webnovel

Kabanata Lima [5]: Himagsik ng Api

"Hindi ka pa ba talaga magsasalita Pluto? Hindi ka pa rin mamamatay tandaan mo." Aniya habang bahagyang umaatras upang 'di gaanon maamoy ito, "Kung magsasalita ka lang, maaawa pa ako sa 'yo at ibibigay ko ang kamatayan mo."

"S-Si M-Marvin, si Jo-Johan," tuluyang bunyag ng lalake nang bumigay na rin siya't di kinayanan ang nangingibabaw na sakit, hilong-hilo na talaga siya at ang pinaghalong hapdi at kirot sa kaniyang sikmura ay 'di na niya kayang tiisin; wala siyang ibang nais sa pagkakataong ito kung hindi ang matapos na ang lahat ng pagdurusa niya, "…k-kasama na r-rin sina L-Luke a-at Patrix." Dagdag niya kahit hirap na siya sa pagsasalita ng maayos.

"Salamat," sabi ni Nevada sa lalakeng umiiyak at pilit sumisinghap ng hangin matapos takpan ng tumatagas na dugo nito ang kaniyang mukha, lalong-lalo na't pumapasok 'to sa kaniyang ilong, "h'wag kang mag-alala, totoo ako sa 'king pangako." Aniya rito.

Sumenyas naman siya kay Steve at nginuso ang direksyon ng kinalalagyan ng bagay na nais niya. Nakuha naman kaagad ng lalake ang pinapahiwatig niya kung kaya't dali-dali itong napatayo mula sa pagkakaupo at kinuha ang isang puting container sa paanan ng malaking puno. Bitbit ang sisidlan ay ibinigay ito ng kaibigan sa kaniya nang tuluyang makalapit, tinanggap naman kaagad niya ito saka pinabalik si Steve sa kinauupuan na hawak-hawak ang flashlight.

"Ilawan mo 'ko at manood ka lang." utos niya at itinabi muna ang container, "Ako na ang bahala sa hiling nitong Pluto."

Mula sa tagiliran niya'y hinugot niya ang isang maliit na patalim, agad naman siyang lumuhod sa harap ng nakabiting lalake at ipinakita itong maliit na kutsilyong makintab, "Hihingiin ko muna ito," at saka hinawi't pinahid niya paalis ang dugong tumatakip sa dibdib nito hanggang sa tuluyan ding tumambad sa kaniyang paningin ang itim na tattoo ng lalake na sumisimbolo sa kanilang grupo.

"H-Hw'ag, t-tama na." pagmamakaawa ng lalake sa takot ng binabalak niya, "Ibinigay ko na ang hinihingi mo, pakiusap tama na." iyak nito na hindi na nagwawala pa, sa halip ay pilit na nakikiusap sa babae.

"Ito lang," sabi niya sa lalake at saka marahas na hinila ang balat nito sa dibdib.

Kahit namamaos ay hiyaw nang hiyaw si Pluto nang walang-pasabi niyang pinaraan ang talim ng kutsilyo sa paligid ng tattoo nito, damang-dama talaga ng lalake ang pagkapunit ng sariling balat na kasing-hapdi ng kaniyang sugat sa singit at bandang bewang; muli ay 'di na niya napigilan pa't agad siyang nagwala at malakas na nagpumiglas nang 'di na niya kayang tiisin pa ang sakit na idinudulot ng babae. Walang-tigil ang pag-iyak at daing ni Pluto nang dahan-dahang hiniwa nito ang kaniyang balat mula sa ilalim; bawat hiwa ay pinaparalisa ang kaniyang buong katawan sa sakit, bawat hiwa ng babae ay parang ikakamatay na niya sa tindi nito.

Hanggang sa nadama na lang niyang tuluyan na rin itong natuklap sa dibdib niya, habang nakabaligtan ay kitang-kita niya ang sariling balat na hawak-hawak ng babaeng may ngiti sa labi, "Fuck you," tanging nasabi niya rito at dinuraan ng dugo sa mukha ang babae.

Saktong tumama talaga sa mata at ilong ni Nevada ang dura ng lalake, buti na lang at mabilis siyang napapikit at naaptras dahil sa kung hindi ay paniguradong sa bibig niya ito tatama. Kahit inis na inis ay ibinulsa na lang niya ang balat ng lalake at pinulot ang itinabing container, dali-dali naman niya itong binuksan saka ang likidong laman ay ibinuhos niya sa katawan ng lalake; isinaboy niya ito sa dibdib na may sugat, pati na rin sa bewang nitong nakabukas.

Ilang saglit pa, ang nakakasulasok na amoy ng mga dugo't dumi ng lalake ay napalitan nito nang kumapit o bumalot sa katawan nito ang malamig na gasolina, hindi naman niya ito inubos at ginamit ang natitirang laman ng sisidlan upang ilinis sa kamay niyang may bahid ng dugo; hinugasan niya ang sariling kamay habang marahang sinasamyo ang kakaibang halimuyak ng gasolina at dinadama naman ang lamig nito.

At nang maubos ang laman ng sisidlan ay itinapon niya lang ito malapit sa lalake saka binalingan ng tingin si Steve, "Pahiram ng posporo," aniya rito.

"H'wag! H'wag mong gawin 'yan! Saksakin mo na lang ako! H'wag! Fuck you!" sunod-sunod na sigaw ni Pluto nang makitang sinalo ng babae ang posporong hinagis ng kasama, "Masusunog ka sa impyerno sa pinaggawa mong hayop ka! Fuck you!" muling sigaw ng lalake na mas lalong nagpumiglas sa kagustuhang kumawala.

"Kung mapupunta man ako ro'n sisiguruhin ko munang dalawang beses kang makakaranas ng impyerno; ngayon at mamaya." pahayag niya sa lalake at sinindihan ang hawak-hawak na isang piraso ng posporo, "Sa 'ting dalawa ay ikaw muna itong mauuna." Aniya at hinagis ang umaapoy na posporo sa tambak ng mga tuyong dahon na basang-basa ng gasolina.

Sa isang kurap lang, kasabay ang sigaw at iyak ng lalake ay nasaksihan nila ni Steve kung paano biglaang gumapang ang apoy mula sa lupa patungo sa ulo ni Pluto na nakabitin. Tahimik lang si Nevada na napaupo tabi ng lalake at pinanood kung paano nagpupumiglas ang lalakeng tinutusta ng apoy; titig na titig siya rito sa kung paano ginamit ng lalake ang natitirang lakas upang magwala sa kagustuhang makalaya sa higpit ng kadena, sigaw nang sigaw pa rin ito habang mabilis na sinusunog ng apoy ang kaniyang balat. Hindi nagtagal ay nakita na nila ang mga namumulang laman sa buong katawan nito kalakip ang nangingitim na mga kulubot balat sa iba't ibang bahagi na sinusunog pa rin, wala na itong buhok pa at amoy na amoy naman nila ang amoy ng laman at buhok na nasusunog.

Dahil dito ay ramdam niya na parang masusuka na siya, animo'y bumaligtad ang kaniyang sikmura matapos makitang tahimik, hindi na gumagalaw, at nanlalantang nakabitin sa ibabaw ng apoy ang lalake; klarong-klaro nila ang namumulang karne nito kalakip ang dugo na literal na kumukulo na gumagapang pababa sa katawan ng lalake mula sa iba't ibang bahagi, hanggang sa tuluyan rin itong nalusaw nang marating ang ulo nitong nangingitim.

"Alam mo ba na isa sa pinakamasakit na bagay na mararamdaman mo ay yung masunog ng buhay? Kasunod nito ay panganganak Nevada, kaya hindi ko mawari ang hirap niya."

"Nararapat din naman 'yan sa kaniya matapos ang walang-awang ginawa nila sa 'kin," at binalingan niya ng tingin ang lalakeng katabi, "Sagutin mo 'ko Steve, sabihin mo kung tama pa ba 'tong ginagawa ko." Aniya habang pinipigilang bumagsak ang namumuong tubig sa sariling mga mata.

"Hindi ko alam Nevada, mas maiging tanungin mo si Kariah." Sagot na ikinagulat niya sapagkat 'di niya ito inaasahan, "Kausapin mo ang 'yong dating sarili dahil siya lang ang nakakaalam ng sagot niyan."

Next chapter