Umatras ang Emperor na gusto sanang sumaklolo sa munting Emperor.
Nagpatuloy naman sa pagtingin ang batang Emperor. Hindi nito namamalayan ang tusong mundo.
Nakangiti na ang Emperor ng Condor Country sa munting Emperor: "Wala akong pakialam sa kaya mong ibigay. Pero kung gusto mo talagang iligtas ang kapatid mo...nakikita mo ba ang urna na may pulang likido?"
Nanginginig na nilingon ng munting Emperor ang urna at muling tumingin sa tusong Emperor saka tumango.
"Kailangan mo lang umupo doon at ililigtas ko ang kapatid mo." Natatawang saad ng Emperor ng Condor Country.
Natigilan ang munting Emperor.
Hindi na matiis ng ibang mga pinuno ang nangyayari. Gusto nilang pagsabihan ang munting Emperor subalit nakahawak na sa kanilang mga espada ang mga sundalo ng Condor Country. Isang salita lang niya ay siguradong itatarak ng mga ito ang espadang iyon sa kanilang tagiliran.
Gusto man nilang tulungan ang munting Emperor ngunit wala silang sapat na lakas para gawin iyon.
Ang tanging magagawa lang nila ay ang manalangin na huwag nawang paniwalaan ng munting Emperor na ito ang kasinungalingang ng tusong Emperor.
Ilang sandaling natahimik ang munting Emperor habang nakatitig sa malaking urna.
"Totoo ba ang sinasabi mo?" Basag ng munting Emperor sa katahimikan.
Malapad na ngumiti ang Emperor ng Condor Country at sinabing: "Ang tunay na lalaki ay totoo sa kaniyang salita."
"Sige! Pumapayag na ako!" Humugot muna ng malalim na hininga ang Emperor bago binitawan ang desisyon niyang iyon.
Mas lalo pang lumapad ang ngiti sa labi ng Emperor ng Condor Country. "Mabuti. Kung gayon bilisan mo na. Maupo ka doon at illigtas ko ang iyong kapatid.:
Mahigpit ang pagkakakuyom ng kamao ng munting Emperor at nagsimula nang maglakad palapit sa urna. Nang makalapit na siya sa urna ay naamoy niya ang masangsang na amoy na nanggagaling doon. Halos mahilo siya sa amoy na iyon subalit tiniis niya pa rin. Nagdala ng tungtungan ang mga sundalo ng Condor Country para makaakyat siya sa urna.
Nang nakatuyo na siya sa tungtungan, nilingon ng munting Emperor ang tusong Emperor.
"Nangako ka. Ang lalaki ay tapat sa kaniyang salita."
Tumango naman ang Emperor ng Condor Country.
"Makakaasa ka."
Hindi na naghintay pa ng isang segundo ang munting Emperor, tumalon siya sa loob ng urna!
Nagtalsikan ang pulang likido sa labas ng urna. Kakapasok pa lang ng munting Emperor doon at naramdaman niya ang hindi mailarawang sakit na bumabalot sa kaniyang katawan. Parang dinurog ang kaniyang katinuan!
[Arghh! Sobrang sakit!!!]
Ngayon lang niya naramdaman ang ganitong klase ng sakit. Humihiyaw siya sa sobrang sakit! Sa kabila ng paghiyaw ng bata ay tumawa na parang isang demonyo ang Emperor ng Condor Country.
"Bobo ang kapatid mo at maging ikaw din! Hindi ba sinabi sa'yo ng kapatid mo na ako ang may gawa non sa kaniya? HA HA HA!"
Nang matapos sa pagtawa ang Emperor, nanatili lang itong nakatitig sa batang nasa loob ng urna at nilalamon ng pulang likido. Humarap ito sa grupo ng mga pinuno at nagsalita.
"Kalahating-araw lang ang ating hihintayin at makikita niyo kung ano ang tinatawag na 'supreme power'. Lahat kayong naririto, dapat niyong batiin ang bobong ito na mula sa Buckwheat Kingdom dahil sa pambihirang oportunidad na binigay ko sa kaniya. Mas may pakinabang na siya ngayon."
Nangilabot ang lahat dahil sa sinabing iyon ng Emperor ng Condor Country. Lahat sila ay nakatitig lang sa urna, nakikinig sa tangis ng kawawang munting Emperor.