Muling nagpakawala ng buntong-hininga ang lalaki at sinabing: "Mas mainam na ang kaunti. Kunin mo na lang, para sa iyong pangangailangan."
Umiling naman ang lalaking nakabenda. "Hindi sapat ang isang daang libong tael! Sampung buhay ang pinag-uusapan natin dito! Sila ay para nang magkakapatid na magkakasama hanggang sa bingit ng kamatayan! Hindi ko...Paano ko...kung hindi ko makukuha ang ganong halaga, hindi ko iyon maibibigay sa kanilang mga pamilya. Kung makikita ko ang aking mga kinakapatid sa susunod na buhay, paano ko sila mahaharap!?"
Habang nagsasalita ang lalaki, masyado itong nababagabag kaya naman ito ay nagsimulang manginig. Ang sakit na nararamdaman nito sa kaniyang katawan ay nagpapaalala sa kaniya ng pangyayari noong araw na iyon.
Labing-isa sa kanila ang bumaba ng Heaven's End Cliff. Labing-isang kalalakihan...at tanging siya lang ang nakabalik ng buhay. Lahat ng mga kasamahan nito ay hindi nagawang makatakas sa lugae na iyon at hindi man lang niya nahanap ang mga katawan noon. Kung nanatiling walang alam ang mga pamilya ng mga yon, mas masahol pa siya sa halimaw!
Ang itim na batong ito, ay naglalaman ng dugo ng labing-isa sa kanila, at ibinalik ditong ang kapalit ay sampung buhay.
Labing-isa silang umakyat, pagkatapos ay isa lang ang nakabalik ng buhay, dala ang itim na bato.
Ang lalaking nakabenda ay hindi na maalala paano niyang nadala ang itim na bato. Ang tanging naaalala lang niya ay ang kaniyang malungkot na paglalakbay pabalik dito.
Muli nanamang nagpakawala ng buntong-hininga ang lalaking nakasuot ng magarbo. Natagpuan nito ang duguang lalaki sa labas lang ng Chan Lin Town at akala niya ay hindi ito makakaligtas. Ang mga sugat na natamo nito ay marahil ang dahilan ng pagkamatay ng mga kasamahan nito.
"Kung gayon, maghintay pa tayo." Walang nagawa ang lalaki kundi ang maghintay kasama ang kaniyang kaibigan. Ngunit siya, bilang ang taong may hawak sa pamamahala ng Chan Lin Auction House, malinaw na sa kaniyang kahit ano pa man ang sikretong bumabalot sa itim na batong iyon, hindi nila iyon maibebenta.
Para sa isang tao, ang batong iyon ay isang ordinaryong bato lang.
Nabalot ng katahimikan ang auction hall. Walang nagbibigay ng pansin sa itim na batong may napakataas na presyo.
Habang sa ikalawang palapag naman, nakatitig si Qiao Chu sa itim na batong iyon.
"Ito ay isang pambihirang pangyayari. Hindi ko alam na maaari palang magdala ng mga bato ang mga tao para sa auction, at ang presyong hinihingi ay tatlong daang libong tael!? Nababaliw na ba ang lalaking iyon?" Galing man sa Heaven's End Cliff o kung saan man, wala siyang ideya kung anong klaseng lugar iyon. Ngunit para maglagay ng ganoong presyo na halos katumbas na ng halaga para sila ay makapasok sa Zephyr Academy, labis iyong Ikinagulat ni Qiao Chu.
"Hindi na mahalaga kung siya ay baliw o ano, ngunit walang may pakialam dito. Hindi mo ba nakikita, walang pumapansin sa batong iyon?" Nagkibit-balikat si Fei Yan. Lagi itong metikuloso pagdating sa mga detalye, at nakita niyang nauubusan na ng pasensya ang mga tao. Inaantay ng mga iyon na maalis na ang bagay na iyon sa auction.
"Namamangha ako para sa taong may ganitong lakas ng loob. Magdadala ito ng isang bato para sa auction?!" Bulalas ni Qiao Chu. Sila ay namuhay na hindi nila alam kung kailan sila muling makakakain. At heto may isang taong nag-aasam na makakuha ng malaking halaga para sa isang bato!
"Pero nararamdaman kong hindi lang ito basta-bastang bato." Saad ni Fan Zhuo na ngayon lang nagsalita.
Napalingon ang lahat dito.
"Ang mga bagay galing sa Heaven's End Cliff ay hindi ordinaryo. Kung tama ako ng hula, ang itim na batong iyan ay ang Black Jade Stone. Makakakuha ka ng Black Silver galing sa Black Jade Stone at ang Black Silver na iyon ay maaaring gamitin para gumawa ng ring spirits. Kaya naman ang epekto nito ay mas maganda kumpara sa ginto o kahit ano pang uri ng metal. Ngunit ang Black Jade Stone ay mahirap basagin o putulin, ang alam ko ay kailangan mo itong ilagay muna sa apoy."