Nagtaas ang isang kilay ni Jun Wu Xie nang siya ay magpatingin kay Lei Chen.
"Kailan ko sinabing ibibigay ko ang singsing sa kaniya?"
Natigilan si Lei Chen at naguguluhang tumingin kay Jun Xie.
"Kung gusto niya kong patayin, pwede naman niyang subukan. Kung mamatay man ako, dahil iyon sa kakulangan ko sa kakayahan. Ang singsing na ito ay ang tanging alaala ng aking Master, kung siya man iyon o hindi, hinding-hindi ko ibibigay ang singsing na ito." Saad ni Jun Wu Xie. Isuko ang singsing na ito para lang sa kaniyang kaligtasan? Para saan pa at siya ay naging si Jun Wu Xie kung basta-basta na lang siyang susuko.
"Kung gayon, hindi ka naman maghihintay ng kamatayan mo dito, 'di ba?" Tanong ni Lei Chen. Nagsisimula na itong mag-alala ulit para kay Jun Xie.
Sumagot si Jun Wu Xie: "Dahil inilantad niya ang kaniyang intensyon, bakit ako maghihintay lang sa kaniyang kumilos? Siya ang nag-umpisa, hindi ako mananahimik lang."
Nanlilisik ang kaniyang mga mata matapos bitawan ang mga salitang iyon.
Wala siyang interes sa kung anumang alitan ang nasa loob ng Fire Country. Ang kaniyang unang intensyon ay ang kunin ang mapa sa kamay ng Emperor. Ngunit ngayon, ang Emperor, Fourth Prince, Empress at Prime Minister ay naghahangad na patayin siya para matapos ang kanilang problema. Kung hindi pa rin siya lalaban, hindi ba't parang bibiguin niya naman ang mga ito?
"Anong...gagawin mo?" Mariing nakatitig si Lei Chen kay Jun Xie.
Ikinumpas ni Jun Wu Xie ang kaniyang kamay sa Crown Prince. Hudyat na pinapalapit niya ito.
Si Yuan Biao ay nakaupo sa isang restaurant at naghihintay ng balitang darating. Dumating ang mga Imperial Guards na naiwan sa Immortals' Loft at Crown Prince para magbalita. Ang mga tao sa Immortals' Loft ay naging tahimik at nakikipagtulungan. Hindi sila gumawa ng kahit anong bagay na labag sa kanila.
Ang Imperial Guards na nasa labas ng Crown Prince's Residence ay nagpadala ng impormasyon na nagsasabing ilang sandali matapos makaalis ni Yuan Biao, isang attendant mula sa Crown Prince's Residence ay umalis ng mansion. Ang mga Imperial Guards ay lihim na sinundan ang taong iyon na nagpunta sa inn kung nasaan ang War Banner Academy. Hindi na nagawang makalapit pa ng Imperial Guards at naghintay na lang sa labas. Matapos ng ilang minuto ay lumabas ang attendant kasama ni Xiong Ba at Qu Ling Yue ng Thousand Beast City. Sumakay ang mga ito sa isang karwahe patungong Crown Prince's Residence.
Ang Imperial Guard na sumunod sa mga iyon ay nakitang lumabas si Xiong Ba at Qu Ling Yue kasama ang attendant sa karwahe at wala nang iba pa.
"Commander! Ang Crown Prince ay nag-imbita ng mga tao mula sa Thousand Beast City papunta sa kaniyang mansion. Ano kayang binabalak niya?" Tanong ng Imperial Guard. Hindi nito maintindihan ang nangyayari.
Sumagot si Yuan Biao: "Ang Crown Prince ay matagal nang gustong makuha ang pabor ng Thousand Beast City. Nang may mangyari kay Qu Ling Yue, hindi ba't dinala ng Crown Prince ang Young Miss ng Qi Kingdom para gamutin si Qu Ling Yue? Matatandaan ng Thousand Beast City ang kabaitang iyon na ginawa ng Crown Prince. At ngayong si Jun Xie ay pinapatawan bilang isang kriminal, natural lang na hindi bibitaw ang Crown Prince sa kaniyang nais na maging kakampi." Pagak na tumawa si Yuan Biao at nagpatuloy: "Hindi talaga nag-aksaya ng oras ang Crown Prince ano? Kakabagsak pa lang ni Jun Xie at ngayon ay kumakapit na siya agad sa mga taga-Thousand Beast City."
"Bantayan niyo sila ng maigi. Ang mahal na Emperor ay ayaw na magkaroon ng alitan sa pagitan nila at ng Thousand Beast City. Tandaan niyong lahat ito, bago niyo mahanap si Jun Xie, huwag niyong hahayaang malaman ng Thousand Beast City na sinusundan niyo sila."
"Opo!" Mabilis na sagot ng Imperial Guard at agad na umalis.
Sa loob ng Crown Prince's Residence, si Xiong Ba at Qu Ling Yue ay iginiya papunta kay Lei Chen. Nang maaalis na ni Lei Chen ang attendant, nagsalita si Xiong Ba: "Pinapapunta niyo daw kami kamahalan. Maaari ba naming malaman kung tungkol saan ang imbitasyong ito?"
Dahil sa nangyari kay Qu Ling Yue non, labis na kinasusuklaman ni Xiong Ba ang Emperor ng Fire Country. Ngunit nang paanyayahan ni Lei Chen si Jun Wu Xie, gumaan ang loob niya sa Crown Prince. Higit sa lahat, mas lalong napalapit si Qu Ling Yue at Lei Chen magmula noon nangyari ang insidenteng iyon.