"WOW! Favorite ko halos lahat ng mga nakahain, ah!" bulalas kaagad ni Celina pagbungad pa lamang niya ng dining area.
Si Ashton nama'y tahimik lang na nakasunod sa kanya. Aalalayan pa sana siya nito sa pag-upo, ngunit, mabilis na siyang pumuwesto bago pa man ito makagawa ng hakbang.
Kaya naman, naupo na lang din ito sa sariling puwesto. Nasa magkabilang dulo sila ng halos isa't kalahating metro sa haba na lamesa—bagay na hindi na masyadong nakakailang para sa kanilang dalawa.
"Ma'am Celina, si Sir Ashton po ang nagluto at naghanda ng mga iyan!" nakangiting turan ni Monica. Nakatayo lamang ito sa tabi kasama sina Aling Martha at ang dalawa pang katulong.
"T-talaga?" Bahagya niyang sinulyapan ang asawa. At nakitang nangingiti ito. Ngiting tila nahihiya o ano.
"Sana magustuhan mo..." anito.
"O-oo naman..." Tipid niya itong nginitian. Hindi talaga siya kumportable sa kakaibang ugaling mayro'n ito ngayon. "By the way, halina po kayo... Kain na po tayo!" Baling niya sa mga kasambahay.
"A-ah... ang sakit ng tiyan ko! Mukhang may tumatawag sa'kin..." Biglang nasapo ni Monica ang kanyang tiyan at namimilipit sa pag-iinda ng sakit ng tiyan.
"Ano ka ba naman, Monica! Pumunta ka na nga sa banyo! Nasa harapan ka ng mga pagkain, e!" Pagalit dito ni Aling Martha.
"Opo. Opo! Pasensya na po!" At nagmamadali nang tumakbo paalis ang dalagitang si Monica.
"Ah, naalala ko pala, tatawag ang asawa ko ngayong umaga para ibalita ang resulta ng exam ng bunso naming anak!" pagdadahilan din ng isa pang katulong. At nagmamadali nang nagpaalam paalis. Gayun din ang isa pa. May tatawagan din daw ito kaya nagkukumahog na humabol sa isang kasama.
Si Aling Martha lang ang naiwang mag-isa sa kanila.
"Anong nangyari sa kanila?" nagtatakang tanong ni Celina sa matanda. Parang may kakaiba sa ikinikilos ng mga ito.
Dati-rati nama'y tuwang-tuwa ang mga ito sa tuwing yayayain niyang sumabay sa kanilang kumain.
"A-ah, mukhang nagkataon lang..." Pilit ang ngiti ng matanda na parang nahihiya.
"Gano'n po ba? S-sige. Kayo na lamang po ang sumabay sa'min sa pagkain."
"Naku, Hija... Kayo na lamang ang kumain. Nagkape na kasi ako kanina't sumubo na rin ng tinapay. Ang aga ko kasing nagising. Pasensya na, ha?" pagdadahilan ng matanda.
"I see..." tanging nasabi ni Celina. May kaunting disappointment sa mukha niya. Pero pilit na lang niyang itinago iyon sa marahang pagngiti.
"Sige... Kain na. Kain na. Maiwan ko na muna kayo, ha? Tawagin niyo na lang ako kapag tapos na kayo." Hindi na ito naghintay pa ng sagot at mabilis nang umalis.
SANDALING katahimikan ang namayani sa kanilang dalawa ni Ashton ng mapag-isa sila.
"Ah, Celina... Kumain ka na," basag ni Ashton sa katahimikan.
"S-sige. Ikaw din..." Lalong lumalakas ang kabog ng kanyang dibdib. Hindi niya alam kung kaya niyang magtagal sa ganitong set up. Pero dito nakasalalay ang buhay ng kanyang ina. At hindi na siya puwede pang umatras.
Sinimulan na niyang maglagay ng pagkain sa kanyang pinggan. At susubo na sana ng maliit na peraso ng tucino, pero muli niyang naibalik iyon nang bigla siyang matigilan sa ginawa ni Ashton.
Dala ang pinggan na lumipat ito sa upuang nasa kanan niya.
"Maaari bang tumabi?"
'Nakaupo ka na nga sa tabi ko, e.' Nasabi niya sa sarili. Bahagya na lang siyang tumango at ngumiti bilang pagsang-ayon.
Nakita niyang matamis itong napangiti. At sinimulan na ring kumain. Kaya naman, muli na rin niyang ipinagpatuloy ang pagsubo ng tucino.
Mayamaya lang ay bigla itong may inilabas na kumpol ng mga puting rosas at inilahad sa harapan niya. Halos mabulunan siya sa pagkabigla. Hindi niya iyon inasahan.
"A-ayos ka lamang ba?" nag-aalalang tinapik nito ang kanyang likod nang sunod-sunod siyang napaubo. "Heto ang tubig. Uminom ka muna."
Agad naman iyong ininom ni Celina. At nang maibsan ang ubo'y muli niyang ibinaling sa mga rosas ang kanyang paningin.
"Ginugulat mo naman ako!" aniya, sa pabirong tono.
"P-pasensya na... Ang sabi kasi ni Nanay Martha, mahilig ka raw sa mga puting rosas. Kung kaya, naisipan kitang bigyan," paliwanag nito.
"Salamat... Ang ganda!" Hindi niya napigilan ang mapangiti nang tanggapin niya ang mga rosas. May kung anong tila hiwaga sa mga bulaklak na ito't palaging pinagagaan ang kanyang pakiramdam.
Ngunit, mas ikinagulat niya ang sunod na ginawa ni Ashton.
Walang paalam siya nitong hinalikan sa kanang pisngi. "Salamat!" anito.
Bigla siyang pinanlakihan ng mga mata at sandaling hindi nakakibo. Hindi niya alam ang gagawin o sasabihin dahil sa labis na pagkagulat. Tanging nagtataka niyang natitigan ang asawa. Bakit ito nagpapasalamat sa kanya?
"S-salamat para s-saan?" natitigilang tanong niya.
Hindi pa man siya nakakabawi sa pagkabigla sa ginawa nitong paghalik sa kanyang pisngi, ay muli na naman siya nitong ginulat nang hagkan siya nito sa mga labi.
Ramdam niya ang malambot nitong mga labi na nagdudulot ng kakaibang kiliti sa kaloob-looban niya. Pakiramdam din niya'y sandaling huminto ang kanyang mundo. Hindi niya magawang mag-isip ng maayos dahil pansamantalang naging blangko ang lahat sa kanya. Tanging ang malakas na pintig ng kanyang puso ang malinaw niyang naririnig ng mga sandaling iyon.
Wala siyang magawa upang pigilan ito. Hindi niya magawa. O mas tamang sabihing... ayaw niyang gawin. Sa unang pagkakataon ay nagustuhan niya ang ginagawa nitong paghalik sa kanyang mga labi. Puno iyon nang pag-aalaga at paggalang. Ramdam niyang naging iisa ang tibok ng kanilang mga puso sa pagkakataong iyon. Kaya naman, kusa nang pumikit ang kanyang mga mata.
Gaganti na sana siya ng halik nang siya namang pagputol nito sa mga halik na iyon.
"Maraming salamat... sa pag-uunawa't pag-iintindi mo sa akin... Kahit na wala akong maalala." Hindi nito inaalis ang tingin sa kanyang mga mata.
"AYYY!!! Sobrang sweet nila! Nakakakilig talaga!" impit na tili ng dalagitang si Monica.
Naroon sila sa may 'di kalayuan at matamang nakasilip sa mag-asawa. Ang mga dahilan nila kanina para hindi sumabay sa almusal ay pawang palabas lamang para mapag-isa ang mga ito.
"Ssshhh!" saway ni Aling Martha. "'Wag ka ngang masyadong maingay! Baka mamaya niyan, e, marinig nila tayo!"
"Masunurin po pala si Sir Ashton. Ang dali niyang turuan... Ang bilis matuto!" ngingiti-ngiti pa rin turan ni Monica, ngunit, sa mababa ng tono. At sandali sinariwa sa alaala ang ginawang pagturo ng mga da-moves kay Ashton.
Nadatnan niyang hindi mapakali ang among si Ashton habang nagluluto sa kusina. Problemado ito't abala sa kakaisip ng gagawin paggising ng asawang si Celina.
"Magandang umaga po, Sir Ashton!" bati niya.
"Sa iyo rin!" Pilit ang ngiti nito.
"May problema po ba? Ah, a-ano po ang suliraning bumabagabag sa inyo?"
"Nag-iisip lamang ako kung ano ang aking gagawin paggising ng aking asawa. Hindi ko mabatid kung ano ang tamang ikikilos ko sa harapan niya. Nais ko siyang mapasaya at mapangiti..." anito.
"Ah... Gets ko na! Bakit kaya, hindi mo po siya ligawan ulit? O kaya naman, daanin sa hokage moves?"
"A-ano iyong h-hokage—ano?" Labis ang pagkakakunot ng noo nito.
"Ang hirap pong ipaliwanag, e! Ganito na lang... Halika po rito." Mabilis niyang inilabas ang cellphone at nag-browse ng isang site sa Google kung saan siya madalas manuod ng mga K-drama. "Ituturo ko na lamang po sa inyo ang mga dapat gawin."
"S-sandali... A-ano ang ang bagay na 'yan?!" Halos napatalon ito sa pagkagulat. At sandaling lumayo kay Monica.
Natakot din ito nang makakita ng mga imahe ng tao na gumagalaw sa loob ng bagay na iyon na tila may mga sariling buhay.
"Naku, Sir! Sorry po! Pasensya na... 'Wag po kayong matakot. Cellphone lang po ito. High-tech na po kasi tayo sa panahon ngayon. Napaka-importante po nito sa pangaraw-araw na buhay ng tao," paliwanag ni Monica.
"Siyanga ba?" Bahagya pa itong nag-alinlangan.
"Maniwala po kayo sa'kin, Sir." At sandali siyang naghanap ng palabas na maaaring ipapanuod sa amo.
"Heto! Perfect 'tong My Secret Romance!" Agad niyang binuksan ang palabas na iyon. At ipinakita kay Ashton ang ilang mga scene na alam niyang makakatulong.
"Kahanga-hanga naman iyan!"
"Sinabi niyo pa po! Anyway, bagay na bagay po sa inyo ang palabas na ito. Kuwento po ito tungkol sa dalawang taong minsang pinagsaluhan ang spark ng pag-ibig. Pero, nagkahiwalay ng tatlong taon dahil hindi naging maayos ang una nilang pagkakakilala. Noong una pa lang, may nararamdaman na sila para sa isa't isa. Pero, hindi lang nila mabatid na pag-ibig na pala iyon. Hanggang sa muli silang pinagtagpo ng tadhana sa pangalawang pagkakataon," mahabang paliwanag ni Monica.
Tumango-tango lang si Ashton para ipakitang naiintindihan niya ang paliwanag ng dalagita.
"Parang katulad niyo rin po ni Ma'am Celina. Nagmahalan po kayo noon, ngunit, hindi niyo na iyon maalala. Kaya ngayon, sa pangalawang pagkakataon, kailangan niyo pong bumawi sa inyong asawa. Para muling maibalik ang tamis ng pagmamahalan na mayroon kayo noon," patuloy niya.
Ipinalabas niya ang mga tagpo noong nasa swimming pool ang dalawang bida sa kuwento. Kung saan nagpapasalamat ang babae na nilakipan pa nito nang paghalik sa pisngi ng lalaki. Ngunit, humiling pa ang lalaki na kung totoo raw itong nagpapasalamat ay kailangan nitong ulitin ang halik na iyon—na sa pangalawang pagkakataon ay mga labi na nila ang nagtama.
"KAYA NAMAN pala naging agrisibo si Ashton dahil sa kagagawan mong babaita ka!" pagalit ni Aling Martha kay Monica.
"Sorry naman po... Gusto ko lang talaga kasing makatulong. Alam ko pong hindi maganda ang past nilang dalawa. Pero, ito na po ang pagkakataon natin para maitama iyon." May punto rin naman ang dalagita. "Halatang-halata naman po sa mga kilos ni Sir Ashton na mahal niya si Ma'am Celina. Siguro, hindi lang niya ipinapakita noon dahil hindi naging maganda ang simula nila."
Sa loob-loob ni Aling Martha, alam din niyang mas makabubuti nga kung maaayos na ng mag-asawa ang kanilang relasyon ngayong wala pa ang memorya ng kanyang alaga. Baka ito na rin ang kagustuhan ng nasa Itaas, at paraan upang magtino na si Ashton.
...to be continued