Ngunit pagkatapos na pagkatapos niyon, patuloy siyang dinampot ni Ye Mei at pinaulanan ng
malupit na suntok, gumawa ng pinagsamang mga suntok na nagpasinghap sa mga nanonood
na kabataan tulad ni Qiao Chu at iba pa na nagtipon sa palibot ng butas!
Ang binata ay bahagyang natigagal pa rin sa sunud-sunod na atake ni Ye Mei, ang tila malupit
na mga suntok sa katawan nito ay naghahatid lamang ng paimbabaw na pinsala. Kung
nakataas ang depensa niya, ang mga iyon ay hindi man lang makakasakit maski isang hibla ng
buhok sa kaniya. Ang mga galaw nito ay tila mabagsik at nananaig ngunit ang pinsala na dulot
nito sa katunayan ay katamtaman lamang.
"Anong ginagawa mo!!" Sigaw ng binata na naguguluhan at nakasimangot na mukha habang
nakatitig kay Ye Mei na parang handa itong makipaglaban sa kaniya hanggang kamatayan,
iniisip kung pinasukan na ba ng tubig ang utak ni Ye Mei. Hindi sila nagkita ng matagal na
panahon at hindi rin sila nagkaroon ng pagkakataon na mag-usap tungkol sa nakaraan nang
biglang sumugod si Ye Mei sa kaniya na may sunud-sunod na suntok!
Hindi sumagot si Ye Mei ngunit ang suntok nito ay mas tumitindi, na naging dahilan upang
masilaban ang galit sa binata.
"Punyeta! Hindi na ako mananatiling nakahiga lang dito!!" Ang matinding galit sa puso ng
binata ay sumiklab at handa na siyang gumanti.
Sa sandaling iyon, si Ye Mei ay dinaluhong ang binata at silang dalawa ay tumilapon sa isang
sulok ng malaking bulwagan kung saan hindi sila tanaw mula sa butas sa kisame.
"Dakilang panginoon! Ako'y…"
"Ye Gu! Matagal na panahon na din!" Nang makaiwas sa mga mapanuring sulyap mula sa iba,
ang ekspresyon sa mukha ni Ye Mei ay biglang nagbago, nagagalak na ngumiti ito sa
nagwawalang binata na si Ye Gu.
Nagulat si Ye Gu sa bilis ng pagbabago ng ekspresyon sa mukha ni Ye Mei at hindi agad siya
nakahuma.
"Aking kapatid, patawarin mo ako. Wala akong magawa, ngunit huwag mo na isipin pa iyon."
Saad ni Ye Mei na may pilit na halakhak. Bagaman ang mga salita nito'y may paghingi ng
paumanhin, ngunit wala maski kaunting pagsisisi sa puso nito.
Huwag husgahan si Ye Gu sa panlabas na anyo lamang kung saan mukha itong labingisa o
labingdalawang taong gulang lamang. Ang tila binatang si Ye Gu sa katunayan ay ang Chief
Commander ng Night Regime!
Sa Night Regime, isa ito sa nangunguna sa labanan at sa buong Middel Realm, ang tanging tao
na nagtataglay ng sapat na kapangyarihan na mananaig kay Ye Gu ay isang tao lamang, ang
Dark Emperor lang mismo. Kung nangyari ito sa nakaraan, ay hindi mang-aahas si Ye Mei na
suntukin si Ye Gu tulad ng ginawa niya ngayon, ngunit dahil sa sitwasyon ay wala siyang ibang
magawa.
"Ano ba ang nangyayari? Ang Dark Emperor… Nakita ko ang Dark Emperor… Ang Dark
Emperor ay…" Ang puso ni Ye Gu ay matinding mapupuspos nang makita si Jun Wu Yao kanina
at wala sa tamang pag-iisip upang makipag-away kay Ye Mei.
Sino ang mag-aakala na ang Dark Emperor na pinaniniwalaang matagal na panahon ng wala ay
lilitaw muli sa kaniyang harapan. Sa sandaling iyon, ang utak niya ay sumabog sa rebelasyon
na iyon.
"Mahabang kuwento." Buntong-hininga na tugon ni Ye Mei. Bigla niyang kinuyom ang kamay
at sinuntok ang pader na nasa tabi nito na gumawa ng isang malakas na tunog ng pagkawasak.
"Ang kailangan mong tandaan ay hindi mo dapat ilantad ang katauhan ni Lord Jue, at hindi mo
maaring ihayag na kilala mo kami. Iyan ang utos mula kay Lord Jue." Maging si Ye Mei ay wala
sa sarili. Sa sandaling nakita niya si Ye Gu kanina, ay agad niyang napagtanto na iyon ay isang
kapahamakan at sinugod si Ye Gu upang pigilan ito. Kung nasambit ni Ye Gu ang dalawang
salita na "Dark Emperor" sa harapan ng lahat, ay mabubulgar na ang lahat!
Nakasimangot ang mukha na tumingin si Ye Gu kay Ye Mei. Ang ilang taon ng kanilang malapit
na pagkakapatiran na kanilang pinagsamahan noon ay naging dahilan upang madali niyang
mapagtanto ang dahilan kung bakit ginawa ni Ye Mei lahat ng iyon ngayon. Itinaas niya ang
kaniyang paa at ipinadyak iyon upang mawasak ang sahig habang nag-uusap ang dalawa ay
gumagawa sila ng mga tunog na tila sila'y nasa labanan pa rin upang hindi sila makapukaw ng
anumang hinala.
"Si Lord Jue… naging maayos lang ba siya?" Tanong ni Ye Gu na nakababa ang mata.
"Maayos at hindi maayos. May sariling mga plano si Lord Jue at iyon ay isang bagay na hindi
natin dapat pakialaman. Ang Night Regime ay nandito upang sumunod sa mga utos ni Lord Jue
at kailangan nating gawin iyon na hindi kinakailangan na kwestyunin iyon." Paalalang saad ni
Ye Mei.