Napasadlak sa kama ang lalaki. Ramdam sa kaniya ang pagkabigo.
Hindi nagtagal ay inilagay na ang mga kalan sa silid at agad dali-daling isinara ng mga tagapag-lingkod ang mga bintana at pintuan. Hindi napigilan nina Jun Xian at ng lalaki gamitin ang kanilang ispiritwal na lakas bilang panangga nang mag-umpisang uminit sa loob ng silid. Sandali pa, ang kanilang katawan ay napuno ng pawis dahil sa labis na init.
Ang pawis at ang mga likidong itim na lumalabas sa katawan ni Jun Qing. Ang kaniyang katawan, basing-basa na tila ba inahon mula sa tubig. Ang silid, agad na nabalutan ng singaw mula sa mga gabutil na pawis na galing sa kaniyang katawan.
Isang langitngit ng pintuan ang narinig nang pumasok si Jun Wu Xie sa silid. Sa kaniyang mga kamay ay isang mangkok ng gamot na kaniyang inihanda habang ang kaniyang alagang pusa ay nananatili sa kaniyang tabi.
Agad siyang nagtungo kay Jun Qing at hindi pinansin ang ibang tao sa silid.
Nang biglang nakaramdam siya ng mahigpit na hawak sa kaniyang pulso. Agad siyang pinuntahan ng lalaki sa pagbabakasakaling mapigilan si Wu Xie sa mga susunod nitong gagawin.
"Tiyuhin mo siya!" Tinitigan siya nito nang may pagbabanta. Hindi man niya sinabi kay Jun Xian na nasimula ang lahat nang ipakain ni Jun Wu Xie ang binhi ng lotus kay Jun Qing, sa kaniyang saloobin, si Wu Xie pa rin ang may buong pananagutan. Hindi man siya naniniwala na magagawa nitong saktan ni Jun Qing, ngunit hindi rin niya maikakaila ang katotohanan.
"Bitawan mo ako." Napasimangot ang dalaga. Agad siyang bumitaw mula sa mahigpit na pagkakawak sa kaniya. Labis siyang naiinis sa tuwing ginagambala at pinag-aalinlanganan siya habang naglalapat siya ng lunas.
Tahimik na tumayo sa gilid ang lalaki. Ang kaniyang mukha, mapanglaw habang pinapanood niya ang dalaga na pinapainom ng itim na tubig si Jun Qing
Nanatiling walang tugon mula sa nakaratay na katawan ni Jun Qing matapos itong painumin ng isang mangkok ng gamot.
Habang tumatagal ay lalong tumitindi ang init sa loob ng silid, bagay na nagpapahirap kay Jun Wu Xie. Ngayong hindi pa siya nakakapagumpisa sa kaniyang pagsasanay ng kaniyang kapangyarihang isipiritwal, isang malaking balakid sa kaniya ang mga ganitong pagkakataon. Naliligo man sa pawis ang kaniyang katawan, sa kabila ng kaniyang manipis na damit, nananatili siyang nakaupo ng mataimtim, ang buong atensiyon niya, naka-alay kau Jun Qing at sa bawat pagbabago sa pulso nito.
Tumalon patungo sa kama ang itim na pusa at sinuri si Jun Qing bago ito lumingon kay Jun Wu Xie.
"Meow."
[Mukhang maayos naman ang kaniyang kalagayan.]
Tumango lamang si Jun Wu Xie.
Isang oras pa ang lumipas, ang dating maiitim na likidong lumalabas sa katawan ni Jun Qing ay nagumpisa nang luminaw.
Agad tinawag ni Jun Wu Xie ang mga tagapaglingkod upang ipaalis ang mga kalan at mapahanginan ang silid.
"Maghanda kayo ng maligamgam na tubig at tulungan niyong linisan ang Pangalawang Master." Patuloy na utos ni Jun Wu Xie.
Isang malaking palaisipan para sa mga tao ang ikinikilos ng dalaga. Ano na naman ba ang binabalak ng Binibini? Batid ng lahat na hindi maganda ang kalagayan ng Pangalawang Master. Tulad ng sabi ng mga manggagamot sa kaharian, sandali na lamang ang ilalagi nito sa mundo, ngunit ngayon, naririto siya at nagmamarunong?
Natigilan ang mga tagapaglingkod, ngunit nang makita nila ang pagsang-ayon ni Jun Xian, agad silang kumilos.
"Ikaw, pumuta ka sa aking parmasya at kunin mo ang palayok ng gamot na naiwan ko sa mesa at ihalo mo iyon sa maligamgam na tubig at saka niyo ibabad ang Pangalawang Master doon sa loob ng tatlong oras." Utos pa niya sa lalaking tagapaglingkod na pinakamalapit sa kaniya.
Sa gitna ng mga kaganapan, tahimik lamang na nakatayo sa isang sulok si Jun Xian at ni minsan ay hindi niya pinanghimasukan ang mga pasya ng apo. Ang kaniyang mga namamagod na mata, nabuhayan habang pinapanood ang dalaga.
Anuman ang kahinatnan ng kaniyang mga ginawa, masaya siyang nakita ang magandang pagbabago ng dalaga.
Matapos niyang gawin ang lahat ng mga kinakailangang pag-aayos, saka niya lang napansin ang kaniyang damit na namantsahan at ang masamang amoy mula sa mga maiitim na likido mula sa katawan ni Jun Qing.
Agad siyang nagbalik sa kaniyang silid upang maligo. Talagang kinamumuhian niya ang ganitong amoy!