayan ng lalake si Nevada na pilit kinokontrol ang sarili na maging matatag, pinulot naman nito ang nabitawan na baril sa sahig at saka sumunod kay Steve na dumiretso sa hagdanan. Sabay nilang binaybay ang bawat baitang ng hagdan; ang lalake ang nagbabantay sa ibabaw habang siya naman ang nakaatas sa baba sa pag-aabang na baka may susugod o hahabol sa kanila. Hanggang sa narating nila ang pangalawang palapag ng bahay, tahimik pa rin at isang ilaw lang ang nagbibigay-liwanag na sapat naman upang aninagin ang paligid. At napako ang kanilang tingin sa kuwartong nakasara at nag-iisang nakailaw sa buong palapag.
"Yun ang kuwarto niya."
"T-Tapusin na natin ito."