webnovel

CHAPTER 9: PITY HER

NAKATULUGAN na ni Misha ang tagal ng biyahe. Ilang oras din niyang nilabanan ang antok pero hindi na niya namalayang na-knocked out na pala siya. Pakiwari niya'y sa labas na ng Metro Manila ang pupuntahan ni Harris at ni hindi man lang siya nakahanap ng pagkakataong makalabas ng sasakyan nito.

Mahimbing pa rin ang kanyang tulog nang makarating si Harris sa destinasyon nito. At wala pa rin siyang kamalay-malay maging nang lumabas na ng sasakyan ang lalaki.

Huminto ito sa tapat ng isang malaking bahay na ilang metro lamang ang layo mula sa dagat. Pulos puti ang pintura niyon at napakaraming halamang namumulaklak sa hardin. Mukha itong isang rest house na malayo sa ibang mga kabahayan.

"Misha?!"

"A-ay, Misha!" bulalas niya sa matinding pagkagulat. Isang malakas na boses na tila dagundong ng kalangitan ang biglang pumukaw sa mahimbing niyang pagtulog. At nabungaran nga niya ang madilim na mukha ni Harris. Salubong ang mga kilay nito't nakapamaywang pa sa harapan niya.

Ngunit, hindi niya ito agad na pinansin. Una niyang nasapo ang ulo na parang pinukpok ng kahoy sa pananakit gawa ng labis na pagkagulat at biglaang pagbangon. Bahagya rin niyang pinunasan ang bahid ng laway sa gilid ng kanyang mga labi. Para pa rin siyang wala sa sarili ng mga sandaling iyon.

"Can you please get out of the car? At ipaliwanag mo kung anong ginagawa mo sa compartment ng sasakyan ko!"

"Harris..." Nakagat niya ang ibabang labi at nag-aalangang lumabas dahil mukha itong handang manlapa ng tao sa sobrang galit.

"Now!" he stormed once again.

"O-oo! Heto na. Heto na!" Nagkukumahog siyang lumabas ng compartment. Kahit nakapaa lang siya'y hindi na niya alintana. Mas iniisip niya ang galit ng lalaki.

Binitbit na lang muna niya ang mga sandals at itinago iyon sa kanyang likuran matapos ayusin ang sarili sa harapan nito.

"Speak," tipid nitong turan. Ngunit, puno pa rin ng awtoridad.

"A-ah... I... I'm so sorry, Harris. H-hindi ko intensyong sundan ka rito," nauutal niyang panimula.

"Pumasok ka ng walang paalam sa loob ng sasakyan ko, Misha! And worst, nagtago ka pa sa compartment. Tapos ngayon sasabihin mong wala kang ibang intensyon?"

"Harris, ganito kasi 'yan... Sasakay talaga dapat ako sa shuttle bus palabas para gumimik. Pero, nakita ko sina Nagi at Rod na papalapit sa may lokasyon ko. And guess what I discovered!" paliwanag niya na may pambitin pa sa luhi.

"Hindi ako interesado sa natuklasan mo! Ang kailangan kong malaman ay kung ano ang ginagawa mo rito?!"

"Pakinggan mo kasi muna ako! Puwede ba? Nagpapaliwanag na nga ang tao, e!" Tinaasan na rin niya ito ng boses.

"Oh, sige!" Ibinuhos nito ang buong atensyon sa kanya. At inip na inip nang malaman ang katotohanan.

Muli na naman siyang nailang sa mga titig ng lalaki. Hindi niya maintindihan kung bakit. Siguro, kabaliwan na ang paulit-ulit isipin ang maalab na paghahalikang namagitan sa kanila noon sa tuwing magkakalapit sila ng ganito. Pero, hindi niya mapigil ang sarili. Kusa na lang iyong sumusulpot sa isip niya kahit ayaw man niya.

Muli'y sunod-sunod siyang napalunok ng sariling laway.

"Magpapaliwanag ka ba o ano? Naghihintay ako..." Basag ng lalaki sa kanyang pagkatuliro.

"A-ahm... Iyon na nga kasi... Haaay! Pa'no ko ba sasabihin 'to?" inis niyang maktol. Kapag nakarating sa kaalaman nina Rod at Nagi na ipinagsabi niya sa iba na may relasyon ang mga ito, siguradong matatanggal siya sa agency. Hindi rin siya nakatitiyak na isi-sekreto ito ni Harris sakaling sabihin man niya.

Mas mainam na lang sigurong huwag na niyang sabihin dito.

"A-ang totoo niyan... n-na-curious lang ako kung saan ka pupunta. K-kaya—"

"Kaya ka sumakay sa compartment ng sasakyan ko para sumunod sa'kin. Dahil alam mong hindi kita papayagan sakaling magpaalam ka!" Ito na ang nagpatuloy ng iba pa sana niyang sasabihin.

"I... I'm sorry, Harris. Galit ka ba?" nakayuko niyang turan. Ayaw na niyang salubungin pa ang mga titig nito dahil alam niyang nagngangalit na ito sa galit.

"For Pete's sake! Tinatanong mo pa?!" Hindi na nito napigil pa ang sarili't mabilis siya nitong sinugod. Mahigpit nitong hinawakan ang kanyang mga braso. "Umamin ka nga! Ano ba ang totoo mong motibo sa pagsunod sa'kin dito?"

"W-wala nga! Sinabi ko na sa 'yo ang totoo kong dahilan. Bakit ka ba sobrang nagagalit?" Kahit nasisindak na siya sa ginagawa ng lalaki'y nakapagpasya na siyang huwag sabihin ang totoo. Hindi rin naman ito maniniwala sa mga sasabihin niya.

Halos patulak siya nitong binitawan dahilan para mapasandal siya sa sasakyan. Tila nanghina ang kanyang mga tuhod sa ginawa nito.

"Alam mo kung bakit ayaw ko sa 'yo, ha? Isa kang immature! Baliw! Kahit sabihin nilang magaling ka na... hindi ko nakikitang totoo 'yon! At hindi ko maintindihan ang Viper Institute kung bakit ikaw pa ang napili nilang i-partner sa'kin sa assignment ko! Sa una pa lang alam ko nang panira ka lang ng misyon. At hindi ako nagkamali, 'di ba?" Mabibigat at masasakit ang bawat salitang binitawan nito.

Gusto mang paniwalaan ni Misha na kasinungalingan ang mga sinasabi nito't dala lamang ng galit dahil sa ginawa niya ngayon. Ngunit, iba ang nais iparating ng mga mensaheng nakikita niya sa mga mata nito. Totoo ang mga iyon at tumatagos talaga sa puso niya ang sakit. Kaya, kahit anong pigil din niya sa mga luha'y wala siyang nagawa nang malaya iyong nag-unahan sa pagpatak sa kanyang mga pisngi.

"A-ang sakit naman ng mga sinabi mo..." halos mapiyok siya sa pagsasalita dahil sa mga luhang ayaw nang papigil. Mabilis din niyang pinunasan ang mga iyon dahil ayaw niyang mas magmukhang kawawa sa harapan nito. "Sorry na, okay? Pasensya na talaga. S-siguro, kailangan ko ng umalis..."

Hindi na niya hinintay pa ang sagot ng lalaki at mabilis na siyang tumalikod. Wala na rin siyang balak na magpapigil pa sa lalaki kaya nanakbo na siya. Hindi siya tumigil; wala siyang balak na tumigil. Hindi rin naman niya alam kung pipigilan nga siya nito. Sa tingin niya ay hindi.

NAKASISILAW na ang mapupulang sikat ng araw dahil halos kapantay na niya ito ngayon. Ang kalahati nito'y tila nilalamon na ng dagat sa kabilang ibayo ng karagatan. Bahagya na ring madilim ang paligid. Ngunit, kahit kanina pa siya tumatakbo palayo ay tila walang katapusan ang napakahabang kalsada. Wala rin siyang makitang kabahayan. Pawang mga naglalakihang puno ng niyog at medyo masukal na mga damo ang nakikita niya sa kabilang dako ng kalsada. At sa kabila nama'y ang walang katapusang karagatan.

Nagsisimula na siyang makaramdam ng takot. Hindi maganda ang maabutan siya rito ng gabi. Kaya ganoon na lamang ang pagdarasal niyang sana'y may sasakyan na dumaan para makisabay siya kahit hanggang sa bayan man lang. Wala rin siyang ideya kung saang lupalop ito ng Pilipinas. Ngunit, dahil may dagat at liblib pa itong lugar, natitiyak niyang wala sila sa Metro Manila.

Nang matiyak na malayo na nga siya sa kinaroroonan ni Harris ay saka pa lamang siya lumingon. Napahinga siya ng maluwag nang hindi na ito makita. Huminto na rin siya sa pagtakbo para habulin ang paghinga.

"He really hates me... Ni hindi man lang nakonsensya't hinayaan lang talaga akong umalis ng ganito ang sitwasyon!" reklamo niya sa sarili. "Sabagay, ano pa ba ang aasahan ko? Tsk!"

Nararamdaman na rin niya ang pananakit ng mga talampakan dahil sa katatakbo ng walang suot na anuman sa paa. Hindi na rin niya gustong magsuot pa ng sandals dahil sa taas ng takong nitong limang pulgada'y tiyak na mas magsisisi siya. Kaya naman, nagpasya siyang sa damuhan na lang sa gilid ng kalsada maglakad upang kahit papaano'y hindi masakit sa paa.

"Awww!" Ngunit, mali pala siya. Sa ilang sandaling paglalakad ay bigla siyang nakatapak ng isang uri ng damong namumutiktik ng mga maliliit na tinik.

Halos mapatalon siya sa sobrang sakit. Pakiramdam din niya'y may ilang tinik na bumaun sa kanyang talampakan at hindi na niya magawa pang maglakad.

"Buwisit! Buwisit talaga!" palatak niya.

Doon na siya nanlumo at piniling sumalampak na lang ng upo sa naroong mga karabao grass. At napahagulgol ng iyak. Tila nakiramay din ng mga sandaling iyon ang masasakit niyang nakaraan kaya lalo pa niyang hindi napigil ang pag-iyak.

Ano ba ang nagawa niyang malaking kasalanan para malasin ng ganito? Una, hiniwalayan siya ng taong minahal niya ng higit pa sa kanyang buhay. Pangalawa, namatay ang kanyang mga magulang.

Magmula noon ay naging patapon na ang buhay niya. At ngayong sirang-sira na ang kanyang buong pagkatao'y may mga makasariling tao naman ang nagbigay sa kanya ng pag-asa. Ngunit, gayun pa man, ramdam pa rin niyang hindi siya tanggap ng mga taong iyon. Napipilitan lamang ang mga ito dahil may kailangan sila sa kanya. At pagkatapos, itatapon siyang muli kapag hindi na kailangan.

Napasabunot siya sa kanyang buhok. At itinago ang mukha sa pagitan ng mga tuhod. Wala siyang tigil sa paghikbi. Pinakawalan na niya ang lahat ng sama ng loob at sakit na nararamdaman. Nais na niyang ilabas ang mga iyon upang kahit papaano'y gumaan ang kanyang pakiramdam. Ngunit, sa bawat pagpatak ng kanyang mga luha ay lalo pang bumibigat ang kanyang dibdib.

Kung titingnan niya ang sarili sa ngayon ay lalo niyang nakikitang wala siyang kuwenta! Isa siyang mahinang babae na ginagawang kasangkapan ng malupit na mundo.

And at this very moment, she once again felt lost...

...to be continued

Next chapter