webnovel

Oneshot Anthology: My Story Teller

Author: cerenewrites
Realistic
Ongoing · 36.2K Views
  • 7 Chs
    Content
  • ratings
  • N/A
    SUPPORT
Synopsis

Chapter 1Saint Angeles Orphanage

Genre: Inspirational

Subgenre: Story of Juveniles

Saint Angeles Orphanage

By: Cerene Writes

MASAYANG tumitingin ng mga regalo ang mga bata na nakapaloob sa malalaking kahon. Ang mga regalong naroroon ay hindi na bago ngunit magaganda pa, ngunit sa sobrang kagalakan ay hindi na iyon pinapansin ng mga bata. Mahigit trentang bata ang naninirahan sa Saint Angeles Orphanage, at sampung mga madreng siyang umaagapay at nag-aalaga, tumatayong ina sa lahat nang mga ito.

Karaniwang naninirahan at kinukupkop ng Saint Angeles Orphanage ay mga batang iniiwan na ng magulang, o wala nang mga tirahan. Ang iba ay mga may katungkulan na ang nagdala dito para ipaaruga, iyong iba naman ay mismong magulang na ang nag-iiwan at pinapangakuan na babalikan ang bata, ngunit iilan lang dito ang nagkatotoo. Iyong iba nga ay dito na lumaki, nagbinata at nagdalaga.

May iba't ibang rason umano ang mga magulang na nag-iiwan ng mga anak dito; kagaya ng kakulangan sa pera, oras, at walang mag-aalaga.

Malugod naman itong tinatanggap ng Saints Angeles Orphanage kahit pa may kakulangan sa abilidad, sakit, sa isip, ay minamahal pa rin ang mga itong pantay-pantay.

"Oh oh! 'Wag mag-aagawan ah! Magbigayan!" sabi ni Sister Grasya, ngiting-ngiting binabantayan ang mga bata.

"Mr. Alvarez, Mrs. Alvarez, hindi ninyo alam kung gaano kami nagpapasalamat sa bawat taon na nilalaan ninyo sa amin sa tuwing sasapit ang kapaskuhan, taon taon napapaligaya ninyo ang mga bata at kami na rin, makita lang namin silang masaya ay kuntento na kami at nawawala ang pagod namin sa pag-aalaga sa kanila," ani Mother Jen na siyang punong-bantay sa bahay ampunan.

Nakangiting inabot ni Mrs. Alvarez ang kamay ni Mother Jen, habang ang asawa ay nakangiting nakatingin lang sa kanila.

"Wala hong anuman. Sa rami ho ng grasya na mayroon kami, ang pagtulong ang alam naming pinakamabisang pagbabalik-tugon ng mga ito sa Diyos," ani Mrs. Alvarez saka binalingan ang asawa't anak na katabi lamang.

"Tama po iyon, isa pa masaya rin po kami na nakikitang masaya ang mga bata sa simpleng mga regalo namin," dagdag pa ni Mr. Alvarez.

"Naku, hulog talaga kayo ng langit. Nakakatuwa rin na mukhang susunod sa yapak ninyo ang panganay ninyong si Gelo."

Binalingan nila ang labing isang taong si Gelo na nakangiti lang habang nanonood sa mga bata. Nawala lang ang ngiti nito nang may mapansin na batang babaeng nakaupo sa 'di kalayuan sa mga batang nagkakagulo sa mga regalo.

"Sapagkat kung may nais man kaming matutunan ng anak namin, iyon ay ang magbigay sa kapwa, pasko man o hindi," ani Mrs. Alvarez.

Nagtatakang tumingala si Gelo kay Mother Jen. "Mother Jen, sino po iyon?" Tinuro ni Gelo ang batang babaeng napansin.

Nakaupo ang batang babae sa silya malapit sa malaking Christmas tree, nakabenda ang dalawang binti, kung titingnan ay walong taong gulang pa lamang ito.

"Siya si Ayi, alaga rin namin siya rito," tugon ni Mother Jen.

"Mother, ano hong nangyari sa dalawang binti niyang nakabenda?" naaawang tanong ni Mrs. Alvarez.

Mahinang sumagot si Mother Jen, tila iniiwasan na marinig ni Gelo ang sasabihin, ngunit narinig pa rin ito ng bata ngunit hindi nagsalita dahil sa asal na itinuro ng kaniyang magulang.

"Na-hit and run kasi si Ayi, kaso ang nakabangga tinakbuhan siya, mga bata lang ang nakakita kaya naman hindi nakuha ang plaka ng sasakyan. Nagpapasalamat na nga lang ang magulang niya at maging kami na rin na iyan lamang ang kaniyang tinamo at buhay pa siya."

"Ang ibig ninyo hong sabihin; may magulang pa siya?" tanong ni Mr. Alvarez.

Tumango si Mother. "Walang pangpagamot ang magulang ni Ayi, kaya naman humingi sila ng tulong sa amin para mailapit ito sa may mga katungkulan, nagamot naman siya pero hindi kinaya ng donasyon ang operasyon para muli siyang makalakad. Iuuwi na sana siya kaso nakatira lang sila sa may tambakan ng basura kaya naman sinuhestyon ng doctor na huwag muna sa tirahan nila dahil baka raw maempeksyon ang sugat, kaya binuksan namin ang aming tahanan para panatiliin na muna siya dito. Halos dalawang linggo na siyang naninirahan dito.

Nagtuloy-tuloy ang kwentuhan ng magulang at ni Mother Jen, habang si Gelo ay nakatingin lang sa batang si Ayi na nakatingin sa mga batang nagkakagulo sa mga bagong laruan, ngunit mas madalas ang umiiwas ng tingin, marahil upang hindi mainggit.

****

"Para sa 'yo," ani Gelo nang lapitan si Ayi at ibinigay ang chocolate bar.

Nakangiting tumugon si Sister Grasya na kanina pa inaaliw si Ayi. Tsaka nagpaalam na ikukuha niya muna ng pagkain si Ayi at iniwan sila. Nakangiti naman na kinuha ni Ayi ang chocolate bar at taimtim na nagpasalamat.

"Anong pangalan mo?" tanong ni Gelo.

Kumurap-kurap muna si Ayi bago magsalita. "Bago ka lang dito? Ngayon lang po kasi kita nakita e. Sabi ni Tatay 'wag daw akong makikipag-usap sa hindi ko kilala," tugon nito.

Natawa si Gelo. "Tinanggap mo nga ang chocolate bar ko e."

Napatingin si Ayi sa hawak na tsokolate at napakamot sa ulo.

"Okay lang, malay mo ako pala ang angel mo."

"Hindi naman ganiyan ang hitsura ng angel e," inosente at kunot-noong tugon ni Ayi.

"Bakit? Ano ba hitsura ng angel?"

Mukha namang nag-isip ang bata saka nakangiting binalingan siya at sumagot. "Baby na may pakpak, walang damit, puti ang buhok."

Naaaliw na naupo si Gelo sa tabi ni Ayi. Nakaupo ito sa mahabang silya malapit sa Christmas tree.

"Paano mo nalaman? Nakakita ka na?"

"Opo, sa TV ng kapit-bahay namin, may bilog pa nga iyon sa ulo e."

Papalapit na sana si Sister Grasya sa dalawa ngunit nang makitang nagke-kwentuhan silang dalawa ay tumigil ito at nanood lang. Malayo ang loob ni Ayi sa tao o maging sa mga batang katulad niya. Dahil kasi nangangalakal at nakatira sa tambakan ng basura ay palagi itong nakatatanggap ng pangbu-bully o pang-aasar galing sa mga kaklase nito sa pangpublikong-paaralan. Kaya naman natutuwa si Sister Grasya na nakikipagkuwentuhan si Ayi, at nananabik na ikwento ito kay Mother Jen na sigurado ring matutuwa.

"Hindi naman talaga totoo 'yong nasa TV."

"Hindi rin totoo ang anghel?"

"Totoo, pero hindi sila nagpapakita sa atin."

Tumango-tango si Ayi at tumingin sa Christmas tree sa tapat nila. "Birthday ni Papa Jesus kapag pasko 'di ba po? Bakit tayo ang nagreregaluhan? 'di ba dapat siya ang nireregaluhan natin?"

"Hindi naman kasi humihingi ng kahit anong regalo si Papa Jesus, gusto niya lang alalahanin natin siya sa kaarawan niya."

"Ha?"

"Pag-alala sa kaniya at sa aral niya sa ating mga anak niya, pagbibigayan at pagmamahal sa kapwa. Para sa kaniya sapat na ang magmahalan tayong lahat kagaya ng pagmamahal niya sa atin, at ang kapalit ng araw-araw na pagbibigay niya sa atin ng blessing ay ang pagbibigay natin sa ating kapwa." Maraming natutunang tamang-aral si Gelo galing sa mga magulang, church, school, at sa bahay-ampunan, at malugod sa puso niyang ibahagi ito kay Ayi. Ngunit nagtaka siya nang isang maliit lamang na ngiti ang isinagot ni Ayi, at ang ngiting iyon ay mas nagsimbolo ng kalungkutan.

Halos titigan ni Ayi ang buong binti niyang nakabenda. "Sigurado ka lahat tayo mahal niya?"

"Oo…"

"E bakit may mga taong kagaya ko? Mahal ako ni Nanay at Tatay kaya mas pinili nilang iwan ako dito kasi mas makabubuti raw sa akin, at ayaw nilang mapasama ang kalagayan ko." Muli siyang binalingan ni Ayi na halos nagtutubig ang mga mata, "Bakit si Papa Jesus natitiis na nakikita kaming ganito? Hindi lang naman ako ang nahihirapan, nakakilala ako ng mga kagaya ko rito sa bahay ampunan, pero bakit hinayaan niya kaming ganito? Bakit may mga taong kagaya namin?"

Hindi mapigilan ni Gelo ang malungkot sa sinabi ni Ayi. Marami na siyang nakausap na may ganitong kalagayan, ngunit sadyang likas na bukas na ang isipan ni Ayi para kuhesyonin na ang hindi magandang karanasanan sa mundo.

"Hindi naman sa hindi niya kayo mahal, kaya nga gumawa ng paraan si Papa Jesus para makilala mo sina Mother Jen, gayon din ang mga taong tumulong sa 'yo para sa operasyon mo. Minsan lang talaga hindi pwedeng maging perpekto ang mundo."

"Bakit? Bakit hindi?"

"Kasi kung walang taong mahirap o nahihirapan, walang taong matututong tumulong sa kapwa, kung walang kagaya mo wala rin matututong maawa, kung walang masama hindi rin tayo matututong maging mabait, kung walang gagawa ng mali hindi natin malalaman ang tama. Ang sabi ni Mommy; 'wag daw tingnan ng mababa ang mga kagaya ninyo, dahil kung kaming mga ipinanganak nang kompleto ay ang tulungan kayo ang nagagawa namin sa mundo, kayo ay tinuturuan kaming maging mabuting tao, at ang pagiging mabuting tao ang higit na mas mayamang kayamanan kaysa sa kung ano ang mayroon kami nang ipanganak kami."

Gumuhit ang matamis na ngiti sa labi ni Ayi na siyang nakapagpangiti rin kay Gelo.

"Sige na nga, maniniwala na 'kong anghel ka."

Tumawa muna si Gelo bago sumagot. "O 'di ba, sabi ko sa 'yo angel ako eh."

"Nasaan ang gift ko?"

"Angel ako, hindi Santa Claus!" nagtawanan na lang silang dalawa.

Mayamaya ay lumapit si Mother Jen sa dalawamg bata, nagtaka pa kung bakit nakatingin lang mula sa malayo si Sister Grasya, saka sinabing hinahanap na si Gelo ng kaniyang magulang sapagkat uuwi na ang mga ito.

Bago sumama kay Mother Jen ay nagpaalam muna si Gelo kay Ayi.

"Sa Christmas sabay natin batiin si Papa Jesus ng; happy birthday ah."

Masayang tumango si Ayi. "Oo naman! Mag-thank you na rin tayo."

Isang kaway na lang ang tumapos sa kanilang unang pagkikita.

****

"Tumawag si Mr. Castro, ayos na raw ang papeles natin papuntang States, pati na rin ang papeles sa eskwelahan ni Gelo ayos na, sa States niya na ipagpapatuloy ang pag-aaral niya," balita ni Mr. Alvarez sa mag-ina sa harap ng dining table, kinabukasan.

"Anak, okay ba sa 'yo 'yon?"

Malungkot na tiningnan ni Gelo ang ina. "Paano po 'yong mga tinutulungan natin tuwing pasko?"

Ang tinutukoy ni Gelo ay ang "Routine Every Year" ng pamilya nila na pipili sa mga alam nilang Orphanage ng isang ii-sponsor-an nila para makatulong. Kagaya nitong isang taon, na isang batang bulag ang napagpasyahan nilang tulungan kaya naman naoperahan ito at ngayon ay nakakakita na. Taon taon ay sinasagawa nila ito na siyang kinalakihan na rin ni Gelo.

"Syempre hindi naman natin 'yon ihihinto, mamimili lang tayo at si Tito Edgar mo na ang bahala sa kaniya," sagot ng ina.

"Bakit anak, ayaw mo ba?" nag-aalalang tanong ng ama.

Sa katunayan ay nag-aalala ang mag-asawa para kay Gelo dahil alam nilang mahihirapan ito sa kanilang paglipat ng bansa: sa araw-araw na routine, sa eskwela, at sa mga kaibigan, ngunit kailangan talaga nilang umalis dahil may sakit na ang Lolo ni Gelo, kaya naman hindi na maalagaan ang kompaniya na itinaguyod nito. Kaya naman, napagpasyahan ng mag-asawa na sila na lang ang tumungo doon para na rin may mag-alaga sa matanda. Nag-iisang anak lamang si Mr. Alvarez kaya naman siya lang ang maaasahan nito.

Ngayon ay plano nilang ayusin muna lahat ng papeles ng kompanya ng ama para mailipat iyon sa Pilipinas kung nasaan ang orihinal na pangkabuhayan ng mag-asawa. Isasama rin nila sa paglipat ang ama.

"May hihilingin na lang po sana ako, Daddy."

Nagkatinginan ang mag-asawa bago sumagot. "Ano 'yon?"

"Pwede po bang ang tulungan natin ngayong taon, si Ayi?"

"Ayi? 'yon ba 'yong batang alaga ngayon nina Mother Jen?" tanong ng ina.

Nakangiting tumango si Gelo. "Opo, Mommy! Kaibigan ko po siya, kahit kahapon lang kami nagkausap kaibigan ko na po siya. Gusto ko po siyang tulungan para makalakad na po uli siya, para makauwi na siya sa kanila. Please Mommy."

Nakangiting nagkatinginan uli ang mag-asawa. Ngayon lang nakialam si Gelo sa desisyon nilang mag-asawa, at labis iyong ikinatutuwa ng magulang ni Gelo, sapagkat nakikita nila na hindi lang masunurin ang anak, nakuha rin nito ang mabuting aral ng kaniyang mga magulang na maging matulungin, mapagbigay, at maawin sa kapwa.

Kunsabagay, hindi ito ang unang beses na nakita nilang tumulong ang anak. Madalas nakikita nila itong kusang nagbibigay ng pagkain sa labas ng restaurant na kinakainan nila, minsan sa labas ng sasakyan kapag nata-traffic sila.

Sa ngayon ang hinihiling na lang nilang mag-asawa ay dalhin ng anak ang ganitong kaugalian hanggang sa paglaki nito, na hindi lang pasko dapat magbigayan at maging mabait sa kapwa, dahil kung tutuusin ay dapat araw-araw pasko.

****

Dear Ayi:

Hello, kumusta. Ang sabi ni Mother Jen kinakabahan ka raw sa operasyon mo. 'Wag kang mag-alala, hindi ka naman pababayaan ni Papa Jesus, walang day off si Papa Jesus kahit birthday niya.

Ito na ang gift ko sa 'yo bilang angel mo, sana alagaan mo ang sarili mo at mag-iingat ka ha. Sabay nating tuparin ang pangarap natin paglaki natin. Sana magkasama na kayo ng nanay at tatay mo.

Nandito na ko ngayon sa States, pero sana kapag nabasa mo to magbigay ito ng lakas ng loob sayo para sa operasyon mo, sana makaramdam ka ng swerte at blessing.

Merry Christmas, Ayi, sabay natin batiin si Papa Jesus ngayong pasko at sa susunod pang pasko. Sana kapag nagkita uli tayo, maayos na ang kalagayahan mo. Merry Christmas.

From: Gelo.

Nakangiting tiniklop ni Ayi ang sulat ni Gelo at muling isinilid sa sobre. Sampung taon na ang nakalipas matapos matanggap ni Ayi ang sulat galing sa panganay na anak ng Alvarez, bago siya operahan. Noong una talaga ay hindi niya alam na ang batang nakausap niyang nagpakilala bilang 'Anghel' ay ang panganay na anak ng Alvarez na donator ng Saints Angeles Orphanage.

Magmula nang araw na iyon ay naging malaking tulong ang mga iniwang aral ng huli sa kaniya, lalo na nang dumating ang araw na ibinalita sa kaniya na siya ang napagpasyahan ng Alvarez na i-sponsor-an para sa operasyon.

Bago ang operasyon ay nakatanggap siya ng liham na si Mother Jen ang nag-abot, ang sabi ay ipinapabigay ng panganay na anak ng Alvarez. Saka lang niya naintindihan kung bakit siya ang napili; iyon ay dahil nakilala na siya ng anak nito.

Sampung taon na pero hanggang ngayon ay tinatago pa rin ni Ayi ang sulat ni Gelo, pakiramdam niya ay binibigyan siya nito ng lakas nang loob, swerte, at blessing kapag binabasa niya ito. Pinapaalala rin nito ang kaniyang kahapon kung saan siya mas natuto at mas naging matapang. Kung kailan niya nakilala ang mga taong kumupkop sa kaniya, tumanggap at tumulong.

"Happy birthday, Papa Jesus," nakangiti niyang bulong habang nakatingin sa image ng Diyos na nakapako sa kruz.

Linggo-linggo at lalo na sa tuwing pasko ay hindi kinakalimutan ni Ayi ang magsimba, bumisita sa simbahan para lang magpasalamat sa lahat ng biyaya Niya.

"Happy birthday Papa Jesus."

Kunot-noong napalingon si Ayi sa likod niya nang may narinig siyang bumulong kagaya ng bati niya.

(Wakas)

#TatakPL

You May Also Like

HWANGJE-UI IYAGI

Ayon sa Babaylan (Lady Kun Yang) magsisilang ang imperatris ng dalawang sanggol na lalaki isa'y mahina at ang isa'y malakas. Ang kambal ay parang Yin at Yang magkawangis ngunit magkaiba. Ngumiti ang imperador nang marinig na kambal ang isisilang ngunit sumagot ang babaylan di di pa dyan nagtatapos ang yong kalbaryo. Tanong nang imperador ano ang yong tinutukoy babaylan? Taon matapos po kayong mamatay ay mamamatay rin ang isa nyong anak. Mayroong solusyon ba para di matupad ang nakatadna? Wala, walang itinugon. Makalipas ang ilang minuto... Paalam na po kamahalan! (Bow sabay alis) Di lingid sa kaalaman ng hari ay mayroon pang nakaaalam ng kalagayan nya at iyon ay si Yunuko Gen Dal Chi. Nang makasilang na ang reyna pinanumpa ng imperador ang mga naroon na,huwag sabihin na nakaanak na ang reyna at kung ilan ang isinilang at kung sinumang lumabag dito ay mamatay maging buong angkan; gayon nga ang naganap. Nang makaalis na... Pumasok si Yunuko Gen Dal Chi, at sinabi ang kanyang nalalaman. Sinabi nya sa imperador na handa nyang ibuwis buhay nya para lang sa prinsipeng kanyang aalagaan dahil nga naring nya ang sinabi ng babaylan. Kamahalan baka maaaring maiwasan ito kung paghihiwalayin natin ang kambal. Sumangayon naman ang imperatris at imperador bagamat maykurot sa kanilang dibdib kaysa mamatay ang isa. Ang pangalang ibinigay sa kanya ng imperador ay Hwangje ngunit pinalitan ito ng yunuko ng Saeng Chul. Dinala nya ito sa kanila at inalagaan ng magasawa nang buong buhay hanggang sa magbinata. Hanggang isang araw...

1YEOJA1BABAE2GIRL3 · Realistic
Not enough ratings
30 Chs