Natigilan si Qiao Anhao at nagpatuloy, "Siguro nakita ni Brother Jiamu galing
sa terrace niya na kinukuyog ako kaya nagmamadali siyang bumaba para
tulungan ako."
Ah ganun pala ang nangyari… Inisip kasi ni Lu Jinnian na baka pinapunta ni
Qiao Anhao si Xu Jiamu dahil hindi pa ito nakakapag moved on sa kapatid
niya…
Pero mukhang pinangunahan lang siya ng insecurities niya at nagoverthink.
"Ah ganun ba, salamat naman at dumating si Jiamu."
Sa dami ng mga nangyari, hindi na napansin ni Qiao Anhao na may bakas ng
pagdududa sa tanong ni Lu Jinnian kaya yumakap nalang siya sa braso nito at
tumungo.
-
Pagkabalik ni Xu Jiamu sa bakuran niya, imbes na pumasok sa looob ng bahay
ay dumiretso siya sa kanyang sasakyan at kumaripas ng alis.
Dahil naabutan niya ang rush hour, medyo marami pa ring sasakyan sa
kalsada kaya imbes na suungin ang mabigat na traffic, nagmaniobra nalang
siya pabalik sa mansyon ng Xu family.
Pagkaliko niya sa kanto, kitang-kita niya na may kausap na lalaki ang
mayordoma. Hindi niya alam kung ano ang pinaguusapan ng dalawa pero
napansin niya na nagabutan ito ng envelope na wala siyang ideya kung anong
laman.
Pero base sa nakikita niya, sobrang saya ng lalaki habang nagpapaalam sa
mayordoma at sakto, naglakad ito papunta sa direksyon kung nasaan siya.
Mukhang hindi basta-basta ang taong ito dahil nakita niya pang sinundan ito ng
tingin ng mayordoma habang naglalakad papalayo.
Hindi niya rin alam kung bakit, pero nakakutob siya na may mali kaya sinadya
niyang bagalan ang pagmamaneho para silipin ang mukha ng lalaking may
hawak na envelope. Sobrang pamilyar ng itsura nito, na para bang nakita niya
na ito noon pero kung saan, yun ang hindi niya maalala.
Huminto ito sa isang puno na hindi kalayuan mula sa pwesto niya at habang
nakatalikod sa kalsada, nakita niyang binuksan nito ang envelope.
Ngayon na mas malapit na sakanya ang kaduda-dudang lalaki, sinulit niya ang
pagkakataon na titigan ito ng mabuti at hindi niya inaasahan na maglalabas ito
ng makapal na pera.
Ano? Ano bang ginawa ng taong ito para bigyan ito ni Auntie Yun ng maraming
pera?
Lalo pang lumakas ang kutob niya na may maling nangyayari kaya para
masagot ang katunangan sa isip niya, pinark niya ang kanyang sasakyan sa
tapat ng puno at pinagmasdan ang lalaki na masayang nagbibilang ng pera.
Habang patagal ng patagal niya itong tinitignan, lalo siyang nababagabag dahil
alam niyang nakita niya na ito noon kaya pinilit niyang alalahanin kung paano
siya naging konektado sa dito hanggang sa biglang pumasok sa isip niya ang
itusra ng delivery man na nakita niya sa tapat ng bahay ni Lu Jinnian kanina…
Biglang kumunot ang noo ni Xu Jiamu na para bang nakumbinsi siya na tama
ang kanyang kutob…Tama! Ito nga ang lalaking nakita niyang nakauniform ng
pangdelivery man!
Ngayong nakumpirma niya na may koneksyon ang lalaki sa naging gulo kanina,
walang pagdadalawang isip siyang bumaba at galit na galit itong sinugod.
"Bakit ka binigyan ni Auntie Yun ng pera?"
Hindi inaasahan ng lalaki na may susunod sakanya kaya napatalon siya sa
gulat nang may biglang magsalita. Hindi niya na kailangang lumingon pa dahil
sa boses palang nito, alam niyang si Xu Jiamu ang nasa likod niya.
Sa pagkakataong ito, halo-halo na ang pinanghuhugutan ni Xu Jiamu ng galit
kaya noong hindi kaagad sumagot ang lalaki, bigla niyang hinablot ang hawak
nitong envelope at naglabas ng lighter. "Ah hindi ka magsasalita? Kung ayaw
mo talaga, pwes susunugin ko nalang ang mga perang to sa harapan mo!"
"Teka lang Young Master Xu, may inayos lang ako sa bahay ninyo…"
Tsk…walang balak na makipaglokohan si Xu Jiamu. Alam niyang tama ang
konklusyon niya at ang tanging kailangan niya nalang ay kumpirmasyon kaya
walang pagdadalawang isip niyang kinalabit ang lighter na hawak niya para
lalong takutin ang lalaki, "Magsasalita na ako, magsasalita na ako! Parang awa
mo na Young Master Xu, si Madam Xu ang nagbigay sa akin ng pera."
Ngayong nahuli na niya ang lalaki, gusto niyang marinig kung anong totoong
nangyari kaya pinatay niya ang lighter at tinitigan ito ng diretso sa mga mata,
na para bang naghihintay siya na magpatuloy ito.