Ang mapaniil na aura ay napakatindi na nagdulot ito sa kanila ng pakiramdam na tila sasabog
sila. Ito ay isang bagay na hindi pa kailanman naramdaman ni Shen Chi at ng kaniyang mga
kasama noon!
Hindi pa kumikilos ang lalaki ngunit lubha na nilang nararamdaman ang matinding aura. Ang
kagustuhan na hinahawakan ni Qu Xin Rui sa kaniyang puso ay biglang naglaho habang
malamig na pawis ang buti-buti na namuo sa kaniyang noo, ang mukha niya ay namutla!
Sa mapaniil na aura lamang nito ay nagawa na nitong magapi ang isang Purple Spirit. Gaano
kalakas ang lalaking ito!?
Hindi na sila nangahas na isipin pa.
Para sa isang aura na kasinglupit nito na nararanasan lamang nila sa ilang Lords ng Twelve
Palaces noon, ngunit ang sitwasyon na iyon ay nangyari lamang matapos itulak ng Lord ng
Palace ang kanilang aura sa isang matinding siklab.
Ngunit para sa lalaking ito na nasa harap nila, wala pa itong ginagawa na kahit ano, mabagal
lamang itong naglalakad papunta sa kanila ngunit ramdam nila ang kakaibang lakas!
"Sino… Sino ka…" simula nang magbalik si Qu Xin Rui sa Thousand Beast City, ito ang unang
pagkakataon na nakaramdam siya ng takot, habang tinititigan niya ang lalaki na kaakit-akit ang
hitsura.
Isang masamang ngiti ang bumanaag sa mukha ni Jun Wu Yao habang nakataas ang kilay na
tinitignan ang namumutlang mukha ni Qu Xin Rui.
"Ikaw pala iyon." tila kinakausap nito ang sarili ngunit parang tinatanong din si Qu Xin Rui.
"A… An… Ano…" natigilan si Qu Xin Rui, hindi niya alam kung anong sinasabi ni Jun Wu Yao.
Mas lumalim ang ngiti sa sulok ng mga labi ni Jun Wu Yao. Tinatamad na itinaas niya ang
kaniyang kanang kamay, marahang ginalaw ang ika-apat na daliri sa kaniyang kanang kamay.
Isang itim na liwanag ang biglang lumabas, tila isang palaso na itinudla mula sa isang pana,
lumipad ito diretso sa bibig ni Qu Xin Rui!
"ARRRGH!" isang matinis at kahapis-hapis na sigaw ang lumabas mula sa bibig ni Qu Xin Rui.
Ang itim na aninong iyon ay tumama sa kaniyang bibig at maraming dugo ang lumalabas mula
doon!
Sa matinding pagdurugo ng bibig ni Qu Xin Rui na nakabuka sa matinding sakit, makikita na
ang kaniyang dila ay mabilis na nabubulok!
Ang nabulok na laman ay lumalabas mula sa kaniyang bibig kasabay ang dugo, kumakalat sa
lupa!
Pakiramdam ni Qu Xin Rui ay mayroong sumunog sa kaniyang dila gamit ang isang mainit na
bakal, ang matinding sakit ay nakakapaso at sumisira sa kaniya, hindi na niya kinany pa ang
pagtayo at bigla siyang bumagsak sa lupa ng walang kalaban-laban, hirap na hirap habang ang
buong katawan ay pinagulong-gulong, dakma ang kaniyang bibig!
Ang dugo at malapot na likido na may kahalong pira-pirasong laman ay patuloy na lumalabas
sa puwang ng kaniyang mga daliri, pulang tilamsik ang lumalabas mula sa kaniya, isang
malakas at masangsang na amoy ng dugo ang mabilis na kumalat sa kaniyang puwesto!
Bigla, ang mata ng lahat ay nanlaki sa matinding takot at pag-aalinlangan habang nakatitig sila
kay Qu Xin Rui na nasa lupa at namimilipit sa sakit.
Halos lahat ng naroon ay hindi makapaniwala. Hindi nila alam kung ano ang tunay na
nangyari…
Ang takutin at piliting sumakay sa isang kahihiyan sa buong Thousand Beast City, si Qu Xin Rui
na matagal na nakatayo doon… ngayon ay natumba sa lupa sa isang kisapmata, nahihirapan
na parang isang mamamatay na aso, ang buong katawan ay namimilipit sa sobrang sakit
habang makapunit tainga na sumisigaw!
Dahil sa hindi kapani-paniwalang eksenang iyon, lahat ng tao sa Thousand Beast City ay
napasinghap!
Alam nilang lahat ang uri ng kapangyarihan na mayroon si Qu Xin Rui. Kung paanong
pinadanak ng dugo ni Qu Xin Rui ang Thousand Beast City sa loob ng ilang taon ay sariwa pa sa
kanilang alaala. Ang lakas ng Purple Spirit ay isang bangungot at hindi nila naisip na mayroong
nilalang na kayang pabagsakin ang matandang hukluban ng ganoon kadali…
Ngunit ang napakaimposible at hindi kapan-paniwalang eksena, ngayon ay nangyayari sa
harapan ng kanilang mga mata.
Bahagyang iginalaw lamang ni Jun Wu Yao ang kaniyang daliri at bigla ay dinala niyon si Qu Xin
Rui sa Impiyerno!
Sa buong Thousand Beast City, ang lahat ay tahimik. Tanging ang palahaw ni Qu Xin Rui
lamang ang umaalingawngaw hanggang kalangitan!