Sapo-sapo ng lalake ang ilong nitong nagdurugo nang maupo ito sa bakante at gawa sa kahoy na upuan. Agad naman niyang dinaluhan ang kinalulugaran ng lalake habang nakatutok pa rin ang hawak-hawak na baril sa noo nito. Kitang-kita niya ang takot sa mga mata nito at ibang-iba sa mga nauna niyang niligpit.
"Espesyal ka sa 'kin kaya 'di kita bubusalan," aniya at kumandong sa hita lalake saka hinarap ito.
Nakangiting tinitigan niya ang lalakeng hindi magawang salubungin ang kaniyang tingin, alam niyang nakakaramdam ito ng pagkaasiwa dahil sa maikling distansya na namamagitan sa kanila at sa kung paano siya umupo sa harapan nito. Hinawakan niya ang magkabilang pisngi nito gamit ang malayang kamay at saka tinutukan ng baril sa loob ng bibig, dahil dito'y mas lalong tumindi ang pamumutla nito at nakita niyang pinagpapawisan at nanginginig sa takot ang lalake.
"Ano ang pangalan mo?"
"T-Tobias," nauutal na sagot nito.
"Buong pangalan?"
"Tobias Zamora,"
"Okay, Tobias. Simple lang naman ang gagawin mo. Gusto ko lang na sagutin mo ang lahat ng itatanong ko sa 'yo. Hindi sa pagmamayabang pero mangilan-ngilan na ang napatay ko sa grupo n'yo, at panghuli no'n ay si Joshua na dinurog ko ang mukha at pinatay kalaunan. Kung ayaw mong mapabilang sa listahan nila, mas mabuting maging masunurin ka na lang at mabait sa 'kin." pananakot niya sa lalake.
"O-Oo, k-kahit ano sasagutin k-ko."
"Sino ang lider ng Black Triangle?" hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa at diretsong tanong kung sino
"H-Hindi ko a-alam. B-baguhan lang ako s-sa grupo at h-hindi pinapaalam sa 'min kung sino pinuno ng grupo." nauutal na saad nito na puno ng sinseridad.
Naniwala naman siya kay Tobias dahil sa alam niyang takot na takot ito, wala na itong dahilan pa upang magsinungaling lalo na't nakatutok sa mukha nito ang bukana ng baril niya. Isang pagkakamali lang ay tiyak na butas-butas ang kahihinatnan ng mukha niya.
"Bigyan mo na lang ako ng kapaki-pakinabang na impormasyon."
"S-Sige," sagot nito at malakas na napatango.
"Simulan mo na, bago pa ako maubusan ng pasensya Tobias."
"A-Ako ay isang bagong recruit, i-isang pagsubok para sa 'min ay ang manungkulan s-sa pinuno sa pamamagitan ng pagbebenta ng droga." bunyag nito at napatingin sa gawi ng pulang bag na itinabi niya kanina.
"Alam ko na 'yan, Tobias. Kaha---"
"P-Pero 'di mo alam na protektado kami ng gobyerno," sabat ng lalake na ikinabigla niya.
"Papaanong protektado?"
"K-Kaya ako sumali sa grupong 'to ay dahil sa pera, malaki ang pasweldo rito na sapat na upang tulungan ko sina Mama sa gastusin. At s-sa grupong ito, hindi limitado ang magagawa mo; maaari kang magsagawa ng krimen na hindi nakukulong o napoproblema man lang---makapangyarihan ang sino mang mapapabilang dito."
Gulat na gulat siya sa kasunod na pahayag ng lalake. Sa sinabi nito ay agad siyang nakaramdam ng kirot sa kaliwang dibdib dahil sa napagtanto, ngayon ay nasagot na rin niya ang isang tanong sa kaniyang buhay. Mahirap mang tanggapin, ngayon lang niya napuna na kaya pala hindi pa nabibigyan ng hustisya ang kamatayan ng mga magulang at kapatid niya ay dahil ipinagsawalang-bahala lang ito ng gobyerno; gawa ito ng Black Triangle at napakaswerteng nakakapaglakad pa rin silang malaya sa ginawa nilang kademonyohan sa pamilya niya.
Sa galit niya ay umigting ang kaniyang panga at biglang nanginig ang kaniyang kamay, nakaramdam siya ng pangangati at ramdam niya ang kagustuhang magwala; gusto niyang mamaril ngayon ay ilabas ang nag-uumapaw na poot, gusto niyang paslangin ang lalakeng kaharap ngunit 'di niya magawa sapagkat sa dinami-rami ng kinausap niya ay ito lang ang nagsalita.
Bagkus ay mas lalo siyang nasabik at naging determinado sa pinaplano. Sinusumpa niyang hindi siya titigil hangga't hindi niya nauubos ang mga miyembro ng Black Triangle.
"Ano pa," tipid niyang tanong sa lalake upang pigain ang lahat ng tinatago nitong impormasyon.
"K-Kilala kita," ani nito at agad na napaiwas ng tingin.
At doon ay para siyang tinamaan ng kaba dahil sa pinahayag ng lalake. Mistulang natibag ang mataas at makapal na pader na nagkukubli sa kaniyang tunay pagkatao. Sa puntong 'to ay hindi niya lubos maintindihan ang nararamdaman nang may ibang taong nakakaalam sa kaniyang dating pagkatao.
"A-Anong alam m-mo?" nauutal niyang tanong kay Tobias.
"I-Ikaw yung babaeng nasa video na pinakita ng kaibigan ko, matagal na yun pero naaalala ko talaga ang hitsura no'n na saktong kapareho talaga sa 'yo, konti lang ang 'yong pinagbago pero 'di no'n maikukubli ang tunay mong pagkatao."
Parang pinunit ang puso niya sa narinig. Muling bumukas ang pinipilit niyang takpan na sugat sa sariling puso. Parang pinagsakluban siya ng langit nang maaalala ang gabing yun. Sa kabila ng 'di mawaring sakit na nadarama niya ay pinuwersa niya ang sarili na h'wag bumigay sa harapan ng lalake; nanatili siyang matatag at sinisigurong maitatawid niya ang lahat ng 'to.
"K-Kilala mo ba k-kung sino ang gumawa no'n?" aniya na parang bibigay na sa panlulumo.
"Oo," sagot ng lalake na mas lalong nagbigay ng kilabot at sabik sa kaniya.
"S-Sinong may g---"
"Tobias!"
Napatigil siya nang sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap ay nagulantang sila nang may kumatok mula sa labas ng nakakandadong pintuan. Hindi maitatangging nakakabigla ang lakas ang hampas nito na dumagundong sa loob ng bahay kalakip ang malakas na sigaw. Ngunit bahagya naman siyang nakaramdam ng pag-aalala nang maantala ang kanilang usapan.
"Tobias, buksan mo ang pinto!"
"Mag-usap tayo bukas, alas singko ng madaling araw sa Carolina Lake, maglalakad tayo at pag-uusapan natin ang tungkol sa gabing yun," aniya sa lalake at itinutok sa dibdib nito ang baril, "At h'wag na h'wag mong subukang ibunyag sa kanila ang nangyari ngayon, dahil sa puntong lalabas ako sa bahay na 'to ay hahanapin ko kaagad ang pamilya mo at tataniman ko ng bomba ang bahay na tinitirhan n'yo, Tobias Zamora. Kapag nalaman kong hinahabol na ako ng Black Triangle dahil sinuko mo 'ko, isang tawag mula sa cellphone ko ay sasabog 'yang bahay n'yo at kasama na ro'n ang pamilya mo." walang pag-aalinlangan at mariin niyang saad sa lalake.
Sa takot nito ay mabilis itong napatango habang binabalot pa rin ng pamumutla, kapansin-pansin naman ang pamumula ng mata nito, tanda ng nagbabadyang luha. Doon na siya napatayo matapos makakuha ng kumpirmasyon sa lalake, umalis kaagad sa pagkaka-kandong sa hita nito at saka itinago sa likod ang sariling baril.
"Tobias ano ba?! Buksan mo naman! Naiinip na ako rito!"
"Tara, ipakilala mo 'ko sa 'yong kasama bilang nobya." aniya at biglang hinila ang lalake, tinulak niya ito at pinauna upang masigurong wala itong gagawin sa likod niya.
"Tobias?! Natutulog ka na naman ba?!"
Tinulak niya ito sa patungo pintuan at mabuting sumunod naman ang lalake sa daloy nito. Ang bato naman na naitabi niya kanina ay dali-dali niyang pinulot at saka inilipat sa parteng matatakpan ng pinto. Mabilis naman siyang bumalik kay Tobias at niyakap ito sa bewang, ngunit hindi lang ito simpleng yakap lang sapagkat sa likod ng lalake nakatutok ang talim ng munting kutsilyong inilabas ni Nevada mula sa sapatos.
"Buksan mo na," bulong niya kay Tobias.
"Saglit lang!" sagot ni Tobias sa kaibigang nag-aabang sa labas, agad niyang inalis ang pagkakakandado ng pinto at diretsong binuksan ito.
"Pare ba't ang ta---Sino 'to?" mabilis na nagbago ang reaksyon ng lalake nang makita ang babaeng mahigpit na nakayakap kay Tobias.
Mababasa sa mukha nito ang pinaghalong inis, pagtataka at gulat dahil sa naabutan, ngunit nangingibabaw talaga ang pagtataka patungkol sa kung sino ang babaeng kasama nila.
"S-Si---"
"Tasiah," sagot niya sa lalakeng nasa bungad at bumitaw sa pagkakayakap, "Girlfriend ni Tobias." pagsisinungaling niya at matamis na nginitian ang lalakeng kakarating lang.
"Hindi ko alam na may girlfriend ka pala,"
"B-Bagong girlfriend Wayne, ngayon lang n-niya ako sinagot." rason naman ni Tobias na sumasakay na sa plano niya.
"Oo, kaya ako'y magpapaalam muna sa inyong dalawa dahil may aasikasuhin pa ako," sabi niya't binalingan ng tingin ang katabi na si Tobias, "Magkita na lang tayo bukas baby." huling saad niya at saka nilagpasan ang lalakeng nakaharang sa may bungad ng bahay.