Sa sobrang lutang ni Qiao Anhao, halos kalahating minuto pa ang lumipas bago
niya maintindihan kung anong ibig sabihin ng driver. Dali-dali niyang kinuha ang
kanyang wallet at nagbayad ng pamasahe.
Sa tapat lang ng Four Seasons Hotel siya ibinaba ng driver kaya kailangan niya
pang umakyat ng overpass para makarating doon. Pagkaalis ng taxi, naiwanan
siyang nakatayo habang nakatulala sa makukulay na ilaw ng hotel na nasa
kabilang gilid ng napaka lawak na kalsada.
Hindi niya alam kung bakit pero halos hindi na siya makahinga sa sobrang
kaba. Gustong gusto niyang tumuloy pero natatakot siya.
Limang minuto siyang nakatayo sa walang katao-taong kalsada bago siya
dahan-dahan na maglakad papunta sa overpass.
Pagkababa niya, muli nanaman siyang natigilan nang makita niya ang
sasakyang nakaparada sa harap ng hotel.
Ang sasakyan ni Lu Jinnian…
Totoo ngang nagpunta ang asawa niya sa Four Seasons Hotel…
Noong sandaling 'yun, parang bigla siyang nanlumo.
Hindi kaya totoo talaga ang mga sinabi sakanya ni Lin Shiyi kanina?
Na may pinupuntahang foreigner na babae ang asawa niyang si Lu Jinnian sa
Four Season's Hotel?
Pero… tandang tanda niya na sabay silang nakatulog kagabi… kinaumagahan,
siya ang unang nagising at noong oras na 'yun, mahimbing pang natutulog si Lu
Jinnian…Higit sa lahat, nagising siyang magkayap pa rin sila kagaya ng
kinatulugan niyang posisyon.
Sobrang hindi niya makumbinsi ang sarili niya na totoo ang naikikita niya kaya
ilang sandali ang lumipas na nakatitig lang siya sa sasakyang nasa harapan
niya bago niya ibaling ang kanyang tingin sa Four Seasons Hotel. Dahan-dahan
siyang tumingila hanggang sa matanaw niya ang pinaka mataas na palapag.
Nasa pinaka mataas na palapag ang presidential suite…Hindi niya
makakalimutan ang bawat detalye ng sinabi sakanya ni Lin Shiyi, at isa na rito
ang isang room number. Hindi kaya nasa room 1002 talaga si Lu Jinnian at ang
babae nito?
Napalunok nalang si Qiao Anhao at matagal din siyang nagalangan bago siya
makapag ipon ng lakas ng loob na maglakad papasok sa hotel.
Patakaran na ng Four Seasons Hotel na kailangan munang magregister ng mga
pupunta, kahit may bibisitahin lang.
Simple lang ang kailangan niyang gawin: ibigay ang pangalan at ID number ni
Lu Jinnian, at makukumpirma niya kung talaga bang nasa room 1002 ang
kanyang asawa.
Sa front desk ng Four Seasons Hotel, dalawang staff nalang ang naiwang
nakaduty. Halatang inaantok na ang mga ito, gawa na rin siguro ng oras, pero
noong nakita nilang papasok si Qiao Anhao, dali-daling tumayo ang isa para
bumati. Magalang itong nagtanong, "Excuse me Miss, magchecheck in po ba
kayo?"
Pinilit ni Qiao Anhao na magmukhang kalmado. Umiling siya at kinuha ang
kanyang phone para tignan ang ID number ni Lu Jinnian bago siya sumagot,
"May kaibigan ako dito. Bibisitahin ko lang sana siya. Ito ang ID number
niya…."
Dali-daling tinype ng staff sa computer ang ibinigay na number ni Qiao Anhao.
Pagkatapos iinput ng staff ang eleven-digit ID number ni Lu Jinnian, magalang
nitong sinabi kay Qiao Anhao, "Sadlit lang po." Pagkalipas ng kalahating
minuto, muling tumayo ang staff at itinuro ang elevator. "Nasa room 1002 po si
Mr. Lu. Ihahatid na po kita."
Noong narinig ni Qiao Anhao ang kumpirmasyon sa staff, hindi niya alam kung
ano ba talagang dapat niyang maramdaman.
Sa totoo lang, nagpursigi siyang sundan si Lu Jinnian sa kalagitnaan ng gabi
dahil bilang isang babae, kinutuban siya na may tinatago sakanya ang asawa
niya.
Noong nakita niya ang sasakyan nito sa labas ng Four Seasons Hotel, lalong
lumakas ang kutob niya na baka totoo nga ang mga sinabi sakanya ni Lin
Shiyi.
Pero kahit nasa harapan niya na ang lahat ng ebidensya... Hindi niya talaga
mapilit ang puso niya na maniwala kaya nagdesisyon siyang maglakas loob na
dumiretso sa front desk para makisigurado.
Ngayon na nakalatag na sa harapan niya ang lahat ng impormasyon,
pakiramdam ni Qiao Anhao ay parang sinaksak ng napaka lalim ang kanyang
puso, na ngayo'y ayaw ng tumigil sa pagdurugo. Sa sobrang sakit at bigat ng
mga nalaman niya, bigla siyang namutla at maging ang kanyang mga paa ay
nanlamig.
Pero sa kabila ng lahat, paulit-ulit pa ring sinasabi ng puso niya na walang
katotohanan ang mga haka-haka niya.