webnovel

Si Map (Part III)

NAKATITIG SI DIAN sa mala-anghel na mukha ng katabi na noo'y may kausap sa cellphone. Hindi binalik ng binata ang tingin ni Dian, bagkus ay abala ito sa pagsipat sa dinaraanan nila. Hindi pa rin nagpapaliwanag si Map kung ano ang nangyayari at kung saan siya dadalhin nito.

"Yes, kasama ko na siya," ang sabi ni Map. "Yep. Huwag ka nang mag-alala. Ako'ng bahala. Wala kang tiwala sa 'kin, eh."

Kidnapping ba 'to? Hindi na nakapagpigil si Dian. Sinubukan niyang hablutin ang cellphone ngunit mas listo ang lalaki. Mabilis na naharang nito ang kanang kamay ni Dian. Ang kaliwang kamay naman niya ang ginamit niya, ngunit naharang din ito ni Map.

"Wait lang," ang sabi ni Map sa kausap sa cellphone, sabay tingin kay Dian. "Yes?"

"Anong yes?" tugon ni Dian. Naghahalo ang kaba at asar niya. "Hindi mo ba ipapaliwanag sa 'kin kung ano'ng nangyayari?"

Ibinaba ni Map ang cellphone. Nagbuntong-hininga.

"I saved you," sabi ni Map. "And your father. May utang ka ngayon sa ���kin."

"Saved? Saved saan?" tanong ni Dian. Hindi pa rin siya makapaniwala. Nananaginip ba siya?

"Sa mga gustong pumatay sa 'yo at sa tatay mo," seryosong sagot ni Map.

"Ano naman ang makukuha nila sa 'min, hindi naman kami mayaman..."

"Your blood is precious," paliwanag ni Map. "Kailangan nila ng dugo mo."

"Bakit mga aswang ba sila?" Ibig sakyan ni Dian ang kawalan ng logic ng kausap niya.

"'Yung iba... Siguro," tugon ni Map. "Pero hindi naman nila iinumin 'yung dugo mo. Gusto ka lang nilang mawala sa face of the Earth."

Napakunot ng noo si Dian. Tumango naman si Map. Nagpatuloy ito sa pagpapaliwanag.

"Nung sinuot mo 'yung kuwintas mo, nalaman nila kung nasaan ka at kung saan ka papunta."

"Pero 'di ba ikaw ang tumatawag sa 'kin?"

"Yep," sagot ni Map, "inunahan ko lang sila. Mahirap na baka kung ano pa'ng mangyari sa 'yo. Lagot ako."

"Bakit nila ako gustong patayin?"

"Hindi lang ikaw. Tayong lahat na papasok sa Linangan. Tinatarget nila tayong lahat. Hangga't nasa labas tayo, hindi tayo ligtas."

Tumingin si Map sa likuran ng sinasakyan. Puro usok iyon.

"Tingin ko, malapit na sila... Ano po, Mang Basilio?"

"Mukha nga po ser," ang sagot ng drayber. Binilisan nito ang pagmamaneho. Napakapit si Dian nang mahigpit. Parang babaligtad ang sikmura niya.

"Sorry ha," sabi ni Map, sabay ngiti. "Kailangan lang talaga.... Wala na po bang ibibilis 'yan, Mang Basilio?"

"Sagad na po, ser," ang sabi ng matanda, "tsaka baka magalit po 'yung manager ninyo 'pag naaksidente tayo. Bawal kayong masugatan."

"Teka lang," ang bulong ni Dian. Parang 'di niya kakayanin ang bilis ng takbo ng kotse. "Si Map ka ba talaga? Pa'no mo 'ko nakilala? Baka naman kidnapper ka! TULONG!"

Nagsisigaw si Dian. Kinuha niya ang cellphone at nag-dial ng emergency number. Walang signal. Hindi na siya nakapag-isip pa kung makakawala siya sa sitwasyong ito. Panic mode na ang utak niya.

Napangiwi si Map dahil 'di niya alam kung paano pakakalmahin ang dalaga. Wala bang bubble gum o candy sa kotse? Magpeperform ba siya sa harap ni Dian para mahimasmasan ang naghuhumiyaw na babae? O baka naman dapat pinatulog niya ito para 'di na siya namomroblema ngayon?

Sumadsad sa kalsada ang gomang gulong dahil sa biglang paghinto ng kotse. Sabay na napasigaw sina Dian at Map.

Katahimikan.

"Ano'ng nangyayari?" tanong ni Dian. Malakas ang kabog ng kanyang dibdib.

"Sorry, ser," sabi ni Mang Basilio. "May mga naghihintay po sa harap."

Sinipat ni Map ang salamin. Pinalilibutan sila ng higit sa sampung kalalakihan na nakaitim.

"Tara, Mang Basilio, kaya natin 'yan," utos ni Map habang nakangisi. Bago siya lumabas ay pinagbilinan niya si Dian. "Saglit lang 'to, okay? Ako'ng bahala sa 'yo. Basta 'wag na 'wag kang lalabas. Safe ka sa loob, okay?"

Magsasalita pa lang si Dian nang biglang nilapitan siya ni Map at nilagyan ng earphones. Natigilan si Dian dahil sa sobrang lapit ng mukha ng kanyang idolo sa kanya. Kumikinang ang mga mata ni Map habang nakangiti. Isinaksak ni Map ang earphones sa cellphone at pinatugtog ang kanta niya.

"Promise," ang sabi nito habang nagsisimula ang intro ng kanyang kanta, "babalik ako pagkatapos nung song."

Lumabas si Map at isinara ang pinto. Awtomatikong nag-lock ang lahat ng mga pinto ng kotse. Hindi na narinig ni Dian ang mga hiyaw ng mga lalaking nagsisipagbuno sa labas dahil sa nakakaindak na kanta ni Map. Saulo niya ang kanta ngunit 'di niya masabayan dahil nahahaluan ang damdamin niya ng takot. Paano na si Map kung masaktan siya sa gulo sa labas?

Lumapit si Dian sa bintana at sinilip kung ano ang nangyayari: may sampung Mang Basilio na nakikipagsuntukan sa mga nakaitim na lalaki. Sampu! Pare-pareho ng suot na damit. Pare-pareho ng hitsura. Iisang tao lang ba sila? Pero bakit iba-iba sila ng galaw?

Saka niya nakita si Map.

Sa kauna-unahang pagkakaton, nakita niya ang idolo na nakikipagsuntukan. Pero hindi suntukan ang nangyayari. Maliksi ang mga kilos ni Map. Tila nagsasayaw. Umiikot ang mga braso. At may hawak siyang mga punyal! At hindi lang siya dumidepensa sa sarili. Nilalaslas niya ang mga kalaban niya. Mabilis. Kalkulado. Sigurado.

Biglang may isang katawan na bumagsak sa harapan ng bintana kung saan nakasilip si Dian. Napasigaw siya habang binabagtas ng tinig ni Map ang pinakamataas na tono ng kantang pinakikinggan niya. Sumilip si Map sa bintana at nginitian siya. Ngunit may isang lalaking tumatakbo sa kanyang likuran. Nakataas ang kamay na may hawak na sundang! Nakahandang pumatay! Humiyaw si Dian at itinuro kay Map ang lalaki. Umikot si Map, parang nagsayaw, saka nilaslas ang tiyan ng lalaki gamit ang dalawang punyal. Bumulagta sa daan ang huling kalaban. At natapos ang kantang pinakikinggan ni Dian.

Dali-daling pumasok si Mang Basilio na ngayo'y nag-iisa na lang. Saan napunta 'yung siyam na Mang Basilio?

Bumukas ang pinto sa tabi ni Dian at pumasok na rin si Map.

"Tara na po, Mang Basilio," ang sabi nito sa drayber. "May kukuha na sa kanila."

Umandar palayo ang kotse. Muling sinilip ni Dian ang mga nakahandusay na katawan sa kalsada. Isa-isang nilamon ng puting usok ang mga ito. Dahan-dahan naman siyang napatingin kay Map na noo'y nililinis ang dalawang punyal na ginamit sa pakikipaglaban. Napalitan ng takot ang paghangang nararamdaman niya. Paano kung saksakin din siya ng idol niya?

"Hindi kita sasaktan," ang sabi ni Map. Nahalata nitong kinakabahan ang dalaga dahil sa nakita. "Pinagtanggol nga kita, eh."

"Saan mo ba ako dadalhin?"

"Tulad ng sinabi ko sa 'yo," ang malumanay na sagot ng gwapong binata, "sa Linangan. Doon lang tayo pwedeng pumunta. Doon lang tayo safe. Lalo ngayong natunton ka na nila. Mabuti na lang at humiwalay ka na sa father mo. Kung hindi, pati siya madadamay."

"Bakit ako hina-hunting ng mga naka-black na 'yon?"

"Tayo. Hindi lang ikaw."

"Bakit nila tayo gustong saktan?"

"Dahil lahat tayo, tagapagmana ng mga Maginoo. Lahat ng seventeen ngayong taon, lalabas sa pamilya at pupunta sa Linangan. So ngayon lang ang chance nila para matalo nila ang mga Maginoo."

"Ano ba 'yung Maginoo?" ang sabi ni Dian. Litong-lito na siya. "Ordinaryong tao lang naman ako. Mahirap lang ako. Bakit nila ako tinatarget?"

Ngumiti si Map sa kanya.

"Hindi ka ordinaryo, Dian. Walang ordinaryo sa 'yo."

~oOo~

Next chapter