TATLONG ARAW ANG LUMIPAS at isang balita ang kumuha sa pansin ni Nevada, isang maliit na opurtinad na maaari niyang gamitin upang malapitan ang lalake. Batay sa inanunsyo ni Patrix mula sa kaniyang sariling facebook account ay inimbitahan niya ang lahat ng kaibigan nina Emil at kamag-anak na dumalo sa lamay nito, at gaya ng inaasahan niya ay umani ito ng maraming reaksyon at komento mula sa mga tagahanga at taga-suporta ng lalake na nakikisimpatya; mga taong nakikita lang ang kabutihang bahagi nito na pawang bulag sa katotohanang isang napakademonyo at napakaruming tao nito.
Dahil sa anunsyong ito ay naisip niyang malaki ang posibilidad na makikita niya ulit ang iilan sa mga miyembro ng grupo na matagal na niyang minamanmanan, maaaring ito na ang pagkakataong malalapitan niya ang mga ito at hatulan sa pinakamasakit na paraan na kaya niyang gawin. Nais man niyang makita ang mga gumahasa sa kaniya, pero mas gusto niyang makita at makaharap ang mga taong pumatay sa pamilya niya, ang mga nanloob at nagtulak sa kaniya na maging ganito ngayon. Wala na siyang iba pang hiling kung hindi ang tuldukan ang mga buhay nito nang sa gayon ay mamamayapa na rin ang kaluluwa ng magulang at kapatid niya at mabibigyan na rin ito ng hustisya.
"Steve?" tanong niya sa kabilang linya nang sagutin niya ang tawag ng lalake.
"Oh, bakit Nevada?" tanong nito pabalik at napahikab pa, tanda na kakagising lang ng lalake.
"Kakagising mo lang? Steve alas diyes na ng umaga." Aniya nang mapatingin sa orasan ng kaharap na laptop, "Pero nabasa mo ba yung facebook status ni Patrix?"
"Hindi, bakit? Anong meron?" tanong ng lalake sa tonong nag-aalala, mula sa matamlay ay biglang lumakas ang boses nito na halatang nangamba.
"Iniimbitahan niya ang mga kaibigan at kamag-anak ni Emil na dumalo sa lamay nito ngayong gabi, Steve ito na yung tsansa ulit natin. Malakas ang kutob kong naroon din yung mga lalakeng nanloob sa 'min kaya hindi natin ito puwedeng balewalain."
"Nevada, h'wag mo sanang mamasamain pero hindi ako pabor diyan. Delikadong lalabas ulit ka sa publiko para dumalo roon, no'ng huli kang bumisita ng lamay ay may inuwi kang lalake na pinatay mo rin. Paniguradong mahahalata at makikilala ka na nila ro'n lalo na't dadalo rin yung mga sinasabi mong lalake na kasabay sa paglabas ng ospital."
"Pero---."
"Balwarte nila 'yan, mahirap nang lumabas doon sa puntong makakapasok ka na. Isantabi mo 'yang oportunindad na 'yan kung ang plano mo lang ay dadalo roon at maghihintay na may maiuuwing tao. Pag-isipan mo ng mabuti Nevada." Paliwanag nito. "Magkasama tayo 'di ba? Ito na yung pagkakataon Nevada na aayaw talaga ako sa plano mo."
"Sige Steve, pasensya na. Gustong-gusto ko na talagang makuha si Patrix at ang mga kasama nito."
"Hayaan mo, maghahanap din ako ng tsansa para sa 'tin. Tutulungan kita sa pagmamanman sa kanila."
"Salamat, Steve. Paalam na at may aasikasuhin pa ako." Saad niya at tinapos na rin ang tawag.
Napabuntong-hininga na lang siya at itinabi ang sariling smartphone, sa halip ay natuon ang kaniyang atensyon sa laptop kung saan kitang-kita niya ang malaking ngiti sa mukha ni Patrix kasama si Emil na tuwang-tuwa rin. Sa inis niya ay mabilis niyang itiniklop ito at napagpasyahang lumabas na lang upang bumili ng sabon para sa kaniyang natambak na labahin. Ngunit, sa pagtayo niya ay bigla siyang napatigil nang umalingawngaw ang tunog ng sariling smartphone, palatandaang may tumatawag, nang tignan niya ito ay lubos siyang nagtaka nang sa 'di inaasahang pagkakataon ay nabasa niya ang pangalan ng lalakeng matagal nang 'di nagpaparamdam sa kaniya. Kung kaya't sa sabik niya ay dali-dali niyang pinulot ito at sinagot upang alamin kung anong pakay.
"T-Tobias? Ba't ka napatawag?"
"Tasiah h'wag kang pumunta sa lamay ni Emil." Babala ng lalake na ikinagulat niya, "Alam kong inaabangan mo sila at nabasa mo yung facebook post ni Patrix pero isa yung patibong; hinihila ka nila at hinihintay mahulog. H'wag kang pumunta Nevada." Sabi nito na nangangamba rin.
"P-Paano mo nalaman 'yan?"
"Inanunsyo yun kagabi ni Patrix sa 'min, mamayang gabi ay mapapaligiran na ng mga kasapi ng grupo ang lamay; lahat ay mag-aabang sa 'yo."
"T-Teka, gaano ba sila kaiguradong pupunta ako?"
"Na-hacked nila yung phone at laptop mo Tasiah, alam nila ang pinaggagawa mo. Hindi ka pa nila kilala pero alam nilang may nagtatangka na sa kani-kanilang buhay kaya minamanmanan ka na nila."
Sa pinahayag ng lalake ay hindi siya nakagalaw at nanigas na lang sa kinatatayuan, ramdam niyang parang may nagmamasid sa kaniyang galaw, "At paano naman nila na-hacked ito?" aniya at napatingin sa paligid sa pangambang may nagmamasid sa kaniya.
"Hindi ko alam, pero pakiusap Tasiah, h'wag kang pumunta."
Ngunit dahil dito'y muling nanigas ang kaniyang loob at naisip na naman niya ang dinulot ng Black Triangle sa buhay niya, mariin niyang kinuyom ang kanang kamao at napagakat ng labi, "Hindi puwede Tob', dapat may maiuuwi o mapapaslang ako mamaya." aniya na nagiging desperado na naman, "Mas mabuti nga sigurong naroon silang lahat, mas magiging madali yun kung bobombahan ko ang lamay ni Emil." Aniya nang maalala ang granadang mayroon siya.
"Paano na ang mga inosente?"
"Sa panahon ngayon, wala nang inosente pa Tobias. At seryoso akong bobombahin ang lamay basta't masisiguro kong naroon lang ang apat, bahala na kung mamamatay ako." Sabi niya at nanginginig na napaupo pabalik sa upuan, "Mas mabuti na rin yun dahil wala nang natira pa para sa 'kin, mag-isa na lang ako."
"Nandito lang ako Tashia. Pero, paano kung mabibigyan kita ng lokasyon at pagkakataon kung saan makakaharap mo ang isa sa mga nanloob sa inyo, iaatras mo ba 'yong plano?" suhestyon nito.
"Oo, bakit? May alam ka bang tsansa?"
"Oo, may kilala akong puwedeng mong damputin mamayang madaling araw." saad ng lalake.
"Sino?"
"Si Johan," sagot nito na nagdulot ng panlalamig ng katawan niya, "Sige na, tatapusin ko na ang tawag at isi-send ko na lang sa 'yo ang lokasyon at iba pang detalye."
"Salamat Tobias." Saad niya at may pahabol na tanong, "Pero kung na-hacked nga nila ang phone ko, maririnig at mababasa ba nila ang mga mensahe at tawag dito?"
"Hindi, burahin mo lang kaagad Tashia." mabilis na sagot nito at dali-daling pinatay ang tawag.
Ilang saglit pa, nang maibaba niya ang smartphone mula sa tainga ay muling tumunog ang kaniyang smartphone, nang buksan niya ang messaging na application ay unang bumungad sa kaniyang paningin ang pangalan ng lalake kalakip ang impormasyong kailangan niya. Kung kaya't dali-dali niyang binasa at sinaulo ito at saka mabilis na binura ang mensahe. Sa katahimikan ay napatingin siya sa salaming nakabitin sa pader na nasa kaniyang kaliwang gawi at napangiti sa sariling repleksyon na mukhang kalunos-lunos, sa isipan niya'y marami siyang ideya na naiisip at hindi niya alam kung alin ang mas mabuting gawin niya laban sa mga lalakeng matagal na niyang gustong patayin.