3 Chapter 2: Sleep Over

"Sino ka?" magkasalubong ang mga kilay na tanong ko sa kanya. Nakita kong kumunot ang noo niya at nagpakawala siya ng buntong hininga.

"Tristan Armando Razon" balewalang sagot niya at binagsak niya sa harapan ko ang dala niyang plastic bag. "Iyan ang notebook at libro mo," aniya.

Natigilan at napanganga ako sa kanyang tinuran. Napakabastos. Pwede naman niyang iabot sa 'kin bakit kelangan pang ibagsak? Yumuko ako at dinampot ang plastic bag. "Salamat," sabi ko na pinipigilan ang inis sa ginawa niya.

Nakatitig ako sa mukha niya at nakikita kong parang naiirita siya, siguro 'yon ay dahil sa nabasa siya ng ulan. Well, hindi ko na kasalan kong wala siyang payong at saka ako rin naman ah nabasa rin ako ng ulan. Isa pa hindi ko naman sinabi sa kanya na sumuong siya sa ulan para ihatid ang gamit ko dito sa condo. Hindi na ako nagtataka kung paano niya natagpuan itong tinitirhan ko, meron kasi akong address sa notebook at libro ko kaya siguradong doon niya iyon nalaman.

"Susi mo," inabot niya sakin ang susi ng locker ko. Kinuha ko ito at bigla niya na lang akong itinulak ng bahagya at dahil do'n ay napaatras ako.

Hindi ako nakapagsalita ng dumiretso siya sa loob ng unit ko. Hanep ah porque tinulungan niya 'ko kanina magfe-feeling close na agad siya o sabihin na natin na nagfe-feeling may karapatan na siyang gawin ang gusto niya? Sinarado ko ang pinto at sumunod sa kanya. Tumungo siya sa sala at doon sa harap ng malaking aquarium huminto.

"Nice aquarium," aniya habang nakapako ang mga mata niya roon.

Hindi ako tumugon at binantayan ko lang ang susunod niyang gagawin. Ano kaya ang balak nito at pumasok sa unit ko? Ang kapal, hindi ko nga siya inimbitahan na pumasok eh. Masaya na sana ako dahil binigay niya sakin ang notebook at libro ko pero heto at nang-iisturbo pa. Parang iniinis talaga ako, ayaw pang umalis.

Nagulat ako nang bigla niyang hinubad ang kanyang basang blazer at pati na ang white long sleeve at sando niya.

"Sandali, anong ginagawa mo?" nagtatakang tanong ko at nakakunot ang aking noo.

Lumingon siya sakin. "Ano pa nga ba? Eh 'di naghuhubad," sarkastikong sagot niya sakin at binawi ang paningin. Sinunod niyang hubarin ang basa niyang sapatos at medyas.

"Bakit ka naghuhubad?" tanong ko pa.

Muli niya kong nilingon habang abala naman ang dalawa niyang mga kamay sa pagtanggal ng belt at hook ng pants niya. "Dahil ayokong magkasakit, basa ako ng ulan," aniya at binaba niya ang kulay crimson niyang pantalon. Tanging maikling boxer na kulay green ang naiwang saplot sa kanyang katawan. Maganda ang hubog ng kanyang katawan, hindi maipagkakaila iyon. Siguro nage-gym siya o hindi naman kaya ay active sa sports kaya medyo mamuscle ang kanyang katawan.

"Nasa'n ang banyo?" tanong niya sa 'kin. Hindi ako sumagot at tinuro ko ang pinto na nasa kanang bahagi ko. "Bigyan mo 'ko ng tuwalya at maliligo ako. Pahiramin mo na rin ako ng boxer at sando," dagdag niya.

Napabuntong hininga ako. Kakaasar. Makautos ang Tristan na 'to para niya 'kong katulong. Ito na nga ba ang sinasabi ko eh. Hindi lahat ng mga taong kusang tumutulong ay walang may hinihintay na kapalit, minsan ang iba sa kanila ay meron. At ito ang isang halimbawa si Tristan Armando Razon na isang crimson ng Yin-Yang University.

"Hoy! Ano na?! Tutunganga ka lang ba diyan? Kumilos ka na!" nagulat ako sa lakas ng boses niya. Nakatayo na siya sa tabi ng pintuan ng banyo at bakas sa kanyang mukha ang pagkainip.

Nakakapikon talaga siya. Hindi na ako umimik at pumasok na 'ko sa kwarto para kunin ang mga nirequest niya. Sana naman pagkatapos niyang maligo at magbihis ay umuwi na siya nang hindi na ako maisturbo at ng makapag-aral na ako para sa long test bukas.

Paglabas ko ng kwarto ay hindi ko na naabutan si Tristan. Nasa loob na siya ng banyo at nagsashower. Niligpit ko na lang ang mga naiwan niyang basang uniform sa sahig sa sala at inilagay sa plastic. Pagkatapos ay naiinis akong umupo sa sofa, napagtanto kong mali ako sa pagpunta sa Yin-Yang ngayong gabi, hindi ako dapat pumunta roon. Kamalasan tulo'y ang dala nito sa 'kin. Tingnan mo naman may isang crimson na ang pangalan ay Tristan Armando Razon ang naliligo sa loob ng banyo ng unit ko.

Sandali lang, Razon? Tristan Armando Razon. What? Oh my goodness! Isang Razon ang presidente ng student council ng school namin, si Phinilopy Christina Razon. Kung hindi ako nagkakamali ay magkapamilya sila. Ano ba naman 'to? Bakit sa dinami-rami ng crimson isang Razon pa ang nakakita sa 'kin? Marami na akong narinig tunkol sa mga Razon, hindi magaganda ang mga ugali nila. Naku naman!

Dapat ba 'kong mag-alala dahil nakilala ko ang isang crimson na Razon? O magwalang bahala dahil kung iisipin si Tristan ay isang crimson at ako nama'y isang grey, magkaiba ang aming time schedule kaya imposibling mag-cross ang landas namin sa loob ng Yin-Yang.

Ngumiti ako. Tama, wala akong dapat ikabahala dahil mamaya'y aalis na ang Tristan na 'to at dito na matatapos ang kalbaryo ko sa kanya ngayong gabi. Hindi ko na siya makikita at hindi na niya ko mauutos-utosan tulad ng ginagawa niya ngayon na parang siya ang boss ko at ako naman ang personal alalay niya. Isa akong Senyorito sa bahay namin pero ano'ng ginawa niya sa 'kin? Inutos-utosan niya 'ko sa sarili kong tirahan. Pero 'di bale na, okay lang 'yon dahil kahit papaano'y may ginawa naman siyang kabutihan sa 'kin. Mamaya lang at uuwi na siya at hindi na niya ako maaabala pa.

Tumayo ako at tumungo sa banyo nang tawagin ako ni Tristan. Tapos na siyang maligo. Nakadungaw ang ulo niya sa bahagyang nakabukas na pinto at inabot ko sa kanya ang tuwalya at damit na pamalit. Pagkatapos ay sinarado na niya ang pintuan at ako nama'y tumungo sa dinning table at inilabas ko ang aklat at notebook ko sa algebra na nasa plastic bag.

Inabutan ako ni Tristan na nag-aaral sa four seated dinning table. Nakabihis na siya, suot niya ang kulay itim kong sando at pulang boxer shorts. Hindi ko siya pinansin at tinuon ko ang mga mata ko sa libro. Dumiretso siya sa ref na nasa gawing kaliwa ko sa likuran at agad kong nalanghap ang pamilyar na amoy ng sabon na kanyang ginamit, Vanilla scent ang sabon kong iyon. Binuksan niya ang ref at napangiwi naman ako. Aba at feel at home talaga siya, parang may-ari lang ng unit ang mokong.

Hindi ako nakapagpigil at nilingon ko siya. "Anong hinahanap mo?" blankong tanong ko. Hindi talaga siya nakakaramdam na ayuko sa presensiya niya. Deadma lang talaga siya. Parang ako pa itong kelangang mag-adjust sa sarili kong pamamahay. Parang ako pa ang guest at siya ang may ari. Kakaasar!

"Naghahanap ako ng isda na makakain," sagot niya.

Parang biglang nanuyo ang lalamunan ko sa kanyang sinabi. Sa dinami-rami ng pagkain na pwedeng banggitin, isda pa talaga ang kanyang binanggit. Nagulat ako doon ah. Kinalma ko ang aking sarili, hindi niya naman alam na sireno ako kaya walang dapat ikabahala.

"Ayon maraming isda sa aquarium manghuli ka at lutuin mo," mahinang sabi ko at binalik ko ang mga mata sa libro.

Narinig kong sumarado ang ref. Maya-maya'y nasa tabi na ng pisngi ko ang pisngi niya. Nasa likuran ko siya at nakapatong ang magkabila niyang kamay sa mesa samantalang nakadikit naman sa likod ko ang dibdib niya.

"Isda sa aquarium? Bakit masarap ba ang mga 'yon?" bulong niya sa tenga ko. Naramdaman ko ang mainit na hininga niya, parang nagsitayuan ang balahibo ko sa batok.

Napakagat labi ako, ang lakas naman ng pandinig ng lalaking 'to. "Bi-biro lang..." pigil hiningang sagot ko.

"Ayaw ko ng biro," pabulong na sabi niya at halos maramdaman ko na ang labi niya sa tenga ko.

Napalunok ako. "Sorry," ikling sagot ko na lang. Nilayo niya ang sarili sakin at muli niyang binuksan ang ref. Nakahinga ulit ako ng maayos, sira ulo talaga ang lalaking ito.

Umupo siya sa harap ko na bitbit ang natirang lechong manok na binili ko kaninang hapon. Hindi ko siya pinansin at nagsimula na siyang kumain. Gusto ko sanang sabihin sa kanya na e-microwave muna iyon para mainit pero pinigil ko ang aking sarili. Hindi nga siya marunong magyaya na kumain tapos gagawan ko pa siya ng pabor? 'Di bale na lang, magtiis siyang kumain ng malamig na manok, hindi niya naman ikakamatay 'yon.

Ilang sandali pa at inangat ko ang aking ulo at tinitigan ko siya. "Siya nga pala nasa sofa ang plastic bag na may laman ng basang uniform mo. Naro'n din ang t-shirt, pantalon, medyas at sapatos na pwede mong isuot mamaya pag-uwi mo. At saka huwag mo nang isuli 'yon sakin, itapon mo na lang pagkatapos mong gamitin," sabi ko. Naisip kong ipatapon na lang sa kanya iyong mga gamit ko kay sa naman ibalik pa niya dito at magkikita na naman kami ulit. Naku huwag na, tama na itong gabi na puno nang kamalasan.

"Pag-uwi mamaya?" tanong niya, tumango naman ako. "Sinong nagsabi sa 'yo na uuwi ako ngayon?" magkasalubong ang mga kilay na tanong niya.

"Bakit? Hindi ka ba uuwi ngayon?" balik tanong ko. Nagsalubong na rin ang mga kilay ko.

"Hindi ako uuwi, dito ako matutulog ngayon."

"Ano?" nagulat na bigkas ko.

"Bingi? Sabi ko dito ako matutulog."

Napanganga ako sa 'king narinig. Seryuso ba siya? O gusto niya lang talaga akong inisin? Asar! Hindi na ako umimik, ayaw ko ng magsalita at baka kung ano pa ang masabi ko. Sige papayag na 'ko na dito siya matulog pero dito siya sa sala. Last na talaga 'to, bukas wala na. Wala ng Tristan Armando Razon ang gagambala pa sa 'kin bukas at sa susunod pang mga bukas. Sa ngayon pagbibigyan ko muna siya.

"Sige okay, diyan ka na lang sa sofa matulog. Kukuha lang ako ng kumot at unan," sabi ko at tumayo.

"Patutulugin mo ako sa sofa? Gano'n ba ang pagtrato mo sa bisita mo? Pinapatulog mo sa sofa?" hindi makapaniwalang tanong niya. Bakas sa mukha niya ang pagkadisgusto. Eh abnormal pala 'tong lalaki na 'to eh. Una sa lahat ay hindi ko siya bisita, feeling niya lang 'yon, hindi ko siya pinatuloy dito sa unit ko at siya lang itong biglang pumasok. At pangalawa, inutos-utusan niya 'ko na parang alalay niya at ngayon nag-aasume siya na bisita ko siya? Ang sarap pektusan ng lalaking 'to.

"Anong masama do'n?" tanging nasabi ko. Pasalamat nga siya pumayag ako, eh hindi ko naman siya kaano-ano.

"Hindi ako matutulog sa sofa," aniya na blanko ang ekspresyon ng mukha at nakapako ang tingin sa 'kin.

"Sa'n ka matutulog kung gano'n?" tanong ko at bumalik ako sa 'king upuan.

"Sa kwarto mo alangan naman sa banyo," walang pag-aatubili at diretsong sagot niya.

Iniwas ko ang paningin ko sa kanya at binalingan ko ang aklat ko sa mesa. "Oo, sa banyo ka matulog pwede rin," mahinang sabi ko.

"Anong binubulong-bulong mo diyan?"

Inangat ko ang ulo ko sa kanya. "Huh? Wala. Sabi ko doon ka sa kama ko at ako na lang sa sofa. Nakakahiya naman kasi sa 'yo ikaw ang bisita ko tapos patutulugin kita sa sofa."

"Hindi ka matutulog sa sofa, okay lang sa 'kin na magkatabi tayo. Pareho naman tayong lalaki kaya ayos lang."

Talagang ang kapal! At parang siya pa ang dehado ah? Siya pa ang may ganang magsabi na okay lang sa kanya na may katabi, wow parang may-ari lang gano'n? Hindi okay sa 'kin na may katabi kahit lalaki pa kami.

"Hindi kasi ako sanay na may katabi. Diyan na lang ako sa sofa," pag-aalibay ko.

"Kung hindi ka sanay na may katabi eh 'di lagyan na lang natin ang pagitan natin ng unan," mungkahi niya. "At saka hindi naman ako malikot matulog," dagdag pa niya.

"Ay malikot ako matulog eh," sabi ko.

"Malikot ka matulog? Eh 'di mas lalong hindi ka pwede sa sofa. Mahuhulog ka diyan, mamaya mabalian ka pa at ako pa ang masisisi dahil hinayaan kita sa gusto mo."

Pakshit talaga 'tong Tristan na 'to, hindi ako makalusot sa kanya. "Humihilik ako pagnatutulog," pagrarason ko.

"Okay lang, humihilik din ako," sabi niya at saka tumayo at binitbit ang pinagkainan sa lababo. "Meron kang extra tooth brush?" binalingan niya 'ko. Nakatayo siya sa kanang bahagi ko.

"Buksan mo 'yang cabinet sa taas ng lababo meron diyan," tugon ko.

"Okay, thank you," sabi niya. Aba buti naman at marunong magpasalamat akala ko sukdulan na ang kawalang manners niya.

Pagkatapos niyang magtoothbrush ay pumasok na siya sa kwarto ko. Para talaga siyang may-ari. Grabe feel at home talaga siya. Ngayon lang ako nakaencounter ng katulad niya, ang sarap niyang pektusan.

Nagpatuloy ako sa pag-aaral ng algebra hanggang sa hindi ko na namalayang nakatulog na pala ako.

"Gising... Lumipat ka na sa kwarto... Tara na..."

Minulat ko ang aking mga mata at ang mukha agad ni Tristan ang nakita ko. Hindi ako umimik at inalalayan niya ako patungo sa kwarto. Nang makapasok na kami ay pinahiga niya 'ko sa kaliwang bahagi ng kama at siya nama'y humiga sa kanang bahagi. Queen size ang kama ko kaya maluwag.

"Good night Shero," narinig kong sabi niya at pagkatapos ay pinatay niya ang lampshade na nakapatong sa bedside table sa kanyang tabi. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na narinig kong sinabi niya ang pangalan ko.

Pumikit ako. "Good night Tristan," mahina at halos pabulong na tugon ko naman. Hindi ko alam kung narinig niya iyon o hindi. At naramdaman kong yumakap sa 'kin ang kanyang braso. Hinayaan ko siya, hindi na 'ko umangal at nagprotesta pa dahil subrang antok ko na at parang wala na rin akong lakas para kumilos.

Madaling araw nang magising ako. Napatulala ako nang pagdilat ko ay kaharap ko na ang mukha ng natutulog na si Tristan. Magkalapat ang aming mga labi at yakap namin ang isa't-isa.

What the f*ck? Si Tristan Armando Razon ang first kiss ko! Hindi pwede 'to!!!!

ITUTULOY!!!

avataravatar
Next chapter