Kahit mabigat ay binuhat at kinaladkad niya ang walang kabuhay-buhay na katawan ng lalake papasok sa banyo, hinila niya ito at itinapat sa ilalim ng dutsa, saka binasa ito at pinaliguan upang alisin ang mga bakas ng ebidensya. Hinayaan niya lang ito at saka binalikan si Emil na mahimbing pa ring nagpapahinga at walang kamalay-malay sa nangyari, sa kondisyon nito ay naisip niyang baka na-comatose na ang lalake, batid niyang malala ang inabot nito sa ginawa niya no'ng gabing may Wood Party. Pero kung totoo mang na-comatose ito ay 'di pa rin magbabago ang binabalak niya, tatapusin niya ang buhay ng lalake ngayon sapagkat hindi pa sapat ang kasalukuyang kalagayan nito.
Mula sa gitna ng kaniyang pinagsalikop na umbok sa dibdib ay hinugot niya ang isang seringgilya na isiniksik niya upang 'di mahalata, dali-dali naman niyang inalis ang takip nito saka maingat na hinawakan upang 'di matapon ang laman nito. Wala na siyang pinag-aksayahang pagkakataon pa at dinaluhan kaagad ang lalake, gamit ang malaking seringgilya ay itinutok niya ito sa leeg ng lalake at saka diretsong ibinaon ang karayom sa kaniyang hudyat. Isang tulak lang kabilang dulo nito ay kitang-kita niya kung paano pumasok ang laman nitong asido sa loob ng katawan ng lalake, hanggang sa ilang saglit pa'y naubos din ito.
At matapos hugutin paalis ang seringgilya ay gumuhit na lang ang ngiti sa labi ni Nevada nang makitang namaga ang leeg ng lalakeng walang kalaban-laban. Mula sa maliit nitong sugat ay nasaksihan niya kung paano ito lumaki nang lumaki matapos sunugin at tunawin ng asido ang laman ni Emil. Walang-tigil sa pagbuluwak palabas ang malansang dugo nito na napakalapot na kumakalat sa unan na kulay puti hanggang sa madamay nito ang malinis na bedsheet.
Naalarma naman siya nang biglang nagwala ang makinang nagsasabi ng kalagayan ng lalake, naging hudyat para sa kaniya ang walang-tigil at mabilis na pagtunog nito upang umalis kaagad bago pa siya mahuli. Wala na siyang pag-aalahan pa lalo pa't nasisiguro niyang mamamatay rin naman ang lalake kalaunan, sa rami ng concentrated Hydrochloric acid na itinurok niya ay paniguradong kumakalat na ito sa loob ng katawan niya at tinutunay o sinusunog ang ibang laman. Hindi na siya nagtagal pa sa loob, dali-dali niyang itinago pabalik sa likod ng damit ang seringgilya at saka mabilis na nilisan ang silid.
Muli ay tinahak niya ang pasilyo, sa puntong ito ay nilalakihan na niya ang kaniyang hakbang upang makaalis kaagad. ngunit, hindi maitatangging doble ang kaba niya ngayon kumpara kanina na pasulong pa lamang siya; ang isip niya'y walang ibang dinidikta kung hindi ang katotohanang nakapatay naman siya, nangingibabaw na naman ang konsensya niya na kumakatok sa kaniyang kamalayan, kung kaya't gano'n na lang ang pagkabalisa niya sa takot na baka mahuhuli siya ngayon.
Sa kalagitnaan ng kaniyang pagbaybay ay may nakasalubong siyang tatlong lalake na seryosong nag-uusap, no'ng una ay akala niya'y tipikal lang sila na mamamayan, pero nang makita niya tatsulok na tattoo nito sa iba't ibang bahagi ng kaniya-kaniyang katawan ay nagimbal siya nang mapag-alamang ito ay miyembro ng kaniyang kinakalabang grupo. Sa takot niya'y mas binilisan pa niya ang paghakbang, mas lalong umalingawngaw ang tunog ng kaniyang takong at iilang mga taong kasabay at nakakasalubong niya ay napapatingin sa kaniyang gawi.
Ilang saglit pa'y nalagpasan niya rin ang nurse station kung saan abalang-abala pa rin ang mga tauhan at hindi man lang siya napansin, kung kaya't sa pagmamadali niya ay hindi na siya nag-iwan pa ng salita bagkus ay nagtuloy-tuloy lamang siya sa pagtahak ng mahabang pasilyo patungo sa dulo kung saan nakalagay ang elevator na sa tingin niya'y sasalba sa kaniyang buhay ngayon.
Habang papalapit nang papalapit ay mas lalong lumakas ang kabog ng puso niya; sa takot ay gusto niyang tumakbo kaagad nang sa gayon ay makakatakas na siya, pero ayaw naman niyang baguhin ang bilis ng paglalakad dahil sa baka mahahalata siya ng mga tao. Sa puntong ito ay nagtatalo na ang kaniyang isipan sa kung ano ang gagawing desisyon, para siyang binubuhusan ng malamig na tubig habang paulit-ulit na sumisinghap ng hangin upang ikalma ang sarili at pawiin ang paninikip ng dibdib.
Kalaunan, matapos tahakin ang humigit-kumulang na limampung metro na pasilyo ay lubos siyang nagalak nang marating ang hinahanap na magkatabing mga elevator. Agad niyang pinindot ang buton sa labas nito saka aligagang naghintay, panay siya sa paglingon upang tiyaking hindi pa siya nasusundan sapagkat umaalingawngaw sa kaniyang isipan na paniguradong nadiskubrehan na ng mga lalake ang dalawang bangkay sa silid. Nang saktong bumukas ang elevator sa kaliwang gawi ay laking-pasasalamat niya't mabilis siyang sumampa't sumakay sa loob, kasabay ng pagsara nito ay dali-dali naman niyang pinindot ang buton ng pangatlong palapag at saka malalim na napabuntong-hininga.
Habang umaangat ay inobserbahan niya ang loob ng elevator at inalam kung may surveillance cameras ba, ngunit sa kasamaang-palad ay napailing na lang siya nang may makitang isa, pero hindi ito naging alintana at hadlang sa pinaplano niya. Mabilis niyang inalis ang suot-suot na wig na purong itim at binaliktad kaagad ito upang ilantad ang kulay kayumangging buhok mula sa ilalim. Gamit ang repleksyon na nakikita niya sa metal na dingding ng sinasakyan ay sinuot niya ulit ito at itinali upang ibahin ang ayos.
Nanatili lamang siyang nakatingin sa repleksyon at agad-agad na inalis ang magkabilang pekeng kilay sa mukha at itinapon ito sa tabi, mula sa loob ng bra niya ay hinugot niya ang nakatagong baby wipes na basang-basa pa at ginamit ito upang alisin ang concealer na itinakip niya sa orihinal na kilay, at ilang pahid lang ay tuluyan na rin itong naalis at tumambad ang makapal niyang kilay. Gano'n ana rin ang lipstick niyang kulay pula, inalis niya rin ito at itinambad ang namumutla niyang labi.
Dali-dali rin niyang hinubad ang suot-suot niyang strapless na pulang tube dress at ito'y binaliktad gaya ng sa kaniyang wig, inilabas niya ang purong itim na kulay ng kabilang bahagi nito saka ito'y sinuot kaagad. Saktong pagbukas ng elevator ay roon bumulaga sa kaniyang harapan ang dalawang matanda na nag-aabang ng masasakyang elevator sa ikatlong palapag, kung kaya't dali-dali siyang lumabas at nilagpasan ang dalawa saka tinahak ang mahabang pasilyo patungo sa dulo nito kung saan naroon ang hagdanan pababa. Habang naglalakad siya ay kinuha niya ang maliit na bote ng lip tint na nasa loob din ng bra niya at binuksan ito, marahan niyang ipinahid ang bilugang dulo nito sa kaniyang labi saka ikinalat sa pamamagitan ng paggalaw ng sariling labi. Kahit hindi niya kita ang sarili ay buo naman ang kumpyansa niya na maayos na nakalagay ang pangkulay sa kaniyang labi upang takpan ang namumutla niyang labi.
Ilang saglit pa ay narating niya rin ang hagdanan, kahit madulas at mataas ang takong suot-suot niya ay tinahak niya ito at mabilis na bumaba, umaasang makakalabas pa siya ng gusali na hindi natutunugan o napagdududahan. Habang wala siyang kasabay o nakakasalubong ay inalis naman niya ang prosthetics na kakulay ng kaniyang balat na nakadikit sa kaniyang magkabilang panga at nakapatong sa kaniyang ilong, 'di naman gaanong mahigpit ang kapit nito sa kaniyang balat kung kaya't madali lang alisin at hindi masakit sa balat. Malalim na lang siyang napabuntong-hininga at itinapon sa tabi ang prosthetics, bagkus ay nagpatuloy lamang siya sa kaniyang pagtakas na buo ang kumpyansang hindi mahuhuli.