webnovel

Chapter 283

Editor: LiberReverieGroup

Matapos marinig ang balita na namatay na si Yuan Shilan, matagal na nanatiling tahimik si Nalan Hongye. Nilisan ni Wen Yuan ang silid, kasama ang kanyang mga tagasilbi.

Naalala niya ang huling beses na nakita niya ang malamig na ginang. Ang mukha niya ay nakabenda. Kahit na hindi nakikita ang kanyang mga sugat, madaling maisip kung gaano kalalang nasira ang kanyang mukha sa pamamagitan ng mga mantsa ng dugo sa bendahe.

Kalmado siyang tumingin kay Nalan Hongye at sinabi, "Kahit na hindi ako, hindi magiging ikaw iyon."

Simpleng ngumiti si Nalan. Dahil sa kanyang katayuan, hindi karapat-dapat na bisitahin niya ang isang keridang nilalayuan. Gayunpaman, binisita niya pa rin ito sa huli. Sa sandaling ito, nahaharap sa kanyang hindi magandang puna, hindi siya gaanong nagbigay ng reaksyon. Tahimik siyang tumingin sa babae at nagsabi ng isang pangungusap na itinago niya sa loob ng mahabang panahon, "Kahit na hindi ikaw, hindi mo kailangang gawin ito. Hindi mo ba alam na hinihintay ng buong palasyo ang araw na ito?"

"Sinong may oras na makipag-away sa kanila?" Tumawa ng malamig si Yuan Shilan habang nagawa niyang nakakatakot na ngumiti. "Ayokong mag-aksaya ng oras sa paghihintay sa isang taong hindi ako mahal."

Nagpatuloy si Nalan Hongye, "Paano ang Kamahalan? Wala ka bang nararamdaman sa kanya?"

Si Yuan Shilan, na may mabagsik na ekspresyon sa kanyang mukha, ay sumagot sa mababang tinig, "Hindi ko nais ang anumang bagay na hindi sa akin."

Sa Palasyong Dongnan, sumandal si Nalan Hongye sa kanyang upuan at ngumiti.

Totoo ba iyon? Wala ba siyang naramdaman sa lalaki? Kung ganoon talaga ang nangyari, bakit niya sisirain ang sarili sa isang taong wala siyang pakialam? Bakit siya mananaghoy sa kanyang kapalaran, sa harap ng kalungkutan? Bakit gusto niyang mamatay kung ganoon?

Sa huli, siya ay bata, walang muwang at sutil. Dahil lamang sa mga kadahilanang ito kaya nakakakilos siya sa paraang ito. Hindi niya naisip kung paano magdudusa ang kanyang pamilya kung papatayin niya ang sarili nang ganoon.

Ang likod na palasyo ay isang nakatatakot na lugar. Nagdulot ito upang mabaliw ang mga tao, kasama na ang binibini na sinira ang sarili sa pamamagitan ng paulit-ulit na paglaslas sa kanyang mukha, at pagkatapos ay nagpakamatay.

Inisip niya na ang kanyang kamatayan ay magiging dahilan upang sisihin ng lalaki ang kanyang sarili dahil sa pagkakasala at aalalahanin siya magpakailanman. Gayunpaman, hindi niya napagtanto na lilikha lamang ito ng isang maliit at pansamantalang alon. Ang paksa ay kaswal na mapag-uusapan kapag ang mga kerida ay sabay-sabay na kumakain, at wala na pagkatapos.

Ang palasyong ito ay walang kakulangan ng mga kaluluwang nawalan ng buhay. Sa paglipas ng panahon, sa mga buwan at taon, sinong makakaalala sa kanya?

"Napakatanga!" Bahagyang bumuntong-hininga si Nalan Hongye. Sa kanyang estado, maaari niyang matamasa ang buhay na puno ng luho. Sa kasamaang palad, wala siyang talino o pagtitiis.

"Ginang?" Nakatayo si Wen Yuan sa may pintuan at tumawag, may hawak na mangkok ng gamot.

Kaswal na kumumpas si Nalan Hongye para pumasok siya, kinuha ng mangkok ng gamot mula sa kanya. Kahit na napakapait ng gamot, hindi man lang siya kumislot habang bawat lagok niya itong nilulunok.

Nanood si Wen Yuan habang nakatingin sa isa pang maliit na mangkok na may asukal dito. May gusto siyang sabihin ngunit hindi niya ginawa.

"Ito ang aking mga tagubilin. Si Concubine Yuan ay banal, mapagbigay, at mabait. Dahil yumao sa matinding sakit, siya ay itataas ang ranggo sa pang-anim na antas na kerida at ililibing sa mausoleo sa kanluran. Ang kanyang pamilya ay pagkakalooban ng 1,000 tael ng ginto, samantalang ang kanyang kapatid ay itataas ang ranggo bilang isang opisyal."

Natigilan si Wen Yuan habang nalilitong nakatingin kay Nalan. Oo, may kapangyarihan siyang mamagitan sa mga usaping pampulitika at pangasiwaan ang anuman sa Song na kinabibilangan ng mga opisyales na pang-apat na ranggo at pababa. Gayunpaman, mula nang magkasakit siya, binitawan niya ang kanyang kapangyarihan sa loob ng higit sa dalawang taon. Sulit ba na gawin ito para sa isang keridang nagkasala?

Hindi na nagpaliwanag si Nalan Hongye tapos ay nagpatuloy siya, "Ang Kamahalan ay abala sa mga usapin sa korte. Huwag siyang sabihan ukol sa pagpanaw ni Concubine Yuan. Utusan angn mga opisyales na bantayan ang kanilang mga sasabihin."

Tumango at sumunod si Wen Yuan.

Natahimik ang palasyo. Si Nalan Hongye, na lubos na nagsikap upang ipahayag ang mga salitang iyon, ay nakaramdam ng pagod. Humiga siya at sumimangot, habang ginamit niya ang kanyang daliri upang hilutin ang kanyang Taiyang acupoint.

Kahit na napalayo ang damdamin ng lalaki sa kanya, may naramdaman pa rin ito para sa kanya. Pagkatapos ng lahat, minahal at kinahalingan siya nito. Tiyak na malulungkot ito kapag nalaman ang kanyang pagpanaw. Ngayon na mayroong kaguluhan sa mga hangganan sa hilagang-kanluran, kasabay ng panloob na pulitika sa korte, mayroon siyang sapat na mga bagay upang alalahin.

Matapos niyang inumin ang kanyang gamot, sinubukan niyang matulog. Nananaginip niyang naisip ang tungkol sa kapalaran ni Concubine Yuan. Marahil, sa loob ng ilang taon, makakalimutan din ng lalaki ang tungkol sa kanya. Kahit na maalala niya, wala siyang masyadong mararamdaman sa isang babae na tila nawala "dahil sa sakit".

Habang kumukutitap ang kandila, ito ay isa pang malamig at malungkot na gabi. Nang kumalat ang utos mula sa Palasyong Dongnan tungo sa iba pang mga palasyo, ang iba't-ibang mga namamahala ng palasyo ay nalaman ang hangarin ng emperatris. Kahit na nakakaramdam sila ng sama ng loob kay Yuan Shilan at sa kanyang pamilya, walang nangahas na magsalita. Ilang araw ang nakalilipas, pumunta mismo si Ginang Cheng upang humingi ng tawad. Sinenyasan nito ang isang malaking bagay: hawak pa rin ng emperatris ang kanyang kapangyarihan at hindi dapat maliitin.

Ang likod na palasyo ay tila mapayapa pa rin. Mayroon pa rin nagsasayaw at umaawit tuwing gabi, dinagdagan ng tunog ng mga instrumentong pangmusika. Sa gitna ng kagalakan, ang lahat ng pagpaplano ay tinatakpan ng nyebe. Sa malawak na palasyo, ang ginang ay nakalimutan tulad ng isang nalantang bulaklak.

"Mas maraming lakas ng loob ang kailangan upang mabuhay kaysa mamatay." Ang ngiti ni Nalan Hongye ay palaging napakasimple. Tiningnan niya ang kalangitan sa labas ng bintana, dahil tila nakita niya ang berdeng anino.

Tumayo ito doon at tumingin sa kanya, ang kanyang mabigat na espada sa tabi niya. Diretso itong tumayo, ang kadiliman ay nasa itaas niya. Sa araw ng libing ng kanyang ama, tumayo siya sa likod ng nagdadalamhating prinsesa at sinabi ang pangungusap na ito.

"Ngunit..."

Nagsimulang umihip ang hangin sa labas. Ang pagnyebe mula kagabi ay hindi pa tumitigil. Sa pamamagitan ng hangin, ang nyebe ay kumakalat habang lumipad sila sa ere.

"Kung gayon ay bakit bigla kang nawalan ng lakas ng loob?"

Naalala ni Yushu ang araw ng pagpanaw ni Xuan Mo. Umuulan ng malakas. Ang mga manggagamot ay basang-basa lahat; lalo nang basa ang kanilang mga noo.

Nang umagang iyon, maaraw ang panahon. Pinangunahan niya ang mga tagasilbi upang tuyuin ang kanyang mga libro sa bakuran. Gayunpaman, sa gabi, ang mga sundalo mula sa Dagat ng Dongnan ay biglang inihatid ang karwahe papunta sa lungsod, patungo sa tirahan ni Xuan Mo.

Ang kanyang ekspresyon ay maputla habang tinutulungan siyang makalabas ng kanyang karwahe ng ibang tao. Pumasok siya sa kanyang silid ng pag-aaral at nagpalit, habang naghahanda siyang pumasok sa palasyo. Gayunpaman, bago siya makatapak sa labas ng pintuan, bumagsak siya sa lawa ng kanyang sariling dugo. Nakatayo siya sa tabi ng lalaki at walang magawang umiyak, habang ang mga tagasilbi ay nagkumpol tungo sa kanya sa isang natatarantang paraan, ipinasok siya sa bahay at nagmamadaling kumuha ng manggagamot.

Noon nagsimulang bumuhos ang ulan. Nagpatuloy ito ng pitong araw na hindi humihinto. Sinabi lahat ng mga sibilyan na umiiyak ang langit para kay Panginoong Xuan, bilang isang kilos upang ihatid ang isang bayani.

Nagsipasukan ang mga manggagamot, pangkat-pangkat, lahat ng nagsasabi ng parehong bagay sa kanya sa huli.

Malubha siyang nasugatan, maraming dugo ang nawala sa kanya, ang kanyang katawan ay masyadong mahina mula sa matagal na panahon ng pakikipaglaban, pinilit niya ang kanyang katawan na maglakbay ng mahaba nang hindi maayos na nagpapagaling, ang kanyang mga laman-loob ay napinsala... Gayunpaman, wala na siyang narinig na kahit ano pa. Nanood siya habang umaalis ang mga matandang lalaki na may nakakatakot na itsura sa kanilang mukha.

Inisip niya sa sarili kung ano ang sinasabi nila? Bakit hindi sila pumasok upang gamutin siya? Malakas siya, sapat upang buhatin ang espadang tumitimbang ng higit sa 40 kilo at mga sibat na may timbang na higit sa 50 kilo. Siya ay bahagyang nasugatan, anong problema? Bakit siya nakahiga doon at hindi bumabangon? Ang dokumento ng kasal ng panganay na prinsesa ay naaprubahan; ang Emperador ng Yan ay aalis na bukas... Isa siyang mahalagang opisyal ng Song, bakit hindi niya inihahatid ang mga ito?

Sinala niya ang lahat ng mga ingay sa labas at tumakbo sa kanyang tagiliran. Magaan niyang hinawakan ang braso ng lalaki, kagaya ng maraming taon na ang nakalilipas, habang tinatawag niya ito, "Panginoon ko, bumangon ka... Aking panginoon, bumangon ka..."

Gayunpaman, nanatili itong hindi gumagalaw habang nanatiling nakapikit ang kanyang mga mata. Mahigpit siyang sumimangot na para bang hindi niya mabitawan ang isang bagay. Ang kanyang mga braso ay napakalamig. Mas natatakot siya ngunit hindi siya gumamit ng mas madaming lakas sa paghatak sa braso nito. Paulit-ulit siyang sumigaw, "Panginoon ko, bumangon ka... Aking panginoon, bumangon ka..."

Ang mga tunog ng pag-iyak ay nagsimulang umalingawngaw. Ang ilang aliping babae ay inilabas ang kanilang panyo at tahimik na pinunasan ang kanilang luha. Gayunpaman, bigla siyang nakaramdam ng galit. Tumalikod siya at pinalabas silang lahat.

Malakas ang ulan sa labas. Nang nagbukas ang pintuan, umihip ang malamig na hangin sa kanyang manipis na damit.

Isang manggagamot ang lumapit at bumulong, "Ginang, hindi makakaya ni Panginoong Xuan. Huwag mong pahirapan ang sarili mo."

Isa siyang malumanay at magalang na babae buong buhay niya, nananatiling masunurin sa kanyang mga magulang, sumusunod sa kagustuhan ng kanyang mga kapatid, at nakikinig sa kanyang asawa. Hindi siya tumutol sa anuman. Gayunpaman, sa sandaling iyon, sa galit, sinampal niya ang manggagamot sa mukha at sumigaw, "Kalokohan!"

Nanatiling tahimik ang matatandang manggagamot at mahinahon siyang tinignan, gayumpaman ay nakikiramay.

Sa wakas ay bumigay siya. Bumaluktot ang kanyang tuhod tapos ay nahimatay siya.

Nang magising siya, gising na din si Xuan Mo. Ang kanyang mga katulong ay tumayo sa bakuran sa labas, bawat pangkat na pumapasok upang marinig ang kanyang mga huling sasabihin. Habang dala niya ang kanyang anak sa silid, ang mga taong ito ay bumuo ng daraanan para sa kanya. Tumayo siya sa tabi ng puno sa harap ng silid, tahimik na nakatingin sa kandila sa tabi ng bintana. Tulad ito ng maraming taon na ang nakakaraan nang unang beses silang magkita.

Bata pa siya noon, habang masunurin siyang nakasunod sa likuran ng kanyang ama kasama ang kanyang mga kapatid sa tabi niya. Sa gitna ng lahat ng mga aristokrata, ang kanyang payak na puting damit ay pinagmukha siyang hindi kabilang. Nakatayo ito sa may pasilyo habang mukha siyang napakagwapo. Ang kanyang ngiti ay mainit at banayad, tulad ng hangin ng tagsibol.

Sumunod ang mga tagasilbi sa likuran niya, dala ang payong para sa kanya. Bata pa si Yong'er; mataba ang mukha. Humiga ito sa kanyang yakap, paminsan-minsan ay humihikab, mukhang pagod.

Matagal nang nag-usap ang mga taong iyon. Dahil asawa siya ni Xuan Mo, walang umiwas sa kanya. Narinig niya ang ibang tao na mahinang bumubulong sa isa't-isa, karamihan ay tungkol sa kasal ng panganay na prinsesa. Pinag-usapan din nila ang iba pang mga isyu tulad ng kung paano nila ipagpapatuloy na patakbuhin ang bansa, paano pagtibayin ang kanilang posisyon sa bagong korte, paano maiwasan makipag-alitan sa mga opisyales ng Yan, at kung paano sasama sa korte ng Yan upang matulungan ang prinsesa. Idagdag pa, ang ilan sa mga katulong ni Xuan Mo ay sinasabing nais nilang magbigay ng ilang mga sulat kay Yan Xun.

Sa wakas, paunti-unting umalis ang mga tao. Tumahimik ang bakuran; tanging ang tunog ng mga patak ng ulan ang maririnig.

Next chapter